09

40 8 0
                                    

"MAAYOS na ang kalagayan niya. Kailangan niya lang ng tamang pahinga. Administer these drugs to her. Alam mo naman ang dapat gawin."

"Maraming salamat po Dr. Sol."

"Mauna na ako. Tawagan mo na lang ako kung may kailangan kayo."

'Nasaan ba ako? Bakit naririnig ko ang boses ni Luis? Sino ang kausap niya?'

Iminulat ko ang mga mata ko at nasilaw ako sa liwanag na nagmumula sa bintana. Nakatalikod si Luis habang inaantay ang paglisan ng isang lalaking palagay ko'y siya ang doctor na kausap ni Luis kanina.

"Salamat naman at nagising ka na, Haila. Kumusta ang pakiramdam mo?" Tanong ni Luis habang inaayos ng lagay ang nakakabit na suwero sa akin.

"Maayos na naman pero masakit pa rin ang ulo ko. Nahihilo rin ako at pakiramdam ko'y masusuka ako. Gaano ba ako katagal nawalan ng malay?"

"Tatlong araw kang nawala pero hindi ko alam kung ilang araw kang walang malay."

Magkahalong gulat at pangamba ang naramdaman ko nang sabihin ni Luis iyon. Ibig sabihin, tapos na ang oras na ibinigay ni Madrigal sa akin. Pero bakit nandirito pa rin ako?

"Ano ba'ng nangyari?"

"Inakala kong sumunod ka na pabalik ng Agravtha pagkaraan kong umalis. Pumunta ako sa kwarto mo kinabukasan ngunit wala ka roon. Inisip ko na abala ka siguro sa paghahanap ng ebidensya laban kay Molly dahil kakaunting oras na lamang ang nalalabi sa'yo. Nagtaka ako dahil hindi mo ako sinabihan tungkol sa balak mo pero inisip ko rin na baka gusto mong isagawa ito nang mag-isa. Hindi na ako nag-abala pang hanapin ka dahil ipinatawag ako ni Dr. Madrigal at pinakisuyuan akong tulungan siya sa kaso ni Dr. Maddie. Dalawang araw na ang lumipas mula nang pumunta tayo sa dulo ng Agravtha pero hindi pa rin kita nakikitang bumalik kaya napagpasiyahan kong hanapin ka kung saan tayo huling nagkita. Malakas ang buhos ng ulan na may kasamang kidlat at mas lalong humigpit ang pagbabantay sa Agravtha kaya nahirapan akong makalabas.

Delikado kung dadaan ako sa kakahuyan kaya minabuti ko na lang na magpalipas muna ng oras sa dampa na natagpuan ko sa gitna ng kakahuyan. Inumaga na ako sa paghihintay na tumila ang ulan bago ako muling nagpatuloy sa paglalakad upang hanapin ka. Narating ko ang dulo ng Agravtha ngunit wala ka roon. Lumiban ako sa malaking pader sa pag-aakalang makikita kita roon. Nakita ko ang patak ng dugo sa lupa at sinundan ko ito. Laking gulat ko nang makita kitang palutang-lutang sa dagat. Mabuti na lamang at pinaliligiran ka ng malalaking bato kaya hindi ka inagos ng malalakas na alon.

Putlang-putla at nangungulubot ka na nang dalhin kita sa gilid ng dagat. Umaagos ang dugo mula sa likod ng iyong ulo. Akala ko'y binawian ka na ng buhay ngunit laking gulat ko nang maramdaman ko ang mahina mong paghinga. Kaagad ay binendahan ko ang iyong sugat. Pasalamat ako dahil kung nahuli lang ako ng kaunti sa pagdating ay baka wala ka na ngayon." Mahabang kuwento ni Luis.

"Salamat. Utang ko ang buhay ko sa'yo."

"Wala 'yon. Trabaho ko naman..." napatigil si Luis sa sinabi niya ngunit binawi niya agad ito. "Ang ibig kong sabihin ay kasama iyon sa pagtulong ko sa'yo." Ngiting sabi ni Luis upang matakpan ang kaniyang pagkadulas. Ginantihan ko na lang din siya ng isang tipid na ngiti upang hindi niya mahalata na alam ko na ang tinatago niya.

"Paano na ang imbestigasyon?" Tanong ko kay Luis para ibahin ang usapan.

"Huwag mo munang alalahanin iyon. Ang mahalaga ay ang makapagpahinga ka. Ako na muna ang kakausap kay Molly. May gusto ka bang iparating?"

"W-wala." Tugon ko at ipinikit na lang muli ang mga mata ko. Narinig ko naman ang pagsara ng pinto nang lumisan si Luis.

Hindi ko na alam kung ano ba ang dapat kong gawin. Wala na ang pamilya ko. Ano pang saysay ng buhay ko? Parang gusto ko na lang mawala sa mundo. Wala ring halaga ang paghahanap ko pa ng hustisya. Nag-aaksaya lang ako ng oras at pagod. Para saan pa? Hindi ko naman na maibabalik pa ang pamilya ko. Hindi ko pa rin maatim ang nangyari sa pamilya ko pero wala na akong magagawa pa. Ang mga sinabi ni Maddie ang siyang nagpanumbalik ng aking madugong nakaraan na ayaw ko nang balikan.

AGRAVTHATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon