Part I
“Ano?” sambit niya, halos masamid siya sa iniinom na juice.
“Pakasalan mo ‘ko, Amanda!” hiyaw nito.
Tinawanan niya ito. “Ba’t ka sumisigaw?” Pinagtitinginan sila ng iilan.
“Pasensya na po...” Napayuko sila pareho sa mga taong napapalingon.
“Nasaan ang singsing mo?”
“Teka...” Kinapa-kapa nito ang bulsa. “Muntik nang mahulog sa jeep kanina.” Ipinakita nito ang singsing na may maliit na bato sa gitna.
May kung anong gumuhit sa kanyang puso. Namuo ang luha sa kanyang mga mata nang lumuhod ito sa harap niya. Napatakip siya sa kanyang bibig.
“Amanda Veronica Fajardo, sa’yo lang napako ang tingin ko.” Pareho silang natawa. “Ikaw lang nakakapagpahinto at nagpapabilis ng tibok nito.” Tinuro nito ang dibdib. “Amanda, iniisip ko pa lang na kung hindi ikaw ang aabutan ko sa dulo, mas mabuti pa-
Napatigil ito.
“Ano? Ituloy mo!” singhal niya.
Napahawak ito sa batok. “Nakalimutan ko na eh...”
“Nakakainis ka naman.” Ngumuso siya.
“Pakasalan mo na ‘yan, miss!” Narinig nila ang tawanan at hiyawan sa mga taong nakapalibot.
Dinaluhan niya ito. “Oo na nga. Tumayo ka na dyan.” Isinilid nito ang singsing sa kanyang kamay. Hindi niya mapigilan ang mga ngiting kumakawala sa kanyang labi. Punong-puno ang puso niya.
“Salamat pre!” sagot pa nito sa isang lalaki. “Oo daw! Papakasalan niya na ako!” dagdag nito.
Agad niyang pinigilan si Gideon dahil baka kung ano-ano na naman ang isigaw nito.
Nang gabing iyon ay hindi siya makatulog. Magdamag niyang pinagmasdan ang singsing sa kanyang kamay. Halo-halo ang kanyang pakiramdam. Saya, kaba, takot at galak. Hindi na yata siya makapaghintay na makasama ang lalaki sa araw-araw. Lulutuan niya ito ng paborito nitong gulay. Ipipinta niya ang kanilang magiging mga anak. Ang unang pag-aaway nila sa kanilang sariling tahanan at ang pagbabati sa huli.
-
“Tama na ‘yan, pa!” pigil niya sa kanyang ama.
“Ayos lang, Amanda,” sagot ni Gideon na halata namang pagod na pagod na.
“Ang dami na kaya niyan,” dagdag niya pa.
Nang sabihin nila ang plano sa kanyang mga magulang ay inasahan na nila ang maaari nitong reasksyon. Ngunit lumabas lang ang kanyang ama saka inutusan si Gideon na ipagsibak sila ng kahoy kahit hindi naman sila gumagamit niyon. Nasapo niya na lang ang ulo sa kalokohang naisip ng kanyang ama para pahirapan ang nobyo.
Tumawa ang kanyang ama. “Ayos lang raw, ‘nak. Mas mabuti nga ‘yan nang tumigas ang mga buto-buto nito.” Malakas nitong tinapik ang likuran ni Gideon. Napangiwi siya. Lumapit ang kanyang ina na may dala pagkain.
“Mag-meryenda muna kayo,” anito pa.
Nagka-ngitian silang dalawa. Alam niyang tanggap agad ito ng kanyang pamilya. Ngunit iba naman ang nangyari nang sabihin nila ang balita sa pamilya ni Gideon.
“Hija, buntis ka ba?” Tinaasan siya ng kilay ni Graciela Villavicencio, ang ina ni Gideon. Nakakatakot ang mukha ng ina nito. Mapangmataas ang mukha nito sa kabila ng maninipis na labi at prominenteng ilong. Ang layo-layo sa ugali ng anak. Noon niya pa nakilala ang babae ngunit hindi agad sila nakapagpalagayan ng loob. Kaya labis ang takot niya sa mga sandaling ito habang kinakaharap ang babae.
Nagulat siya. “Po? Hindi po?” Agad siyang umiling.
“Bakit magpapakasal kayo nang ganito ka-aga?” nalilito nitong tanong.
Napalunok siya nang ilang beses. Hindi niya alam ang isasagot. Naramdaman niya ang hawak ni Gideon sa kanyang kamay. Pinisil nito nang bahagya.
“Mahigit isang taon na kami, ma,” anito saka umingon sa kanya, “saka sigurado na ako kay Amanda.”
Hindi niya mapigilang ngumiti. Biglang nawala ang takot na nararamdaman niya.
“Saan niyo balak magpakasal at kailan? Saan kayo titira? Dito?” sunod-sunod na tanong nito.
Pareho silang hindi nakasagot.
Nasapo nito ang sentido. “Por favor, Gideon, hindi laro ang pagpapakasal!” sigaw nito sa kanilang dalawa.
Hinatid siya ni Gideon. Pareho silang dismayado. Ang hirap pala ng ganito, sa isip niya. Akala niya ay magiging madali kapag alam nila sa isa’t isa na totoo ang kanilang nararamdaman. Ngunit sa katunayan ay hindi ganoon ang nangyayari. May punto ang ina nito. May plano naman silang dalawa. May ipon sila kahit papaano ngunit ayaw nila parehong humingi ng tulong sa kanilang mga magulang habambuhay.
-
“Anong pre-nup? Anong akala niya sa pamilya natin?” singhal ng kanyang ama nang masabi ni Gideon ang salitang iyon.
Agad na lumapit ang kanyang ina. “Reynaldo, kalma lang.”
“Kakausapin ko pa po si mama. Baka nagulat lang ‘yon,” sagot naman ni Gideon.
Umiling ang kanyang ama. “Hindi pwede ‘yan. Bukas na bukas, pupuntahan natin ang pamamahay ng mga Villavicencio.”
“Pa!” sagot niya.
Nasa labas sila nang humupa na ang galit ng kanyang ama. Alam niyang may inaalagaan itong puri at dangal. Wala naman silang masamang balak o ano kaya siguro na-insulto ang kanyang ama.
“Hindi ko alam na ganito pala ka-hirap,” aniya saka napabuntong-hininga.
“Ilang Sabado na lang, makukumpleto na natin ang requirements.” Tumawa ito sa kanyang tabi.
Siya rin ay napangiti. Ginawa na nila lahat ng kailangan sa simbahan. Pareho nilang ayaw sa malaking handaan. Hangga’t maaari ay ayaw nilang gumastos nang sobra sa napag-usapang budget. Mas gugustuhin pa nilang ilaan na lang sa kanilang ipapatayong bahay ang pera.
“Kina mama mo pa at kay papa ko,” ika niya saka napasimangot.
“Kung pwede lang sana na magpakasal na lang tayo agad-agad. Ang dami pa kasing-
Hinawakan siya nito bigla sa kamay saka sinabing, “Tara, pakasal na tayo ngayon.”
BINABASA MO ANG
along calla lily street | epistolary
Romance[COMPLETED] After a series of mistaken identity, Gideon hasn't found out that he's been sending letters to the wrong woman. Amanda has been receiving his rather cheesy professions. When she was about to reply that he got the wrong person, Amanda fou...