10th of September, 2020
××××××××Naalala mo yaong gabing nagtanong ka kung galit pa rin ba ako, ang sagot ko'y hindi at kahit kailan ay hindi naman ako nagalit. Sinundan mo pa ng tanong kung may hinanakit ba ako at sagot ko'y "malay mo meron" na kalauna'y binura din at pinalitan ng hindi maayos na sagot, "huwag na lang natin pag-usapan."
Hindi mo alam kung ilang beses kumabog nang malakas ang dibdib ko, na kahit sa pagpikit ng aking mga mata'y rinig na rinig pa rin ang pintig. Hindi ko alam. Napaisip ako. Kinabahan ako. Bakit mo nga ba itatanong ang mga tanong na iyan?
Nang tanungin kita kinabukasa'y ganoon na lang ang kaba ko sa maaari mong isagot na agad ding napalitan ng pagkadismaya. "Naisip ko lang," sagot mo. Hindi ako mapakali noon. Kaya ibinalik ko sa iyo ang tanong. na agad mo ring sinagot ng isa pang tanong. "Bakit naman magkakaroon?" Napatango na lang ako. Oo nga naman, bakit nga ba? Sa tanong mong iyan, alam ko na ang sagot.
Ilang beses ko nang nasabi sa sarili ko na tanggap ko na. Pero kahit talaga tanggap mo na, di pa rin mawawala ang sakit, no?
Alam ko namang nagkamali ka lang sa akin noon. Pero hanggang ngayon, napapaisip pa rin ako. Nangungulila pa rin ako. Hindi ko na alam kung bakit. Dahil ba mahal pa rin kita? Dahil ba mahal kita? Dahil ba magkaibigan tayo? O dahil . . . gusto ko pa ring maging malapit sa iyo.
Hindi lang isang beses kong sinubukang lumapit, napakarami na. Ngunit kada lapit ay hindi naman makaabante pa. Nananatili lamang sa lugar na nabagtas, hindi makaabante at palagi pang umaatras.
Hindi kasi ako puwede sa iyo. Hindi ako puwede sa mundo mo. Hindi ako bagay sa mundo mo at kahit kailan hinding-hindi ako makapapasok sa mundo mo.
Yaong akala ko nakapasok na ako, hindi pa pala. Isa nga lang palang malaking kasinungalingan ang mundong pareho nating nagalawan. Nakatutuwang nauna ka nang umalis samantalang ako naghahanap pa rin ng rason para makaalis.
Hindi ko kahit kailan makalilimutan ang mga katagang "sana maging magkaibigan pa rin tayo kahit wala na ang mundong ito". Umaasa akong magiging magkaibigan tayo kahit ano pa ang mangyari, ngunit mali pala ako. Hindi nga naman kasi nawala ang mundong iyon. Ikaw ang umalis.
Hindi ko alam kung kailan makararating sa iyo ang mga kaisipang ito. Hindi ko rin alam kung kailan ako magiging handa kapag nalaman mo ang lahat ng mga gusto kong iparating.
Hindi pa ako handa.
Sa tuwing naiisip kong mababasa mo ito'y kakaibang kaba ang nararamdaman.
Hindi pa ako handa at hindi ko alam kung kailan ako magiging handa.
Nasagot na ang mga tanong,
ngunit sana,
kapag nabasa mo ito,
ipaliwanag mong muli ang lahat.
*****Akala ko talaga wala na akong maisusulat pa pero nagkamali na naman ako. Hindi inaasahan ang isang ito.
BINABASA MO ANG
Letters
PoetryCompilation of words that should have been said... (credits to @alinsunodsailog for the cover)