Part II
“Anong ginagawa mo?” tanong nito sa kabilang linya.
“Wala... Kausap ka lang.” Napangisi siya.
“Kumain ka na?”
“Oo naman. Anong ulam niyo?”
“Tinola at—
Nagdilim ang paligid. “Blackout!” May sumigaw.
“Pambihira naman oh.” Pumalatak siya sa inis at halos mahampas ang hawak na telepono sa lagayan nito.
Araw-araw silang nagkakausap ni Gideon at linggo-linggo kung kumain sa labas. Natapos ang internship niya ay bumalik na siya sa kanilang pamamahay. Una, dahil miss niya na ang pamilya at pangalawa, para maging malapit sa binata.
“Amanda, nobyo mo!” sigaw ni Alesna.
“Akin na! Akin na!” Kumaripas siya ng takbo saka inagaw ang telepono.
“Kumusta ka?” bati niya rito na parang ilang buwan silang hindi nagkikita.
“Ito... Nami-miss ka,” tugon nito. Napairap siya ngunit sumilay pa rin ang ngisi.
“Ako rin. Bukas, kita tayo ha?”
“Ayan ngiting-aso na naman,” singit pa ng kanyang kapatid.
Hinayaan niya na lang dahil namutawi na ang kilig sa kanyang katawan.
“Taho! Taho!” hiyaw ng tindero.
“Bili tayo,” ika niya habang naglalakad sila sa kahabaan ng Calla Lily Street.
“Dalawa nga po.”
“Kuya, penge piso,” sabi ng batang kalye habang nakalahad pa ang palad.
“Ibigay mo na lang ‘yong isa,” aniya kay Gideon.
Agad naman nitong binigay saka dinagdagan pa ng kaunting barya.
“Isa pa nga po,” anito sa tindero.
Napalingon siya sa tumapik at nakita ang mga batang nakalinya sa kanilang harap.
“Oh bakit anim na kayo?” gulat niyang sabi.
Napatingin siya kay Gideon, nakangiwi. “Bigyan na lang natin?”
Napabuntong-hininga ito saka bumili ulit ng bago para sa mga bata. Agad din silang umalis baka marami pang dumagdag. Higop-higop ang kanilang taho ay naglakad ulit sila, hawak-hawak pa ang kamay.
“Sa tingin ko magiging mabuti kang ina,” sambit nito.
Napaismid siya. “Agad? Nagbigay nga lang ng libreng taho.”
“Ilan gusto mong anak kung sakali?” bigla nitong tanong.
Napaisip siya sandali.
“Dalawa. Lalaki tapos babae. Ikaw?”
Ngumiti ito. “Gusto ko lima. Isang buong team.”
“Ayos ah. Parang ikaw ang magdadalang-tao.” Inirapan niya ito.
May nakita silang upuan sa gilid. Tinuro niya ito saka sila umupo. Sumandal siya sa balikat ng lalaki. Hinimas-himas nito ang kanyang buhok habang nakatingin sa kawalan. Umihip ang sariwang hangin. Napangiti siya saka umusog pa nang mas malapitan. Sana ganito na lang palagi, sa isip niya.
“May nakita akong lupa. Malaki ang area. Pwedeng pagtaniman ng gulay. Pwedeng palagyan ng maliit na basketball court,” kuwento nito habang kinukumpas pa ang kamay sa ere kung saan ilalagay ang mga plano nito.
Tumango siya saka sinabayan ito. “Tapos tatayuan natin ng bungalow style na bahay. Ako ang bahala sa mga kurtina at sa disenyo ng kusina ha.” Napatunghay siya at nasilayan ang nakangiti nitong mukha. Piningot nito ang kanyang ilong.
“Malapit lang ‘yon dito eh. Gusto mong puntahan?”
Napaatras siya. “Huwag mong sabihin na nabili mo na?” Natutop niya ang bibig.
Tumawa ito saka hinila siya pabalik sa bisig. “Hindi pa ako gano’n kayaman. Pinag-iipunan ko pa.”
“May ipon din naman ako. Pwede tayong humingi nang konti kina mama at papa,” suhestyon niya.
Lumapit ito sa kanya tainga at bumulong.
“Ano?” Napagikgik siya.
“Mahal na mahal kita, Amanda,” sagot nito.
“Ano?” Umakto siyang hindi narinig.
Tumayo ito saka sumigaw, “Amanda! Pinakamagandang dilag!” Nagtatakbo ito habang hinihiyaw ang kanyang pangalan.
“Hoy! Baliw!” Hinabol niya ito habang tumatawa.
-
“Ba’t ang tagal mo? Nagsimula na sila oh.” Tinuro niya ang banda na nasa stage.
Napag-usapan nilang manuod ng live band dahil may dumayaong sikat na banda. Akala niya ay hindi ito sisipot. Makakatikim talaga ang lalaki sa kanya ngunit nawala ang pagkainis niya nang makita ang hapong-hapo nitong mukha. Saan ba ito galing? Tagatak pa ang pawis nito sa mukha. Umupo ito sa tabi niya saka uminom ng tubig.
“Pasensya na. May hinabol pa kasi ako,” hingal nitong sabi.
Ngayon lang uli ito nahuli sa kanilang usapan. Madalas na siya ang matagal kung dumating ngunit kailan man ay hindi ito nagalit o nainis sa kanya.
Napangiti siya. “Ang mahalaga nandito ka na.”
“Amanda?” tawag nito.
“Oh?” pagtataka niya.
“Pakasal na tayo?”
BINABASA MO ANG
along calla lily street | epistolary
Romance[COMPLETED] After a series of mistaken identity, Gideon hasn't found out that he's been sending letters to the wrong woman. Amanda has been receiving his rather cheesy professions. When she was about to reply that he got the wrong person, Amanda fou...