LUMAPIT si Clarice sa mga kaklase na nag-uusap-usap sa isang parte ng university na pinapasukan niya. "Hindi pa kayo uuwi?" tanong niya.
"Clarice, come here," kinikilig na wika ni Mary Ann – isa sa mga kaklase at kaibigan niya. Mas bata ito sa kanya ng apat na taon. "Nakikita mo ba ang guwapong lalaking iyon? Hindi ba mukha siyang model o artista?"
"Kanina pa siya tinitingnan ng mga babae dito, lalo na ang mga nasa cheerleading squad," sabi naman ni Rodnick, ang bakla niyang kaklase.
Tiningnan ni Clarice ang tinutukoy ng mga ito at nagulat nang makita ang asawang si Kenny Fabella. Nakasandal ito sa harapan ng sasakyan at pasulyap-sulyap sa suot na wristwatch.
Napabuntong-hininga siya. Walang trabaho si Kenny kaya kanina pa itong umaga nagpumilit na susunduin siya sa school na pinapasukan. Tumanggi si Clarice dahil malapit lang naman iyon sa bahay nila at walang nagbabantay kay Jonas. Kanino naman kaya iniwan ng asawa si Jonas?
"Ang guwapo niya, 'no?" muling wika ni Mary Ann.
Ibinalik ni Clarice ang tingin sa mga kaibigan. Ngayon niya lang napagtanto na ni minsan ay hindi pa naipapakilala sa mga ito si Kenny. Alam lang ng mga kaklase na may asawa na siya. Bagong semester na kasi kaya bagong mga kaklase na rin.
Ngumiti siya. "Hindi niyo pa pala nakikilla ang asawa ko."
Sabay na napatingin sa kanya sina Mary Ann at Rodnick, nagtataka. "Asawa?" tanong ni Mary Ann, napatawa. "That's a nice joke, Clarice. Minsan talaga hindi natin mapigilang mag-imagine kapag nakakakita ng guwapong lalaki."
Tumawa rin si Rodnick. "That's alright, Clarice. Kahit may asawa ka na, hindi naman masamang maguwapuhan sa ibang lalaki."
Si Clarice naman ang nagtaka. Hindi naniniwala ang mga ito na asawa niya si Kenny Fabella? Natutop niya ang sariling bibig para maiwasan ang mapahalakhak. Akala ng mga kaibigan ay nagbibiro siya? Well, hindi naman niya masisisi ang mga ito. Kenny Fabella was too handsome and hot. Parang napakahirap na abutin ang isang katulad nito. Pero napatunayan ni Clarice na hindi iyon totoo.
"Hindi ako nagbibiro," sabi niya nang makalma ang sarili. "Asawa ko nga ang tinitingnan niyo. Si Kenny. Gusto niyo ba siyang makilala?"
Nagkatinginan sina Mary Ann at Rodnick, tila ba iniisip kung maniniwala sa kanya o hindi. Napailing na lang si Clarice at naglakad patungo sa kinatatayuan ni Kenny. Kung hindi maniwala ang mga ito, ipapakita niya na totoo ang sinasabi.
Lumingon sa kanya si Kenny at agad na napangiti nang makita siya. Sinalubong siya ng asawa. "Kanina pa kita hinihintay dito." Inayos pa nito ang mga hibla ng buhok na nakaharang sa mukha niya.
"Sinabi ko naman sa'yo na huwag mo na akong sunduin. Nasaan si Jonas?"
"Nasa bahay nina Mama, hiniram muna." Ngumiti si Kenny. "Solo natin ang bahay ngayon."
Pinamulahan ng mukha si Clarice. "Ipapakilala ko nga pala sa'yo ang mga kaibigan ko." Tiningnan niya sina Mary Ann at Rodnick na parehong nakanganga, hindi makapaniwalang kausap niya ang lalaking pinagkakaguluhan ng mga ito.
Hinawakan niya sa kamay si Kenny para hilahin patungo sa mga kaibigan. Halos hindi makapagsalita ang dalawa nang makaharap si Kenny. Sandali lang naman ay nagpaalam na sina Rodnick, nagmamadali pang umalis. Sigurado si Clarice na bukas ay uusisain ng mga ito ang relasyon nila ng asawa. Ihahanda niya na ang sarili.
"What's wrong?" tanong pa ni Kenny, nakakunot ang noo.
Tiningnan ni Clarice ang asawa, niyakap ito sa baywang. "Kaya ayokong susunduin mo ako, ang daming mga babae ang tumitingin sa'yo," nagtatampong sabi niya. Sumulyap siya sa isang parte ng gym kung saan naroroon ang mga cheerleaders na nag-uusap-usap, panay ang sulyap sa kanila ni Kenny.

BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 6: Kenny Fabella
RomanceGustong-gusto ni Clarice na makatapos ng pag-aaral dahil nais niya nang baguhin ang takbo ng sariling buhay. She was left alone in an early age kaya sanay na siyang mag-trabaho para sa sarili. Then one day, dumating na ang trabahong sagot sa problem...