Dahan dahan kong inihahakbang ang mga paa ko sa maputik na sahig ng palengke. Nandidiri kasi ako kapag tumatalsik ito sa mga binti ko, at natatakot ako na baka matalsikan ng maduming putik ang suot ko.
"Anak, bilisan mo nga dyan maglakad." Saad ni mama na nauuna na pala sa akin. Kaya dali dali akonaglakad para mahabol si mama pero may kasamang pag-iingat.
Medyo marami marami pa ang mga tao dito sa palengke, dahil tanghali na kung kaya't siguro namamalengke pa lamang sila ngayon upang bumili ng mga sangkap para sa lulutuin nilang pananghalian.
Halos dalawang oras na ang lumipas nang matapos na kaming mamili ni mama ng mga sangkap na lulutuin niya para sa birthday ko.
"Ano anak? Kaya mo pa ba buhatin yan? Gusto mo ako na lang bumuhat ng isang plastic?" Tanong sa akin ni mama habang naglalakad kami palabas ng palengke.
"Wag na ma, kaya ko pa naman." Sabi ko kay mama habang pinipilit kong kayanin ang pagbuhat ng tatlong plastic na ang laman ay puro karne, manok, noodles, at iba't ibang uring pampalasa.
"Sigurado ka ah, sabihan mo lang ako kung di mo na kaya." Saad ni mama."Sandali lang nak, bago muna tayo umuwi. Mabuti pang dun na lang muna tayo mananghalian. Para di na ako magluto." Saad ni mama na ang tinuturo niya ay ang madadaanan naming karindirya.
"Sige ma." Sagot ko.
Ilang oras na kasi kami paikot ikot sa loob ng palengke para lamang mahanap ang lahat ng kailangang bilhin ni mama, kaya di na nakakapagtaka kung nakakaramdam na kami ng gutom ngayon.
"Anong gusto mong kainin anak?" Tanong ni mama ng makarating na kami sa tapat ng karindirya.
Natakam ako sa nakita kong chicken curry, kaya agad kong sinabi kay mama na yun ang o-orderin ko.
"Yung chicken curry ma."
"Sige, umupo ka na dun sa loob." Utos ni mama na sinunod ko naman.
Pagkapasok ko sa loob ng karindirya, agad ako naghanap ng maaari naming pwestuhan ni mama. Mabuti na lamang at kaunti lang ang customer sa loob kaya maraming bakanteng lamesa.
Inilapag ko ang bitbit kong tatlong plastic sa ilalim ng lamesa, habang hinihintay ko si mama na makabalik.
"Hintay lang tayo anak." Sabi ni mama, sabay upo.
Ilang minuto ang lumipas ng dumating na rin ang mga inorder naming pagkain. Natakam tuloy ako sa chicken curry, mukhang mapaparami ako ng kanin nito eh. Ang inorder naman ni mama ay chopsuey, mahilig talaga si mama sa gulay bagay na ikinamana ko sa kanya. Pagkatapos umorder rin siya ng malaking bote ng coke para sa aming dalawa.
Nagdasal muna kami bago kumain na nakaugalian na naming gawin ni mama.
"Kainan na!" Mahina kong sigaw, habang naeexcite na nilamon ang manok at lantakan ang kanin.
Napadighay ako sa kabusugan, halos masuka na ako sa sobrang busog. Di ko magawang makatayo dahil napakabigat ng tiyan ko. Mukhang napasarap ako ng kain kaya napasobra. Kainis naman kasi eh, bakit nila sinarapan yung chicken curry.
Ilang minuto muna kami ni mama nagpahinga sa karindirya, dahil pinapababa muna namin yung mga nakain namin. Pati si mama di magkandamayaw sa kabusugan haha.
Nang mahimasmasan na kami, naisipan ko ng tumayo na sa kinauupuan ko kaya lang nanlaki ang mata ko ng may makita akong familiar na lalaki sa labas ng karindirya. Kalalabas niya lang ng itim na kotse. Kinusot kusot ko pa ang mata ko baka sakaling namamalikmata lang ako.
"P-papa?" Nauutal kong saad. Nagdadalawang isip ako kung si papa ba yung lalaking nakikita ko sa labas ng karindirya na ngayon ay mukhang may kausap sa kanyang cellphone. Pero alam ko sa sarili ko na si papa yun.
Hindi ko inaasahan na makikita ko siya dito. Halo halong emosyon ang nararamdaman ko sa pagkakataong ito. Tuwa, dahil sa wakas nakita ko na rin ang kaunaunahang lalaki sa buhay ko. Ang kaunaunahang lalaking minahal ko.
At yun ay si papa.
Pero sa kabilang banda nakaramdam din ako ng lungkot at pagkatampo, dahil muling pumasok sa isipan ko na hindi na siya nagpapakita sa amin ni mama.
"A-anak, ayos ka lang?"
Nawala ako sa pagkatulala ng marinig ko si mamang magsalita sa harapan ko.
Naluluha kong tinignan si mama. "Mama, si papa." Saad ko kay mama sabay turo kung saang direksyon ko nakita si papa. Pero nadismaya ako ng makita kong wala na dun si papa.
"Anak, ayos ka lang ba? Wala naman dun yung papa mo eh." Sabi ni mama na hinawakan pa ang kamay ko.
"Mama, nakita ko si papa." Pagpupumilit ko.
"Anak, baka pagod ka na. Kung kaya't kung ano ano ng nakikita mo."
"Pero ma.."
"Mae, wala sa Quezon City ang papa mo. Kaya malabo na makikita mo siya rito."
Napabagsak na lamang ako ng balikat dahil sa sinabi ni mama.
"Mabuti pang umuwi na tayo." Sabi ni mama, sabay tayo sa kinauupuan niya. "Tara na, anak."
Wala akong magawa kundi tumayo at kunin ang mga plastic na dala dala ko kanina, pagkatapos ay sinundan ko si mama palabas ng karindirya.
Sigurado akong si papa yun.
Pero..baka nga pagod nga lang ako.
Nasaan ka na ba..papa?
BINABASA MO ANG
Pain Between Happiness
Teen FictionNaniniwala ba kayo na ang bawat kasiyahan natin ay may kapalit na kalungkutan? Na ang bawat ligaya natin, ay may katumbas na sakit at kapighatian. Sabi nga nila, kung sino pa ang mga taong mahal natin ng sobra na nagiging dahilan ng kasiyahan natin...