Ika nga nila sa hinaba-haba man ng prosisyon sa simbahan din ang tuloy.
Ang dami na namin pinagdaang unos ni Sophia isa na rito ang pagkawala ng anak panganay naming anak.
Mas naging masakit para kay Sophia dahil sinisisi niya ang kaniyang sarili. Ang tanging magagawa ko na lamang ay ang intindihin siya at mahalin.
May mga pagkakataong nakikipaghiwalay siya sa akin na humahantong sa matinding pag-aaway namin na kung minsan ay natutukso na rin ako.
Pero iniisip ko na lamang na hindi namin mararating ang ganitong estado kung hindi namin mahal ang isa't isa.
"Uuwi ako kila Ate Luna," isang gabing tahimik kaming kumakain sa hapag.
"Ihahatid na kita," tugon na ikinatango niya.
Ganoon nga ang nangyari. Namalagi siya sa bahay ng kaniyang pinsan sa loob ng isang linggo, at ako? Ito walang ibang ginawa kun'di ang magtrabaho sa umaga at pagdating ng gabi ay mag-isang kumakain sa hapag at mag-isa din na natutulog sa aming silid.
Gusto ko siyang puntahan pero natatakot ako. Natatakot akong baka ipagtabuyan niya ako o 'di kaya'y hindi niya ako kayang harapin.
Ang hirap mawalay sa taong mahal mo.
Hindi lang naman siya ang nahihirapan, hindi lang siya ang nawalan ng anak. Masakit din para sa akin ang mawalan ng anak lalo pa at panganay namin iyon.
Hanggang sa dumating sa puntong nais ko ng mawala sa mundo. Si Sophia, siya ang buhay ko, siya lang ang bumubuo sa araw ko, siya lang ang gusto ko wala ng iba.
"Magkita tayo ngayon sa may simbahan, hihintayin kita." Laman ng aking mensahe para kay Sophia.
Hindi ko na hinintay ang kaniyang sagot at nauna na akong pumunta sa aming tagpuan.
"Alam kong darating ka mahal ko maghihintay ako," bulong ko sa sarili.
Mag-gagabi na at wala pa rin siya, nag-uumpisa na rin pumatak ang ulan pero hindi ko ito alintana. Alam kong darating siya.
"Alas siyete medya na pala, siguro hindi na siya darating pa..." Bumaba ako sa aking sasakyan at hinayaang mabasa ako ng tubig-ulan.
Itinaas ang mga kamay at dinama ang lamig na dala nito.
Ang pagbuhos ng luha sa aking mata na sumasabay sa bawat pagpatak ng ulan.
"Mahal na mahal kita Sophia! Hindi ako aalis dito! Hihintayin kita!" Ubod lakas kong sigaw.
Tumatawa, umiiyak, humahagulhol sa ilalim ng ulan ang isang lalake. Hindi nito alintana ang malakas na buhos ng ulan.
"Sevi! Ano bang ginagawa mo! Bakit ka nagpapaulan! Nagpapakamatay ka ba!" Isa, dalawa, dalawang sampal ang natamo ko sa babaeng akala ko'y hindi na sisipot.
"Sabi ko na nga ba hindi mo ako matitiis," nanginginig kong sabi.
"Kanina ko lang nabasa ang mensahe mo! Pasensya na nakatulog kasi ako, Sevi naman eh! Pinag-alala mo ako!" Umiiyak na rin niyang saad.
"Mahal na mahal kita Sophia, umuwi na tayo... Magsimula tayong muli, bigyan mo pa ako ng isang pagkakataon Sophia." Pagmamakaawa ko sa kaniya habang yakap-yakap ang kaniyang mga tuhod.
"Tumayo ka nga diyan! Ako nga dapat ang humingi sa 'yo ng tawad dahil naging makasarili ako Sevi, patawarin mo ako mahal na mahal din kita..."
Tumayo ako't niyakap siya ng sobang higpit.
"Magsisimula tayong muli mahal ko, mahal na mahal kita at hinding-hindi ako papayag na mawalay kang muli sa aking tabi."
"Mahal na mahal din kita Sevi,"
Sa pagdaan ng panahon, ang dating pagmamahalan na tinibag ng unos ay muli naming naitayo.
Nagsimula muli kami at sa pagkakataong ito'y mas naging matatag na kaming dalawa.
Hindi rin nagtagal ay nabiyayaan kami ng dalawang anghel.
Dalawang anghel na mas magpapatibay ng aming pagmamahalan at pagsasama.
Sa wakas ang mga ngiti sa aming mga mata ay muling nanumbalik. Ngiting hindi matutumbasan ng kahit anong yaman sa buong mundo.
Wakas.
YOU ARE READING
Revenge With A Smile
RomanceHe's a cold hearted person. She is a jolly person. He's hard to please. She is falling so fast. He only love once but suddenly get hurt by a one woman. She love him that she can accept everything even if it's hurt her too much. What what if this tw...