“BAKIT hindi mo pa sinasabi kay Pia na nagtatrabaho ka bilang isang service crew?” tila galit na tanong ni Ehmkae kay Kevin nang makausap niya ito sa telepono.
Kasalukuyan siyang naka-duty sa Café BEN-a-Bien nang tumawag ito. Mabuti na lamang at walang masyadong ginagawa kaya na-entertain niya ang tawag nito. Halos tatlong buwan na siyang nagtatrabaho sa café na iyon upang makaipon ng pera para sa nalalapit na anniversary nila ni Pia. Ayaw kasi niyang humingi ng pera sa kanyang mga magulang para lamang bigyan ng sorpresa si Pia. Gusto niya ay pinaghihirapan niya ang bawat ginagawa niya para dito.
“Tsaka ko na sasabihin kapag naayos ko na ang surprise ko para sa kanya. Besides, six months lang naman ang contract ko rito sa Café BEN-a-Bien. Suportahan mo na lang ako, Ehmkae, please?” sumamo niya sa kaibigan.
Napabuntong-hininga na lang ito sa kabilang linya. “Oh, sige bahala ka. Kung saan ka masaya, eh, di masaya ka.”
“Ang korni mo. Oh sige na, marami na akong kailangang gawin,” iyon lamang at tinapos na niya ang tawag. Naglalakad siya patungo sa kitchen area nang maulinigan niya ang pag-uusap ng kanyang amo sa café at ng fiancée nito.
“Moh naman kasi, kailan ba tayo magpapakasal?” narinig niyang sabi ng kanyang Sir Benhur.
“Tumigil ka nga. Sinabi ko nang magpapakasal lang tayo pagputi ng uwak,” sagot naman ng kasintahan nitong si Chelle.
“Ang tagal naman,” reklamo ni Benhur.
“Ah, matagal ba? Oh, sige, bumili ka na ng lupa at magpatayo ka na ng bahay natin na may underground parking. Baka sakaling pumayag na akong magpakasal sa iyo.”
“All right! Sure, Moh-Moh. Bukas na bukas din, magpapagawa na ako ng bahay natin. Oh, Kevin, naring mo iyon ha? Alam ko, nakikinig ka. Don’t worry, abay ka sa kasal namin ng moh-moh ko,” baling sa kanya ni Benhur.
Papasok na sana siya ng kitchen area nang marinig niya iyon. Akala niya ay hindi siya nito napansin. Tumango siya rito at bumati. “Congrats po, Sir Benhur. Hello, Miss Chelle,” aniya at ngumiti sa dalawa.
“Hi, Kevin. Long time, no see,” ganting bati sa kanya ni Chelle. “Alam mo ba kung saan nakakabili ng helmet at nang maipatanggal ko naman itong ipinasuot sa akin ni Benhur?”
“Ang korni ni Miss Chelle.”
“Oo nga, eh. Nahahawa ako rito sa amo mo,” natatawang sabi nito.
“Ayos lang iyon, mahal mo naman ako,” singit naman ni Benhur na niyakap ang kasintahan.
Nang alam niyang hindi na siya mapapansin ng mga ito ay tumalilis na siya papasok sa kusina. Habang pinagmamasdan niya kasi ang mga ito ay lalo niyang naaalala si Pia. Mas lalo niyang nami-miss ang kasintahan na bihira na niyang makasama simula nang magtrabaho siya. Ngunit magkaganoon man ay pilit niyang tinitiis ang sitwasyon. Gusto niyang mapasaya si Pia at maramdaman nito kung gaano ito ka-importante para sa kanya.
“Ang mga nagmamahal nga naman,” nailing na sabi niya sa sarili.
“YOU need to submit all of your plates by the end of this month. Are we being clear here, class?” tanong ng isang propesor nina Pia sa subject na iyon.
Napatango ang lahat at sabay-sabay na sumagot ng ‘yes, Ma’am’. Kasama na siya sa mga estudyanteng iyon na nahihirapan na ring ibalanse ang oras sa dami ng plates na ipinapagawa sa kanila. Lagpasan ang tingin niya sa kanyang propesora dahil puyat siya nang nagdaang araw. May tinapos kasi siyang drawing na ibibigay niya kay Kevin mamaya kapag nagkita sila. Para iyon sa monthsary nilang dalawa.