Alam kong pagod ka na,
Kaya't halika— samahan mo akong magpahinga,
Dito sa lilim ng puno,
Sa ilalim ng pumapagaspas na mga dahon,
At mga damong hinihikayat ka habang sinasabing "matulog kana".
Pakinggan ang binubulong ng hangin sa'yong mga tenga,
Ramdamin ang kapayapaan na yumakap sa'yo,
At pagmasdan ang paligid habang iyong nararamdaman ang katahimikan na bumabalot sa'ting dalawa.Hawakan mo ang aking kamay at magtiwala ka,
Sabay tayong tatalon sa kawalan at tayo'y maglakbay,
Iikutin natin ang kawalan- hayaan ang ating sarili na mawala,
At nawa'y mahanap mo ang inaasam-asam na pahinga.
Pangako— hindi kita iiwan o pababayaan,
Bagkus ay babantayan kita sa likod, basta't siguraduhin mo lang na ika'y masaya sa harap.
At kung masaya ka na, ako'y maghihintay
Sa ilalim ng puno, kung saan tayo unang nagkatagpo.Ika'y magpahinga na,
Masyado ka nang nasaktan sa taas,
Dahil sila palagi ang iniintindi mo,
Ang mga taong tulad mo ay may lugar dito kung saan ako naghahari,
Sapagkat ikaw yung taong gagawin ang lahat para sa kapakanan ng lahat,
Kaya matulog ka rito sa hita ko,
At aawitin ko ang mga paborito mong kanta,
Lalo na yung awiting kinakanta mo kapag umiiyak ka.Kapag buo na ang isipan mo,
Maaari ka nang manatili rito at matulog ng mahimbing,
Ngunit kilala kita,
Ikaw yung mandirigmang lalaban, hindi para sa sarili, kundi lalaban para sa kanila.
Dala mo ang pinakamalakas na armas,
Isang alas na mamaniobrahin,
Tila nagpipinta ng obra maestra,
Ito— ito ang armas na tinutukoy ko.Ngunit nais ko pa ring malaman mo,
Kung gusto mong manatili sa tabi ko,
Alam mo naman ang gagawin,
Pipili ka lang kung kasiyahan nila,
O ikasasaya mo,
Sapagkat ikaw yung kaluluwang gusto kong makuha,
Hindi dahil sa oras mo na, kundi dahil ika'y pagod na—
Sobrang pagod ka na.Pero kahit sigurado akong lalaban ka pa rin,
Para sa kanila at babangon na tila walang may nangyari,
Hinihikayat pa rin kitang sumama sa akin sa pagtulog,
Dahil bilang si kamatayan,
Ako'y nag-aalok ng pahinga,
Ang una at huli kong pag-alok sayo,
Dahil pagkatapos nito'y isinusumpa ko kay satanas
Na hindi na ako muling iibig sa isang mortal na mandirigma.Liham na isinulat ni sebastyan na para kay ligaya.
YOU ARE READING
Stories of the Untold
ŞiirThoughts that are left unspoken and to be forgotten. //Mga saloobin na hindi nailalabas para hayaan nalang na makalimutan Will be a compilation of poems and/or prose in Filipino or in English (English yung description pati yung title kasi sanay ako...