Kabanata 5 - DNA test

40 5 0
                                    

Nang magising si Tasha ay sinipat ang orasan, alas-onse na pala ng umaga. Dahil sa sama ng loob kagabi ay matagal siyang nagising ngayon.

May narinig naman siyang boses sa baba kaya nagpasya siyang bumaba na.

Tama ngang may bisita sila. Isang lalaki na mukhang mayaman, nasa halos trenta na yata ang edad nito.

"Magandang umaga po," bati niya sa bisita.

"Magandang dilag ang anak mo, Mela," wika nito at nginitian siya. "Kunsabagay, may lahi siyang banyaga, diba?"

Nagulat siya. "Po?"

Tumawa ito. "Naku, wala, iha."

Tumayo si Mela at nilapitan siya. "Anak, puntahan mo muna ang ama mo sa bukid kasi may dapat pa kaming pag-usapan."

Nagtaka man siya ay sinunod na lamang ang Ina.

Naiwan na nga si Mela at ang bisitang si doktor na si Arman Fuentes.

"Dr. Fuentes, ano po ba iyong sinasabi mo sa anak ko?"

Natawa ito. "Hindi mo talaga ako matandaan?"

"Ang alam ko lamang po ay doktor kayo ng bayan."

"Mela, ako iyong batang nakiusap sa'yo noon. Labingwalong taon na ang nakakaraan."

Natutop ni Mela ang bibig. Ang mga panahong iyon ay ang panggagahasa sa kanya ni Don Hugo at ang lalaking kaharap ngayon ay ang batang nagmakaawang tulungan niya upang gantihan ang Don pero hindi niya natulungan.

"Naaalala na kita."

Natuwa ito. "Narito ako upang hingin muli ang tulong mo. Sana naman ngayon ay pumayag ka na."

"Ngunit wala akong maitutulong sa'yo dahil mahirap lamang ako. Kung nais mong isumbong ko ang nangyari noon ay hindi ko pa rin gagawin dahil maayos na kami ngayon."

Hinawakan nito ang kamay niya. "Ibang tulong ang hihingin ko sa'yo."

Nagtaka siya. "Ano 'yon?"

"Ang iyong anak."

Binawi niya ang kamay mula dito. "Hindi ako papayag. Sapat na ang nangyari sa akin noon, hindi na dapat mangyari sa anak ko."

"Hindi, Mela. Makinig ka muna sa akin. Bakit hindi mo sabihin ang totoo sa anak mo at kay Don Hugo?"

Lalo siyang naguluhan. "Na ano?"

"Na anak niya si Tasha." anito.

Napatayo siya. "Mali ka, Dr. Fuentes. Hindi anak ni Don Hugo si Tasha."

Tumayo na rin ito. "Ngunit ginahasa ka niya at ang taong ding iyon ang pagbubuntis mo."

"Dinatnan ako matapos iyon. Tapos ay nagpakasal na ako kay Dino at naging bunga ng aming pagmamahalan si Tasha."

Nagulat ito. "Totoo ba ang sinasabi mo?"

Tumango siya. "Wala akong maitutulong sa'yo."

Makulit pa rin ito. "Meron pa. Bakit hindi natin palabasin na anak ni Don Hugo si Tasha?"

"Dr. Fuentes, tigilan niyo po ang kalokohang iyan. Mapapahamak lamang ang anak ko."

Nagmakaawa ito. "Sige na, Mela. Pangako hindi masasaktan ang anak mo. Ako ang bahala sa lahat, hayaan mong maranasan ng anak mo ang magandang buhay."

"Pero panloloko pa rin 'yon."

"Hindi ba iyon magiging sapat para makaganti ka sa kahayupang ginawa ni Hugo sa'yo noon?"

Napa-isip siya. "Kinalimutan ko na lahat."

"Pero bangungot iyon sa'yo gabi-gabi. Ninakaw niya ang dangal mo at ngayon ay pinapahirapan pa kayo."

Horizon of LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon