Untitled 06

2 0 0
                                    


"Napaka wala mo talagang kwenta!"

"Mana ka sa tatay mo! Dapat sumama ka na sa kaniya!" 

"Ang baba ng grado mo!"

"Walang kwenta!"

At muli, narinig ko na naman ang ingay ng Nanay ko, napatingin ako sa Ate ko na tahimik na naghuhugas ng pinggan. Mula dito sa hapagkainan ay matatanaw ko siya sa kusina, hindi niya pinapansin ang sinasabi ni Nanay. 

Pagkatapos niyang maghugas ay pinunasan niya ng tuyong towel ang kamay at nagsimulang maglakad patungo sa kwarto niya.

"Ikaw Mariel, huwag kang gagaya sa ate mong palamunin ha? Mag aral ka ng mabuti! Dapat matataas ang nakukuha mo na grado sa eskwelahan niyo!" sambit ni Nanay habang nakapameywang sa harap ko. 

"Marami ka pang maabot, huwag kang tutulad sa Ate mong palakol! Walang kwenta!" Ani niya muli.

Umakyat ako sa ikalawang palapag ng bahay namin, pipihitin ko na sana ang pintuan ng kwarto ko ng maalala ko si Ate, sinulyapan ko ang pintuan ng kwarto niya, nasa pinakaduluhan kasi ng palapag ang kwarto, hindi pa ako kailanman nakapasok sa loob ng kwarto niya, bilin kasi sa akin ni Nanay:

"Huwag kang magtangkang pumasok sa kwarto ng Ate mong walang kwenta, mahahawa ka sa mga kaabnormalan niya."

Kahit bawal ay humakbang pa rin ako papunta sa pintuan ng kwarto niya, hindi ko alam kung bakit galit na galit si Nanay sa kaniya at tinatawag niyang palagi na walang kwenta ang Ate ko dahil mababa ang grado niya. 
Sandali akong huminga ng malalim at pumikit, hindi kami close ng ate ko. Madalas kasi siyang tahimik at palaging blangko ang mukha kaya naman natatakot ako na kausapin at lapitan siya, pagdilat ko ay nakaawang ang pinto, nagpalinga-linga ako bago sumilip..

At hindi ko inaasahan ang nakita ko sa loob ng kwarto ng Ate ko...

Punong-puno ng makukulay na larawan, tuluyan na akong pumasok ng dahan-dahan, naabutan kong nag pipinta si Ate habang may nakasalpak na taingang pantunugan sa kaniya.

Sa gilid niya ay may patungan, nandoon ang kape na umuusok-usok pa, inilibot ko ang tingin ko sa kwarto niya, napaka ganda, para bang nasa ibang dimensyon ako, may mga drawings na makukulay.

Nilapitan ko ang isang larawan ng batang nakaharap sa makulay na puno't halaman, may mga ibon na nagliliparan, ang kulay ng kalangitan ay asul at sinamahan ng puti para sa ulap.

"Akala ko hindi ka papasok eh."

Napalingon ako sa nag salita, si Ate ay nakangiti sa harap ko, ang ganda ng mga ngiti niya, tila ba wala siyang dinadala na problema. 

"A-ate." 

"Yung painting na yan, nais mo ba?" 

Napatingin ako sa painting na tiningnan ko kanina, at nagsalita siya.

"Kung mapapansin mo, yung bata ay kulay itim, habang ang nakaharap sa kaniya ay puro makukulay, kung may pinagdadaanan tayo sa buhay, tingin lang palagi sa postibo, magiging maayos ang lahat." nakangiti niyang sambit.

Tinuro ko yung iba na nakabalot ng puti na tela.

"Eh yung mga yun ate, ano po iyon?"

"Ah, yun ba? Dinodonate ko yan sa isang bahay ampunan, ibebenta nila at magkakaroon na sila ng pondo." masayang sambit niya.

Napatingin ako sa kaniyang mga mata, ibang iba si Ate na nakilala ko sa labas ng kwarto na ito,

"Alam mo, kahit madalas akong sinasabihan ni Nanay na walang kwenta, hindi ako nag papaapekto."

"Grado lang naman ang binabasehan niya para masabi kung anong uri ako ng tao." 

"Kung sinabihan ka ni Nanay na huwag pumasok dito, huwag kang matakot na pumasok dito, hindi to kaabnormalan.  Lahat ng ito ay may saysay, dito ko naramdaman na buhay ako." ani niya sabay ngiti ng pagkalaki laki.

"Paano mo ate nalaman na may sinabi sa akin Nanay?"

Napatingin siya sa akin.
"Kasi sinabi niya rin yan sa akin noon na huwag pumasok sa silid ni Tatay, naka awang ang pinto ni Tatay noon, at pumasok ako, at pagpasok ko, itinuro niya sa akin kung paano magiging makulay ang mundong madilim." At ngumiti siya muli.

"Halika, samahan mo akong mag pinta." wika niya at hinila niya ako patungo sa kinapupwestuhan niya kanina.

Ibinigay niya sa akin ang brush at pintura at nagsimula kaming mag pinta, tila ba may naririnig akong musika sa aking tenga habang nag pipinta, nakakahalina at masarap sa pakiramdam.

"Sampung taong gulang lamang din ako noon noong madiskubre ko ang kwarto ni Tatay." Kwento niya habang nilalagay ang pintura sa isang babasaging lalagyan.

"Masarap mabuhay dito Mariel.. Sa totoo lang." malambing niyang sambit. 

Hinaluan niya ng kulay dilaw ang pintura na pula at nilagay sa babasagin na lagayan. 

"Nais mo na bang makita si Tatay?" 
Nanlaki ang mga mata ko, simula noong ipinanganak ako ay hindi ko pa nakikita si Tatay, sabi ni Nanay, wala na daw si Tatay, alam pala ni Ate kung nasaan si Tatay!

"Oo naman po!"

"Heto inumin mo muna, sasamahan kita sa kaniya" nakangiti niyang sambit sabay abot ng babasagin na lagayan sa akin..
Sa gilid ng mga mata ko, nakita kong magkayakap si Nanay at Tatay habang nakatingin sa akin..

****

"Mariel, nandito na ako." Sambit ng kaniyang Tita habang paakyat sa ikalawang palapag, tumungo siya sa kwarto ni Mariel, ngunit wala siya.

Nakarinig siya ng malakas na pagkalabog, at kinabahan ito, nanggaling ang tunog sa pinaka dulo ng bahagi ng palapag, at nag umpisang tumulo ang mga luha niya.

"Mariel, wala na sila, bakit ka sumama sa kanila?"

-----

Naging makulay ang mundo ko, ang madilim na bahagi ng buhay ko ay nakulayan pagpasok ko sa loob ng kwarto ni Ate.

Papasayahin ka..
Papasayahi
Papasayah
Papasaya
Papasay
Papasa
Papas
Papatayin ka nila, sa loob ng kwarto ng Ate ko.

Drowning Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon