"CUT! Good take!" malakas na sigaw ni Rhianna matapos niyang makunan ang gusto niyang angulo para sa huling eksena ng toothpaste commercial na ginagawa niya. Sabay pang napatingin sa kaniya ang modelong si Emmanuel Pelayo at isang baguhang babaeng modelo na tumatayong artista para doon. Inalis niya ang tingin sa maliit na monitor kung saan niya tinitingnan ang eksena at binalingan ang mga ito. "Isa na lang para sa safety shot pagkatapos okay na," aniya sa mga ito. Lumingon siya upang hanapin ang make-up artist nila. "Retouch please!" Tumalima naman iyon.
Habang inaayusan ang mga modelo nila ay nagbigay siya ng panibagong instruction para sa staff niya. "Double time malapit nang tumaas ang sikat ng araw! We cannot afford to wait for another dawn!" malakas pa ring sabi niya. Pagkuwa'y bumalik siya sa pagkakaupo sa harap ng monitor upang i-check kung nasa ayos pa rin ang lighting at smoke effect nila.
Nasa isang private land sila sa laguna kung saan may naglalakihang mga puno ng acacia. Minementain daw iyon ng may-ari ng lugar upang magmukhang gubat. Dahil papaumaga pa lamang ay maganda pa ang sikat ng araw na tumatagos sa mga dahon ng mga puno. Nagmumukhang magical ang lugar na iyon lalo pa't nilagyan nila iyon ng smoke effect at kaunting lighting manipulation. Dahil umulan kagabi ay mamasa-masa pa ang mga puno at damo. Perpekto ang lugar na iyon para sa video na naiimagine niyang makuha.
"Direk, kape ho," pukaw sa kaniya ng nag-iisa nilang production assistant. Nilingon niya ito at tinanggap ang styro cup na inabot nito. Tipid siyang nagpasalamat rito at saglit na humigop ng kape. Nakaramdam siya ng kaginhawaan nang mainitan ang sikmura niya. Alas kuwatro pa lang kasi ng madaling araw ay gising na sila at nagseset-up na roon. Kailangan kasi nilang matapos ang shoot bago mag-ala sais dahil kapag tumaas pa ang araw ay papangit na ang timpla ng sinag ng araw na tumatagos sa bahaging iyon. At dahil nireview niya ang story board niyon at isiningit sa oras niya ang ilang concept papers pa na kailangan niyang ipakita para sa ibang nakahilera pa niyang raket ay hindi siya nagkaroon ng kahit kaunting tulog.
Muli siyang napatitig sa monitor. Ang concept na nabuo niya sa commercial na iyon ay mala fantasy. May isang fairy na makikita ang isang mortal na naligaw sa kagubatan. Naakit ang lalaki sa ngiti ng fairy kaya sinundan sundan niya iyon. Maglalapit ang mga ito at magngingitian. Kailangan kasing makita ang mapuputing ngipin ng mga modelo na siya naman talagang binebenta sa commercial na iyon. Ang mga effects ay gagawin na lang niya sa editing phase.
Halos sampung taon na rin siyang nagdidirect ng mga television commercials. Noong nasa ikalawang taon siya sa kolehiyo ay nagkaroon siya ng scholarship grant para sa isang short course sa film and advertising sa Europe. Pero dahil wala siya sa mood bumalik ng pilipinas kaagad ay doon na rin niya ipinagpatuloy ang pag-aaral niya at ilang taong nagtrabaho sa isang advertising company roon.
Nang magdesisyon siyang bumalik ng pilipinas ay sinubukan niyang gumawa ng isang independent commercial na isinali niya sa Philippine Ad Congress at sinuwerte siyang manalo.
Mula noon ay marami ng nakapansin sa kaniyang talento at kinokontrata siyang magdirek ng commercial ng mga produkto ng mga ito. May mga advertising agencies din na iniimbitahan siya. Dahil doon ay nagdesisyon siyang magfreelance na lang at tanggapin ang lahat ng trabahong kaya niya. At nang pumatok at manalo ng mga international awards ang ilan sa mga commercials na ginawa niya ay pati mga movie producers ay nais na siyang kunin. Ngunit tinatanggihan niya iyon. Sa kasalukuyan kasi ay mas enjoy siyang gumawa ng commercial. Mas nacha-challenge siyang magkwento ng ilang minuto at kung minsan ay segundo pa sa pamamagitan ng mga commercials na ginagawa niya.
Ang kaso hindi pabor ang pamilya niya sa ginagawa niya. Pinapatay raw niya ang sarili niya sa propesyong pinili niya. Dahil kasi sa dami ng raket niya ay palaging sunod-sunod ang mga shooting at meeting niya araw-araw. Nagagalit ang mga magulang niya na hindi man lang daw siya makapirmi sa bahay nila. Madalas buwan ang lilipas bago siya makikita ng mga ito. Hindi naman daw dapat maging ganoon ang lifestyle niya. Afterall, siya ang nag-iisang anak ng nagmamay-ari ng pinakamalaking computer software company sa bansa. Kahit pa ang kuya Martin niya ang tumatayong presidente niyon ngayon ay may share pa rin daw siya roon. Pwedeng pwede naman daw siyang magbuhay prinsesa na tulad ng mga anak ng mga business aquantances ng pamilya nila.
BINABASA MO ANG
TIBC BOOK 3 - THE HEART THIEF
RomanceParang gustong mag-back out ni Rhianna nang malaman niyang isa sa mga celebrity na idi-direct niya sa gagawin niyang liquor commercial ay si Cedric Marcelo, ang sikat na international motorcycle racing champion. She fell in love with him ten years a...