KINAWAYAN ni Clarice si Kenny na nakaupo sa director's chair. Nakita niya ang pagkagulat sa mukha nito nang makita siya. Naroroon sila sa isang lugar sa Tanay, Rizal kung saan nagsu-shooting ng panibagong movie nito si Kenny. Katatapos lang ng klase niya kaya naisipang magpunta dito para sorpresahin ang boyfriend. Alam niya ang lugar dahil sinabi iyon sa kanya ni Kenny bago ito umalis sa bahay kanina.
Tuwing may pasok siya sa school, dinadala ni Kenny sa bahay ng Mama nito si Jonas. Tatlong araw lang naman ang pasok niya kaya nagagawa pang maging nanny ni Jonas sa loob ng apat na araw. Kahit maraming ginagawa, masaya naman si Clarice. Wala na siyang mahihiling pa.
Nakita niya nang itaas ni Kenny ang isang kamay sa mga staffs at actors na naroroon. May sinabi ito bago tumayo para lumapit sa kanya.
"What are you doing here? Nag-commute ka lang ba?"
Tumango si Clarice. "Hindi naman ako nahirapan at naligaw. Gusto ko lang sorpresahin ka." Sinulyapan niya ang mga staffs na nag-uusap-usap. "Hindi mo dapat inihinto ang shooting niyo para malapitan ako."
"Malapit na rin naman kaming matapos," ani Kenny. "Hintayin mo lang ako, okay? Pagkatapos namin, mag-dinner tayo sa isang restaurant malapit dito."
"Sige na, bumalik ka na sa trabaho. Manonood lang ako," pagtataboy niya sa lalaki. Hindi gusto ni Clarice na maapektuhan ang trabaho nito dahil sa kanya. Napakalaki na nga ng projects na ipinagpalit nito sa Hollywood para lang bumalik dito sa Pilipinas.
Naupo si Clarice sa isang bench kung saan matatanaw niya si Kenny at matatanaw din nito. Mga ilang minuto lang siguro siyang nakakaupo doon nang may tumabing isang lalaki.
"Hi," nakangiting bati ng lalaki. Siguro ay malapit lang din sa edad niya ito. Guwapo rin, mukhang palakaibigan. "Isa ka rin ba sa mga staffs dito?"
Umiling si Clarice. "May hinihintay lang ako."
Tumango-tango ang lalaki. "Ako nga pala si Marlon Heraldo. Isa ako sa mga supporting actors sa movie na 'to."
"Oh." Isa palang actor ang lalaki pero hindi niya ito kilala. "May... gagawin ka pang scene?"
"Oo, naka-stand by pa ako." Ngumiti si Marlon. "May isang scene pa ako after ng sinu-shoot nila ngayon."
"Good luck," sabi niya.
"Salamat. Medyo kinakabahan nga ako dahil kilalang direktor si Direk Fabella." Napailing ang lalaki. "Puro mga Hollywood movies na ang nagawa niya. Bago pa lang ako sa acting kaya nakakailang takes din kami. Ilang beses na nga rin niya akong napagalitan."
Mahinang napatawa si Clarice. "Siguradong para rin naman sa ikagaganda ng movie at ng role mo ang ginagawa niya. Ganoon talaga si Kenny. Gusto niya nearly perfect na lahat. Maganda naman ang mga kinalalabasan."
"Kenny," sambit ni Marlon. "Si Direk Kenny ba ang hinihintay mo? Girlfriend ka ba niya?"
Natigilan si Clarice. Hindi niya alam kung sasabihin dito ang totoo. Natatakot siya na baka maapektuhan ang trabaho ni Kenny kaya nagsinungaling. "H-hindi, k-kakilala lang."
"Kailan mo pa ako naging kakilala lang, Clarice?" narinig niyang tanong ni Kenny na nasa harapan na pala nila.
Gulat na napatingin si Clarice sa boyfriend, may makikita nang galit sa mga mata nito. Inilipat ni Kenny ang tingin kay Marlon. "Hindi ba dapat nagre-rehearse ka ng lines mo para hindi na tayo abutin ng ilang takes?" pagpapagalit nito sa lalaki. "Bakit ka nakikipaglandian dito?"
"Kenny!" Napatayo na si Clarice, hindi nagustuhan ang sinabi ng lalaki.
Tumayo si Marlon, nakayuko. "P-pasensiya na po, Direk."
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 2 Book 6: Kenny Fabella
RomansaGustong-gusto ni Clarice na makatapos ng pag-aaral dahil nais niya nang baguhin ang takbo ng sariling buhay. She was left alone in an early age kaya sanay na siyang mag-trabaho para sa sarili. Then one day, dumating na ang trabahong sagot sa problem...