Chapter 6

6.3K 330 33
                                    


            "SANA man lang hiningi mo kahit cellphone number. Hindi mo rin tinanong kung saan siya nag-aaral o kung saan siya nakatira? Nakakaloka ka talaga Rhianna!" paulit-ulit na sermon ni Carrie kay Rhianna pagkatapos na pagkatapos ng klase nila.

Pinaikot niya ang mga mata at muling itinutok ang tingin sa laptop niya at ipinagpatuloy ang pagsusulat ng script para sa dokyu film niya. Nalapat na niya ang mga video clips na isasama niya sa dokyu. Kailangan na lamang niya iyong lapatan ng voice over at tamang music upang maging maganda ang kalabasan. "Nawala nga sa isip ko," aniya rito.

Si Cedric ang tinutukoy nito. Nang ihatid siya ni Cedric sa Pizza House kung saan siya hinihintay ni Carrie ay nakita niyang nanlaki ang mga mata ng kaibigan niya. Hindi naman kasi nito inaasahan at kahit na siya na may maghahatid sa kaniyang lalaki at kasing guwapo at kisig pa ni Cedric. Hindi lang nagkaroon ng pagkakataong mausyoso ni Carrie ang binata dahil nagpaalam na rin naman ito agad sa kaniya. Kahit dismayado siya at nakakapa ng lungkot ay hindi na niya ito pinigilan. Wala naman siyang karapatang gawin iyon.

Nang makaalis si Cedric ay inusyoso siya ni Carrie. Dahil alam niyang hindi siya nito titigilan ay napilitan siyang magkwento – edited nga lang. Hindi niya sinabi rito ang halikang naganap sa pagitan nila. Nakakahiya naman kasing ikuwento iyon kahit pa sabihing matalik niyang kaibigan si Carrie. Ang sinabi lamang niya ay tinulungan siya ni Cedric na makakuha ng footage ng hindi siya mapapahamak.

Ang totoo kahit siya ay parang gustong iuntog ang sarili sa pader dahil sa katangahan niya. Bakit nga ba kasi hindi niya nausyoso si Cedric nang tungkol dito? Nakipaghalikan na nga siya rito ultimo apelyido nito hindi niya alam. Tuloy ang liit ng tiyansang makita niya itong muli lalo pa't hindi rin naman ito nagtanong ng tungkol sa kaniya sa labis niyang pagkadismaya.

"Sana man lang itinanong mo kahit apelyido para masearch natin sa Friendster," nanghihinayang pa ring sabi nito.

Natawa siya at tuluyan nang napatingin dito. "Carrie! Tingin mo ba nagfe-friendster ang lalaking kagaya niya?" tanong niya rito.

Tila naman nag-isip ito at napasimangot. "Sabagay. Malabo. Si Martin nga rin wala. Pero kuya mo siya kaya may chance pa rin akong makita siya. E ikaw paano mo siya makikita ulit?! Sayang naman baka siya ang soulmate mo," nanghihinayang pa rin sabi nito.

Napailing siya. "Kung soulmates kami magkikita kami ulit," sabi na lamang niya rito upang magtigil na ito bago pa siya nito daldalin tungkol sa mga idealistic na paniniwala nito.

Makalipas lamang ang kalahating oras ay nag-aya na rin itong umalis ng school. Doon na lamang daw sila tumambay sa Hot Gimmick Pizza House. Ang hula niya ay umaasa lamang itong makikita nito ang kuya niya. May kalayuan kasi sa eskuwelahan nila ang kainang iyon at mas malapit sa pinapasukan ng kuya niya.

Nagkukwentuhan pa rin silang dalawa habang naglalakad sila palabas ng gate ng school nila nang mapansin nila ang mga estudyanteng tila may sinisilip mula sa labas. Hindi na sana niya iyon papansinin nang marahas siyang hatakin ni Carrie sa braso.

"Aray ko naman!" angal niya sa ginawa nitong paghatak sa kaniya.

"Yana you've got to see this!" excited na sabi nito at lalo pa siyang hinatak patungo sa kung saan. Pagkuwa'y may itinuro ito. Sinundan niya ng tingin ang tinuturo nito.

Sumasal ang tibok ng puso niya nang makita iyon. Sa tapat ng gate niya ay naroon si Cedric, sakay ng motor nitong nakahinto. Nakatingin ito sa eskuwelahan nila na tila may hinahanap.

"Lapit tayo!" excited pa ring sabi ni Carrie at hinatak na siya palapit sa kinaroroonan ni Cedric bago pa siya makapagreact. Nang makalapit sila ay lalo niyang napagtanto kung gaano ito kanakakaagaw ng atensiyon. Ngayong maliwanag ang paligid ay lutang na lutang ang kaguwapuhan nito. Nalaman niya na ang buhok nitong tila kay lambot at dulas ay talagang brownish ang kulay. Ang kulay nito ay maputing bahagyang nagkulay brown dahil marahil sa pagbibilad sa araw.

TIBC BOOK 3 - THE HEART THIEFTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon