Ikaanim ng Disyembre, 2020
××××××××Sa parating nariyan,
Kumusta ka na?
Hindi ko alam kung ilang beses ko na itong natanong. Madalas naman tayong nagkakausap ngunit minsan, nakakalimutan kong magtanong. May pagkakataon namang paulit-ulit kong itinatanong kung kumusta ka na nga ba. Hindi ko rin alam. Hindi ko maunawaan kung bakit sa bawat "ayos lang" mo ay nakakaramdam ako ng mali. Ayos ka lang ba talaga?
Alam ko namang hindi. Oo, maayos ka. Walang mali sa iyo, pero alam ko ring sa ibang aspeto, hindi maayos ang 'yong pakiramdam. Alam ko ring magkukuwento ka naman kung handa ka na, sa ngayon, hindi kita pipilitin. Gusto ko lang ipaalam sa iyo na nandito lang ako, naghihintay sa mga kuwentong iyong isasambulat.
Mahal kita. Ilang beses ko nang nasabi pero gusto ko lang ulit ipabatid sa iyo na hindi ka nag-iisa. Maraming salamat din sa iyo. Salamat sa pananatili, sa pagbibigay ng pang-unawa at sa patuloy na pakikinig. Isa ka sa rason kaya narito pa rin ako. Salamat sa iyo.
Hindi ko na pahahabain pa ito sapagkat isa lang naman ang nais kong iparating. Palagi kang naroon kapag kailangan ko ng kaibigan. Gusto ko lang sabihin sa iyong narito lang ako, hindi ako aalis. Kapag handa ka nang magkuwento, handa akong makinig. Makikinig ako sa iyo gaya ng kung paanong nakikinig ka sa akin.
Mahal kita. Darating ang araw na maghihilom din ang mga sugat, mawawala ang sakit at purong saya na lamang ang mararamdaman.
BINABASA MO ANG
Letters
PoetryCompilation of words that should have been said... (credits to @alinsunodsailog for the cover)