Kabanata 2 - Ang Panibagong Panimula

70 7 0
                                    

Makalipas ang sampung taon...

Lalong umunlad ang taniman ng Pamilya Sterling, at ang Hacienda Eldovaro ay naging isang masiglang sentro ng kalakalan. Ang mga prutas na kanilang inaalagaan ay nakilala sa buong rehiyon, na humahatak ng maraming namumuhunan na nagnanais makipagsapalaran at makipagpalitan ng kanilang mga ani sa mataas na halaga ng pera.

Tila usok na kay bilis sumungaw ang kayamanan ni Don Hugo. Sa bawat anihan, dumadami ang kanyang mga negosyo—mga pabrika ng kakanin, mga tindahan ng sari-sari, at kahit na mga bagong proyekto sa pabahay. Sa mga mata ng marami, siya na ngayon ang hari ng kanilang bayan, isang simbolo ng tagumpay at kasaganaan.

Ang Hacienda Eldovaro ay napuno ng awitin ng mga ibon, simoy ng mababangong bulaklak, at matatamis na prutas tulad ng saging, pinya, tubo, mangga, at ubas. Ang malawak na bukirin ng punong niyog ay tila nagbibigay ng isang nakakaakit na tanawin, na nag-aanyaya sa mga bisita na magpahinga sa ilalim ng lilim ng mga dahon.

Ang mga manggagawa ay masisipag at walang reklamo, sapagkat para sa kanila, wala nang ibang trabahong kasing ganda ng kanilang natagpuan dito. Ang bawat pawis na tumutulo ay may kasamang pag-asa at pangarap para sa mas magandang kinabukasan. Sa kanilang mga mata, ang Hacienda ay hindi lamang isang lugar ng trabaho kundi isang tahanan—isang simbolo ng kanilang pagsusumikap at dedikasyon.

************************************
Sa panahong iyon, malapit nang magbinata si Fretz, at ang lagi niyang gustong gawin ay mamasyal sa kanilang lupain. Ang ganda ng tanawin ay tila lumalampas sa kanyang alaala, lalo na ang mga sandaling kasama ang babaeng minsan ay naging kakilala—si Tasha.

Una niyang nakita si Tasha sa taniman ng mga ubas, abala ito sa pagtulong sa ina nito. Bata pa siya noon, puno ng saya at ngiti, kaya't hindi niya napigilang makipag-usap at makipaglaro sa kanya. Ang mga araw na iyon ay puno ng tawanan at mga lihim, tila walang hanggan ang saya habang naglalaro sila sa ilalim ng araw.

Ngunit nang makita sila ng kanyang ama, si Don Hugo, nagbago ang lahat. "Fretz! Ano ang ginagawa mo diyan?" bulyaw nito. Agad na pinigilan ang kanilang kasiyahan, at ang kanyang puso ay tumalon sa takot. "Bawal ang maglaro sa taniman," dagdag pa ni Don Hugo, tila hindi naiintindihan ang ligaya sa likod ng kanilang mga ngiti.

Ang pangalawang pagkakataon ay sa Hacienda nila mismo, nang dumating si Tasha na may dalang mga bunga ng mangga na maaga raw nalagas mula sa puno. Ang saya-saya niya, sabik na sabik na ipakita ang mga ito, ngunit tulad ng dati, agad siyang pinagalitan ng kanyang ama. "Bakit ka nandiyan? Umalis ka!" bulyaw ni Don Hugo, na tila hindi naisip na ang mga bunga ay nagdala ng saya sa kanyang anak.

"Ewan ko ba kung bakit ganoon ang Daddy ko kay Tasha," naisip ni Fretz. "Ang cute kaya nito!" Sa bawat pag-alis ni Tasha, tila nadarama niyang may piraso ng kanyang puso na nawawala. Paminsan-minsan na lang silang nagkikita at nagkakaroon ng pagkakataong makapaglaro, ngunit dahil sa takot at pag-iwas, unti-unti nang naging bihira ang kanilang mga pagkikita.

Naputol ang iniisip niya nang tawagin siya ni April.

"Yes, ate?" tanong niya.

Lumapit ito. "Fretz, next week ay 14th birthday mo na kaya Dad wants you to prepare for it."

"Ate, ayaw kong i-celebrate ang birthday ko kasi hindi naman maiimbita ang mga trabahador at si Tasha," sabi ni Fretz, ang kanyang tono ay puno ng pangungulila.

"Ayun! Tasha again! Who's she, anyway? Trabahante lang natin ang pamilya niya at hindi siya special para maging bisita mo!" sagot ni April, tila may pagka-inis.

"She's my friend," tugon niya, ipinagtatanggol ang kanilang relasyon.

Napasinghap si April. "Friend lang ba talaga o crush mo? Like ew!"

Horizon of LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon