08

42 8 1
                                    

IBINUGA ko ang huling hithit ko sa tabako tsaka ibinaon ito sa lupa. Pumikit ako sandali habang nilalanghap ang maaliwalas na hangin na nagmumula sa karagatan. Ang papalubog na araw na naghihintay sa aking paglisan ay unti-unti nang nagtatago sa ilalim ng kalawakan.

Bago pa sumapit ang dilim ay tumayo na ako upang ipagpatuloy ang paglalakad. Wala akong ideya kung saan ko hahanapin si Dr. Maddie. Ang pinanghahawakan ko lang ay ang kutob kong hindi pa siya nakakalayo sa Agravtha.

Tinunton ko ang ledge ng bangin dahil walang daan kundi rito. Ingat na ingat ako sa paglalakad dahil isang maling hakbang ko lamang ay maaari akong mahulog sa dagat at ito pa ang maging dahilan ng pagkamatay ko. Unti-unti nang dumidilim ang paligid ngunit hindi ko pa rin mahanap ang bakas ni Dr. Maddie. Nahihilo na rin ako sa gutom at puyat. Wala pa akong naging maayos na tulog magmula nang dumating ako sa Agravtha.

Ilang hakbang pa ang nalakad ko bago ako natumba't nawalan ng ulirat.



NAGISING ako dahil sa isang tinig ng babaeng paulit-ulit na tinatawag ang pangalan ko.

"Hindi mo pa rin ba maalala na ikaw ang pumatay sa pamilya mo?"

"Ikaw Haila. Ikaw ang pumatay sa sarili mong asawa't mga anak!"

Madilim ang paligid at malamig ang kinahihigaan ko. Palakas nang palakas ang tinig na siyang bumubulabog sa aking tenga. Ang tanging liwanag lang na nakikita ko ay ang apoy sa may aking paanan. Malabo rin ang paningin ko at hindi ko maigalaw ang katawan ko. Sumigaw ako para tanungin kung sino ang babaeng iyon ngunit walang boses na lumalabas sa aking bibig na para bang may tinik na nakabara rito.

"Mamamatay tao ka, Haila. Halang ang iyong kaluluwa. Isa kang baliw!"

Pinilit kong ibangon ang sarili ko at hanapin kung saan nanggagaling ang tinig na iyon. Kinuha ko ang swiss knife at kumuha ng piraso ng kahoy sa nagbabagang apoy upang ipangtanglaw sa loob ng kweba.

"PAPATAYIN KITA, HAILA!"

"Sino ka?! Magpakita ka sa'kin!" Sigaw ko habang pilit na inaaninag ang dulo ng kweba kung saan nanggagaling ang boses.

Isang nakapangingilabot na tawa ang narinig ko na umalingawngaw sa buong kweba. Nagsitindigan ang mga balahibo ko sa katawan nang makarinig ako ng mga yabag ng paa at mas lumalakas pa ang tunog nito senyales na papalapit na siya sa akin. Tumigil ako sa paglalakad upang pakiramdaman ang yabag na iyon. Ilang sandali pa'y tumigil ang yabag at mas lalo akong nahintakutan nang may maramdaman ako sa likod ko.

"Papatayin kita, Haila." Bulong ng babae sa tenga ko kaya agad kong inihanda ang kutsilyo para tutukan siya ngunit paglingon ko ay wala na sa likod ko ang babae.

Inikot ko ang paningin ko sa paligid upang hanapin ang babae ngunit para siyang bula na bigla na lamang naglaho.

Papalabas na ako ng kuweba nang maaninag ko ang likod ng isang lalaki. Dahan-dahan siyang lumingon sa akin at nagulat ako nang malaman na si Kyle ang lalaking iyon. Ngumiti siya gaya ng ginagawa niya at inihayang ang mga braso upang yakapin ako. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko sa nakikita ko. Tumakbo ako papunta sa kaniya upang hagkan siya ngunit biglang nagbago ang kaniyang anyo. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko sa harap ko ang isang ako, ang sarili ko. May hawak siyang palakol habang nakangisi sa akin at nanlilisik ang mga mata. Inangat niya ang palakol at sinunggaban ako ng saksak. Wala na akong nagawa kundi ang sumigaw upang humingi ng tulong kahit na alam kong wala namang makakarinig sa akin. Ipinikit ko na lang ang mga mata ko habang hinihintay ang kamatayan.

Isang malakas na paglaglag ng metal ang narinig ko. Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko at nakita kong swiss knife ko pala ang nalaglag. Nagtaka ako dahil wala na ang sarili ko na papatay sa akin. Sa hinagap ko'y dala lamang ng gutom ang lahat ng iyon.

AGRAVTHATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon