Chapter 9

6.9K 373 42
                                    


"WOW, nakakamiss din ang lugar na ito grabe," malakas na bulalas ni Yuuji habang inililibot nito ang paningin sa lugar na iyon kung saan nakatayo ang Biker's Grill. Sampung taon na ang lumipas pero hindi pa rin nagbabago ang itsura niyon. Lumuma lamang ng kaunti.

"Oo nga. Ang tagal na nating hindi nakakapunta dito," sangayon naman ni Aio na nakatingin din sa Biker's Grill.

Naipagpasalamat ni Rhianna na pumayag si Bob na magshooting sila doon. Noong nakaraan ay nagpunta siya roon kasama si Richard. Mabuti na lamang ay natatandaan pa siya ni Bob kaya nakapag-usap sila ng maayos at napapayag niya ito. Bago pa sila umalis noon ay hindi niya napigilang ikomento dito. "Hindi ko ho inaasahang matatandaan niyo pa ho ako. Isang beses lang naman tayo nagkita noon at sandali lang. Paano niyo ho ako natandaan?"

Natatandaan niyang ngumiti ito sa kaniya noon at sumagot ng "Hindi kita makakalimutan dahil ikaw lang ang babaeng dinala rito ni Cedric at ipinakilalang girlfriend niya. Sabi ko nga hindi nagsyo-syota iyon. Alam mo ba maraming babae na ang lumapit 'don at sinabing gusto siyang maging syota kahit isang gabi lang, kahit kunwari lang, pero walang pinagbigyan iyon. Kaya nang makita ko kung paano siya tumitig at humawak sa iyo noon na para bang ayaw ka niyang mawalay sa kaniya ay nasabi ko sa sarili kong – sa wakas! Tinamaan na rin ang loko. Kaya hindi kita makakalimutan."

Sa totoo lang ay napatunganga siya kay Bob nang sabihin nito iyon. Saglit na tumigil ang pagtibok ng puso niya sa sinabi nito. Muntik na siyang mapaniwala nito na tinamaan nga sa kaniya si Cedric at totoong minahal siya nito. Kung hindi lamang sumagi sa isip niya ang mga sinabi nito noon sa mismong lugar na iyon din. Ang kaso, kahit pilit niyang isinasaksak sa isip niya na sinaktan siya nito ay hindi pa rin mawala sa isip niya ang sinabi ni Bob. Lalo pa't nangniningning pa sa pagkaaliw ang mga mata nito nang sabihin nito iyon. Tuloy ay nalilito siya ngayon. Ano ba talaga ang totoong nararamdaman ni Cedric?

"Hoy, ang lakas ng boses mo," saway ni Martin kay Yuuji na nagpabalik sa isip niya sa kasalukuyan.

Apologetic na nginitian niya ang kuya niya at si Yuuji. "Salamat talaga at pumayag kayong umekstra sa commercial na ito ha? Wala kasi kaming kilalang magagaling na rider na pwedeng sumabay kay C-cedric sa kunwari ay karera dito," aniya sa mga ito. Nahiling niya lang na sana hindi nahalata ng mga ito ang panginginig ng boses niya sa pagbanggit niya sa pangalan ng lalaking nasa di kalayuan at nakasampa na sa kulay asul nitong Suzuki Bandit at inaayusan ng stylist na nirekomenda ni Risha.

Dapat ay si Carrie ang kukunin niyang stylist ngunit nang malaman nitong kasali sa shoot ang kuya niya ay biglang nagbago ang isip nito. Sinabi na lamang nito na siguruhin niyang magkukwento siya nang tungkol sa kanila ni Cedric kapag nagkita silang muli. Umoo na lang siya kahit wala naman talaga siyang ikukwento dito.

Ang karera sa kalsada ang una nilang kukunan dahil iyon ang mas mahirap kunan. Nakaayos na ang mga ilaw at maging ang cameraman nila na nasalikuran na ng jib arm, isang equipment na ginagamit nila upang kumuha ng gumagalaw na subject.

Dahil hindi naman pwedeng si Cedric lang ang nagpapatakbo ng motorsiklo ay hiningan niya ng pabor ang kuya niya, si George, si Aio, si Yuuji at Jet na sumali sa shoot. Hindi pwede si Greg dahil may out of town ito at ang fiancée nito na si Ria. Pumayag naman ang mga ito dahil nakahelmet naman ang mga ito at hindi naman makikilala. Ayaw lang kasi ng mga ito na makita ang mukha ng mga ito. "Baka kapag nakita ang mga mukha namin makalimutan na ng manonood kung sino ang celebrity mahirap na," pabirong sabi pa noon ni Yuuji. Kahit alam niyang may katotoohanan iyon.

"Sus sa akin ayos lang libre naman ako. Si George siyempre papayag iyan kasi babantayan niya si Patricia. Si Jet dito rin naman ang tambay niya ngayong gabi kaya wala ring problema. Ito lang si Martin ang pinagtataka kong nandito. Himalang pumayag kang makijoin sa ganito pare?" komento pa ni Yuuji at bumaling sa kuya niya.

TIBC BOOK 3 - THE HEART THIEFTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon