Chapter 4

9 2 0
                                    

"ANO?"

Napalunok ako nang marinig ang halatang robotic na boses. Gustong humiwalay ng aking kaluluwa mula sa aking katawan nang tumingala ako at nakita siyang nakasuot ng roba na tila ipinamana ni Dracula at umiilaw ang kaniyang maskarang demonyong payaso.

"Ano?" Tumaas ang tono ng kaniyang pananalita.

Napahawak ako kay Zorina at umungol naman ang aso sa gilid ko na halatang natakot din. Pinilit kong maging matatag kaya tumingala ako at nanginginig na tiningnan ang nag-iibang kulay na ilong ng maskara. "S-sir, mag-aaply s-sana h-ho ako ng m-m-maid..."

Parang demonyong nakakita ng bagong biktima ang binitawan niyang tawa. Hindi rin nakatulong ang kulog at kidlat at tila pag-eecho ng boses niya. "So wala na kayong ibang paraan para guluhin ako, aber? Iba na naman ang estilo niyo sa pagpapadala ng babae sa'kin? Para kayong 'di mga Vornian!"

Pumasok siya sa loob at isinara ang pinto.

Natameme ako sa nangyari. Lumingon ako sa aso at nagtatakang nakatingin din siya sa'kin. Umiling ako at kinapa na naman ang hugis bungong knocker at hinampas pa ito ng tatlong beses.

"Ano na naman?" Bumukas ang pinto at dumungaw ang ulo niyang nakamaskara pa rin.

"S-sir, mag-aaply s-sana ako ng maid." Pinilit kong tumayo ng matuwid at maging confident.

"Matandang babae ang gusto ko!" Sigaw ng demonyong payaso bago niya isinara ang pinto.

Kinuha ko ulit ang knocker at hinampas ito ng ilang ulit hanggang sa mabulabog ang sino mang dapat mabulabog sa pamamahay ng lalaki. Sinabayan ko rin ito ng desperasyon. "Sir! Maawa po kayo sa'kin. Bigyan niyo ho ako ng tsansa. Wala po akong ibang malalapitan. Sir! Sir! Sir!"

Halos mahila ako nang bumukas ulit ang pinto at dumungaw ulit ang umiilaw na maskara. "Hindi ka ba tatahimik?"

Umiling ako. "Hanggang sa tanggapin niyo ho ako."

"Nakita mo 'yang kamalig?" Turo niya sa isang gusali sa 'di kalayuan.

"Opo."

"Pwes diyan ka matulog ngayong gabi."

"Pero – "

Hindi na natuloy ang sinabi ko dahil isang malakas na pagsara ang sagot niya.

"At least 'di niya ako pinalayas," bulong ko kay Zorina na himalang nakatulog pa rin sa ingay. "It's a good start, Nak."

Naglakad ako kasama ang kulay-abong aso papunta sa kamalig. Madilim ang lugar at walang lamang hayop ang nandon kundi mga damong nakatali. Tiempong bumuhos ang napakalakas na ulan at umupo ako sa gilid ng mga damo. Hinalungkat ko ang supot at nagpasalamat dahil may nakitang maliit na flashlight.

Sinadya kong ilawan ang aso at napaungol siya sa ilaw. "Oh, natakot ka?" Natatawa ako ng umungol ulit siya. Kinuha ko ang isa pang take-out box na inilagay pala ni Sitara sa supot at binuksan ito. Lumapit ng konti ang aso at binigyan ko ng isang tinapay. "Buto't balat ka na oh. Why won't I call you Bones? Gusto mo 'yon?"

Umungol ang asong kumain pa rin ng tinapay habang nakatingin sa'kin.

Sumandal ako sa pader at napatingin sa madilim na kapaligiran. At least may nasilungan kami ngayong gabi. Mas malaki at mas kumportable pa nga 'tong kamalig kesa barong-barong na tinirhan ko ng isang buwan. Inayos ko ang flashlight upang magamit ko ng husto ang ilaw sa pagbihis ko kay Zorina. Mabuti na lang at may biniling diapers at ibang gamit pang sanggol si Sitara kanina.

"Magiging okay din tayo, Nak," bulong ko sa kaniya. Nang makontento ako sa kalagayan ng aking anak, inayo ko ang aking belo at nagdesisyong bukas ko na lang susuklayan ang aking buhok. Inaantok na rin ako sa buong araw na biyahe at paglalakad na ginawa ko kaya pumikit na ako. Naramdaman kong lumapit ang aso at humiga sa aking gilid pero napagod ako sa araw na 'to at 'di ko na kayang itaboy pa si Bones.

Kismet Three: Accept My LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon