MABILIS na tumalikod si Clarice nang makita ang paglingon ni Kenny sa kinatatayuan niya. Nasa loob ng kusina ang lalaki at nagtitimpla ng sariling kape. Hahakbang na sana siya palayo nang marinig ang boses nito.
"Ano bang kailangan mo?" tanong nito. "Kanina ka pang nakasilip diyan."
Pumihit siya paharap dito, nag-aalangang sumagot. "May... sasabihin kasi ako. H-hihilingin pala."
"Ano? Gusto mong mag-advance? Off?"
Mabilis na ini-iling ni Clarice ang ulo. "K-kagabi kasi ay nakita namin ni Jonas ang kuwarto ng anak ni Stefany. Naisip ko na... maganda kung mai-renovate ang kuwarto ni Jonas. O mapaayos ang interior design para naman magmukhang kuwarto ng bata."
Humalukipkip si Kenny. "Alam mo ba kung magkano ang ginastos ko para sa interior design ng lugar na ito?"
Lumabi siya. "K-kuwarto lang naman ni Jonas. Para rin naman iyon sa anak mo. Kung gusto mo ibawas mo na lang sa suweldo ko."
Hindi mapaniwalaan ni Clarice nang mapansin ang isang ngiti na naglalaro sa mga labi ni Kenny.
"Kahit siguro isang taong suweldo mo ay hindi pa rin sapat," sabi ng binata.
Lumaglag ang mga balikat ni Clarice. Gaano ba kamahal ang bayad sa interior designer ng lugar na ito?
"Pero, sige, pagbibigyan kita," dugtong ni Kenny makalipas ang ilang sandali. "Sinabi ko rin naman noon na ikaw ang bahalang magdesisyon ng tungkol kay Jonas."
Malawak na napangiti si Clarice. "Talaga? Salamat."
"Kaso ikaw na ang bahalang makipag-usap sa designer. Tatawagan ko siya, mamayang hapon nandito na 'yon."
"Ako na ang... bahala sa design?"
Tumango si Kenny. "Ikaw ang nakaisip. Basta siguruhin mo lang na maayos ang design na gagawin."
Kahit nag-aalangan ay tumango na lang si Clarice. Bumalik na siya sa kuwarto nila ni Jonas. Habang pinapaliguan ang alaga ay iniisip naman niya kung ano ang magandang design para sa kuwarto nito. Maganda rin ang jungle-themed, lalo at mahilig din si Jonas sa mga hayop.
Palalagyan ni Clarice ng loops for swinging ang kuwarto, mga ladders for climbing. Makakatulong din ang kulay na green para ma-relax ang isipan ng mga papasok.
Ilang oras din ang hinintay niya hanggang sa dumating na ang interior designer na tinawagan ni Kenny. Naging mabilis at maayos naman ang kanilang pag-uusap. Sinabi nito na within that week ay magagawa kaagad iyon.
Masayang binuhat ni Clarice si Jonas. Magkakaroon na talaga ng sariling kuwarto sa bahay na ito ang bata. Lumabas sila sa living area para hanapin kung nandoon si Kenny. Magpapasalamat siya sa binata.
Nakita niya naman ito na nakaupo sa couch habang nagbabasa ng libro. Nakasuot si Kenny ng checkered polo, itim na slacks, at itim na sapatos. Parang lagi itong aalis kahit nasa bahay lang naman. May suot pang eyeglasses ang binata. Parang napakatalino nito dahil doon.
Lumapit siya sa kinaroroonan ni Kenny. Tumingin ito sa kanya. "Salamat uli," masayang sabi ni Clarice. "Siguradong matutuwa si Jonas kapag nakita ang magiging bagong kuwarto niya next week."
Nagkibit-balikat lang naman ang binata bago ibinalik ang atensyon sa binabasa. Napailing na lang si Clarice.
Dahil siguradong hindi magpapaabala sa ginagawa si Kenny kaya lumabas na lang sila ni Jonas para maglaro sa lawn. Napatingin siya sa isang sasakyan na pumasok sa loob at pumarada hindi kalayuan sa kanila.
Lumabas mula sa sasakyan ang isang lalaki. Guwapo ito at mukhang kaedad lang din ni Kenny. Lumakad ito palapit sa kanila, ngumiti nang makita si Jonas.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 6: Kenny Fabella
RomanceGustong-gusto ni Clarice na makatapos ng pag-aaral dahil nais niya nang baguhin ang takbo ng sariling buhay. She was left alone in an early age kaya sanay na siyang mag-trabaho para sa sarili. Then one day, dumating na ang trabahong sagot sa problem...