CHAPTER 34

182 7 1
                                    

Chapter 34

Mabilis kong pinunasan ang mga tagaktak kong pawis mula sa aking noo, habang binabaybay ko ang kahabaan ng kalye upang maghanap ng pansamantalang matitirhan. Tangan-tangan ko ang nag-iisa kong dalang malaking sling bag kung saan nakalagay ang mga importante at mahahalaga kong gamit. Huminto ako sa isang bahay kung saan may nakasulat na space for rent.

" Magandang tanghali po ale, may bakante pa po ba kayong kwarto? " aniko sa babaeng lumabas ng gate at mabilis naman itong umiling.

" Naku iha, may naka kuha na kahapon pa. Heto nga't tatanggalin ko na ang karatula " pilit ako ngumiti at umalis na lang,  muling naglakad at naghanap.  Hindi ko alam kung ilang oras na ako sa kalsada at hindi ko alam kung saan padako.  

Mula kanina pang umaga ay lutang ang isip ko,  wala akong direksyon kung saan patungo, hinayaan kong dalhin ako ng mga paa kung saan nya gusto, sumakay sa mga bus na hindi alam ang destinasyon. Ang importante ay makalayo. Malayo sa mga taong walang ginawa kundi saktan ako.

Isang maliit na bahay na sakto lang para sa isang tao, okay na rin sa akin ito. Ang importante may matutuluyan ako, napabuntong hininga ako nang pinagmasdan ko ang apat na sulok ng kwartong gawa sa kahoy. Sa sulok nito ay may maliit na papag at isang electric fan, may sarili na rin itong lababo at ang importante may sarili akong banyo.

Agad ko binigay sa matandang babae na sa tingin ko ay nasa edad singkwenta ang unang bayad. Malinis naman na ito, konting ayos na lang at pwede na lipatan. Nung araw ding yon ay bumili ako ng mga importanteng gamit, katulad ng mga personal needs ko, sapin sa kama at unan, saka na lamang ang kumot pagtyatyagaan ko nalang ang jacket kung sakaling lamigin ako. 

Hindi na muna rin ako bumili ng plato at sa karinderya nalang ako muna kakain. Kailangan ko kasi tipirin ang pera hanggang sa makahanap nang mapagkakakitaan. Doble kayod kung kinakailangan.

Nang maayos ko na ang hinihigaan ko napagpasyahan ko na maligo. Hindi ko alam kung ilang oras ako nagbabad. Nakakapagod ang araw ko ngayon. Nang matapos ay inayos ko na ang nagiisang bitbit ko, nilabas ko ang laman nito. Ang mga litrato ng mga anak ko. Nilagay ko ito sa picture frame at dinisplay sa ibabaw ng lamesa sa tabi ng higaan ko.

Isa-isa ko sila pinagmasdan, una ang kambal ko noong maliit pa sila at wala pang muwang sa mundo. Sa mga ngiti pa lang nila ay mapapawi na ang pagod mo. Si Liane noong unang araw nya sa pagpasok sa school, ngiting-ngiti sya dahil sa sobrang excited sya mag aral. Sawa na daw kasi sya na laging ako at mommy Krys nya ang kasama nya.

Natawa ako nang maalala ko ang mga araw na yon, maayos pa ang lahat, pero hindi ko namalayan na may luha na palang pumapatak kasabay ng mga ngiti ko. Pinagkatitigan ko ang kanyang mukha, sa ganitong paraan ko na lang sya masisilayan. Hindi katulad ng kambal na halos ay nakuha ang lahat sa aking mukha. Mula sa makapal na kilay, mata at hugis ng mukha.

Si Liane ay hindi maitatangging lahat ay nakuha sa tatay nya. Parang pinagbiyak na bunga sa sobrang magkamukha. Yung tipong kahit hindi mo sabihin kung sino ang tatay nya ay makilala mo pa rin.

Sa sobrang pagkamiss ay niyakap ko ito at hinalikan nang mariin. 

Sa ganitong oras na nag-iisa ako, para akong mababaliw sa sobrang pangungulila sa mga anak ko. Nawawalan na ako nang katinuan kakaisip kung paano sila makakasama at mababawi. Buong gabi ako nagdasal at  umaasa. Dahil sa oras na ito ay mas gusto ko na lang malagutan ng hininga kesa magpatuloy pa sa buhay.

Isang himala ang magising ako ngayong umaga. Sa haba nang tinulog ko, gumaan kahit papano ang pakiramdam ko. Yun nga lang ay masakit at mabigat ang ulo ko, kakaiyak ko kagabi. 

Kumakalam na ang aking sikmura nakalimutan ko rin kasi maghapunan, hindi ko na alam kung anong oras na. Pagkatapos ko maghilamos ay nagbihis ako ng pantalon at t-shirt, nagsuot lang din ako ng chuck taylor, sa tirik ng araw ay tingin ko tanghali na.

Two-Face (MaryJaneTWO)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon