SABADO ng hapong iyon at masaya si Kevin sa pagse-serve ng mga pagkain sa mga customers ng Café BEN-a-Bien. Ni hindi niya alintana ang pagod na nadarama sapagkat gusto niya ang kung anumang ginagawa niya. Bandang alas-singko na ng hapon nang mapansin niyang pumasok si Miss Chelle sa naturang kainan. Napangiti siya nang masaya itong sinalubong ng kanyang Ser Benhur.
“Mukhang tanga talaga ang mga taong na-i-inlove.”
Bigla siyang napabaling sa kanyang kaan ng may magsalita sa kanyang tabi. Nagulat pa siya nang mapagtantong ang Ma’am Kylie pala niya iyon. Nang balingan siya nito ay napangiti na lang siya habang napapakamot sa likod ng kanyang ulo.
“Kaya Kevin, kung yaw mong magmukhang tanga, huwag na huwag kang mai-in love,” seryosong bilin nito sa kanya na siya namang ikinatawa niya.
“Titingnan ko po, Ma’am Kylie,” aniya rito.
Napapalatak ito. “Bakit ba ayaw ninyong makinig sa akin? Mahirap kayang ma-in love. Iiyak ka lang at masasaktan ng hindi oras. Samantalang masarap mabuhay ng---“ hindi na nito tinapos ang sinasabi at tiningnan na ang oras sa suot na relong pambisig. “Anyway, mukhang patapos na ang shift mo, ah.”
“Oo nga po. Ni hindi ko nga po napansin ang mabilis na paglipas ng oras. Pero bago po ako mag-out, pupuntahan ko po muna ang customer na iyon sa dulo,” aniya at itinuro ang isang matandang lalaki na nagbabasa ng dyaryo sa isang sulok ng cafe.
Hinayon ng mga mata ni Kylie ang tinitingnan niya. Napatango ito. “Ah, si Mr. Realonda.”
Biglang napakunot-noo siya nang marinig ang sinabi nito. His surname sounds damiliar. Parang kay… Pia. Nang bigla niyang maalala ang kasintahan ay napangiti na ulit siya at tila nakakuha ng panibagong enerhiya upang ipagpatuloy ang trabaho. Nagpaalam na siya kay Ma’am Kylie at pinuntahan na ang naturang customer.
ALUMPIHIT pa si Kevin sa paglapit kay Mr. Realonda. Nag-aatubili siyang istorbuhin ang pagbabasa nito ng dyaryo. Ngunit ipinagtataka niya kung bakit hapon na ito nagbabasa ng dyaryo. “Baka ngayon lang siya nagkaroon ng oras,” pagbibigay sagot niya sa kanyang sariling tanong. Magsasalita na sana siya nang bigla itong napatingin sa kanya. Ngumiti siya rito.
“Good afternoon po, Sir,” magalang na bati niya rito.
Sandali siyang tinitigan nito, waring iniisip kung saan siya una nitong nakita. “You look familiar, hijo,” sabi nito sa halip na ibalik ang pagbati niya. “May kakilala ka bang Pia Realonda?”
Bigla siyang napakunot-noo nang banggitin nito ang pangalan ng kanyang kasintahan. Bakit kilala nito si Pia?
Itiniklop ng matandang lalaki ang dyaryong kanina lamang ay binabasa nito. Umayos ito ng upo at iminuwestrang umupo siya sa tapat nito. Nagdadalawang isip siya kung pagbibigyan ang alok nito ngunit nang mapadako ang tingin niya sa orasan ay napagtanto niyang tapos na ang shift niya. Maaari na siyang makipag-usap sa customer na ito. Hinubad niya ang suot na apron at umupo na siya sa tapat nito. Kinakabahan siya na hindi niya maintindihan.
“Maybe you are wondering why I invited you to take a seat,” panimula ng kanyang kaharap. “Siguro, nagtataka ka rin kung bakit kilala ko si Pia Realonda. Look, young man, that girl is my daughter.”
Bagaman nagulat siya dahil sa sinabi ng kaharap ay hindi siya nagpahalata. Pilit siyang ngumiti at bumati rito. “Good afternoon, Sir.” Itatanong sana niya kung paano siya nito nakilala ngunit nasagot na ang tanong niyang iyon ng muli itong magsalita.