11

40 8 0
                                    

-6 months earlier-

Nagising ako sa kalaliman ng gabi nang marinig ko ang kaluskos sa labas ng kwarto. Ginising ko si Kyle ngunit mukhang malalim ang kaniyang pagtulog kaya't bumangon ako sa aking pagkakahiga at hinanap kung saan nanggagaling ang kaluskos na iyon. Sa pakinig ko'y nagmumula ito sa kusina kaya maingat akong nagtungo roon at hindi nga ako nagkamali dahil sa paglapit ko sa kusina ay palakas nang palakas ang kaluskos.

Laking gulat ko nang makita ang isang malaking lalaking nakatalikod. Tumigil siya sa kaniyang ginagawa at humarap sa akin. Nakahood ang lalaki pero madilim ang paligid kaya't hindi ko maaninag ang kaniyang mukha. Gusto kong sumigaw para humingi ng tulong pero hindi sumusunod ang katawan ko sa isip ko. Hindi ko namalayan na nakuha ko na pala ang chef's knife at mabilis na itinutok sa lalaking kaharap ko ngayon. Bago ko pa masaksak ang lalaki ay kumaripas na siya ng takbo paakyat at nagpunta sa kwarto namin ni Kyle. Wala na ako sa katinuan ng pag-iisip at hindi ko na rin alam ang aking gagawin. Basta ang alam ko na lamang ay gusto kong mapatay ang lalaking iyon bago pa niya masaktan ang pamilya ko. Kaagad ko siyang hinabol at sinaksak ko siya nang paulit-ulit ngunit bigla na lamang ako nakarinig ng nakapangingilabot na tawa sa likod ko. Nasa pinto siya ng aming kwarto habang hawak ang cleaver knife. Pinaikot-ikot niya ito sa kaniyang kamay at saka bigla na namang tumakbo.

Mabilis at malabo ang lahat ng mga pangyayari. Hindi ako sigurado kung napatay ko ba ang lalaking iyon o kung paano ko ba siya napatay. Nakaramdam na lang ako bigla ng panghihina at pananakit ng aking ulo. Nandidilim rin ang aking paningin. Kusang gumalaw ang katawan ko pabalik ng kwarto at bumalik sa pagtulog.

Nagising na lang ako kinabukasan na pinaliligiran ang buong bahay ng mga pulis at imbestigador at ang pinakamasakit ay wala nang buhay ang buo kong pamilya. 

---


PAKIRAMDAM ko'y wala na akong karapatang mabuhay. Walang kapatawaran ang ginawa kong kasalanan. Nakulong ako sa kasinungalingan at nabuhay sa imahinasyon. Paano ko ba malilimutan ang lahat? Kailan ako makakawala sa rehas na nakakabit sa aking mga paa at mga kamay?

Ako si Haila Guevarra, ang pasyente sa selda 101. Diagnosed as having Schizophreniform disorder, anim na buwan nang nakakaraan. Tumatagal lang ang sakit na 'to sa loob ng isa hanggang anim na buwan at naniniwala akong naging matagumpay ang misyon na ginawa nina Dr. Maddie at Luke.

Masakit tanggapin ang katotohanang pilit kong ibinabaon sa limot. Hindi ko sinasadyang mapatay ang aking pamilya. Gusto ko na lamang mawala sa mundong ito nang maalala ko kung paano ko sinaksak nang paulit-ulit si Kyle, kung paano ko itinali sa kisame ang anak kong si Halle at kung paano ko pinatay sina Hannah at Kian. Hindi ko alam ang mga ginawa ko noong gabing iyon.

"Haila, naririnig mo ba ang sinasabi ko?"

Bumalik ang ulirat ko nang magsalita si Charles habang tinatanggal ang swero ko. Siya ang mental health nurse ko mula nang maging pasyente ako rito sa Agravtha. Mahinahon siya at mahaba ang pasensya. Mabuti na lamang at siya ang tagapangalaga ko. Hindi rin ako makapaniwala na pumayag siya sa pagpapanggap bilang detective gayong wala naman siyang karanasan at talagang Luis pa ang ipinangalan niya.

"Pupunta tayo sa basement ng lighthouse. Dr. Madrigal will examine your health." Usal ni Charles sa pinakamalungkot niyang boses. Ngumiti lang ako sa kaniya bilang tugon.

Sa basement ng lighthouse ay doon isinasagawa ni Dr. Luke ang lobotimization. Ngayong araw na ito ang ika-anim na buwan ng pamamalagi ko rito sa Agravtha. Ngayong araw din nagtatapos ang misyon na ginawa nina Dr. Luke at Dr. Maddie. Alam ko na ang kahahantungan ko pero may pag-asa pa ba ako? Ano kaya ang mangyayari kung sabihin ko sa kanilang nalalaman ko na ang lahat?

AGRAVTHATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon