Pahinga

17 5 0
                                    

Sa tumatakbo kong orasan nais ko sanang makapiling kayo,
Mga taong kumumpleto kung ano ako.
Nagbigay kulay sa blangko kong pader at musika sa tahimik kong kweba,
Sa natatanging sandali nais ko sanang makita kayo— kahit saglit

Tutal narito kayo sasabihin ko ang aking pagka-dismaya,
Kung kailan nandito na 'ko ngayon niyo lang sasabihin ang mga ito—
Ang mga matatamis at mabulaklaking salita na dati ko pa inaasam.
Siguro tama nga ang sabi nila— na hindi ka nila makikita kapag and'yan ka pa.

Ako'y nalulungkot na mistulang nagkulang ang pisi ko
Ni hindi ko makikita ang aking apo o kahit ang kasal ng anak ko,
Sa susunod na henerasyon ay sana maging masaya kayo.
At sana matanaw ko sa itaas ang tamis ng halakhak at bungisngis niyo.

At para sa aking sinisinta— pasensya sapagkat ako'y mauuna na.
Malaki na si bunso at siguro kaya na ni panganay,
Sana maalala niya— maalala ninyo ang aking mga pangaral at payo.
Tandaan niyo na kayo'y mahal na mahal ko.

Sa mga nahuhuli kong sandali'y sana makita ko kayo na masaya,
Hindi dahil sa mawawala na ako— kundi dahil sa kukunin na Niya ako.
Ang huling hiling ko lamang sa inyo habang nakaratay ako sa higaang ito—
Na sana kahit wala na ako, maalala niyo pa rin ang mga alaalang naiwan ko sa inyo.

Sulat na nagmula sa huling sandali ni Ligaya

Stories of the UntoldWhere stories live. Discover now