Chapter 1
“ATE! Ate Lou, gumising ka na daw!” yugyog ni Jheymie sa pinsang si Malou.
“Ano ba?” naalimpungatang tanong ni Lou sa pinsan. Itinaas nito ng kaunti ang nakatakip na unan sa mukha.
“Gumising ka na daw sabi ni Lola!”
“Ang aga-aga pa eh!”
“Bahala ka nga diyan, lahat kami gising na. Ikaw nalang ang hindi,” sabi ni Jheymie bago tumalikod at iniwanan si Lou na nakahiga pa rin sa kama.
Paglabas ng pinsan sa kuwarto niya ay nagtakip ulit ng mukha si Malou at humimbing.
“Ate!” yugyog naman ni MJ sa binti ni Malou. “Ate, pinagigising ka na ni Lola!” sigaw nito.
“Ha?” bumalikwas na ng bangon si Malou. Inihilamos nito ang palad sa mukha at tinignan ang orasan. Alas onse na ng tanghali.“Nasa Hawaii si Lola kaya paano ako noon gigisingin, aber?” nakataas ang kilay na tanong nito sa pinsan.
“Ate, Lola Fidela’s on the phone,” silip naman ng isa pang pinsan ni Malou na si Rhea.
“Oh for Pete’s sake!” reklamo ni Malou sabay bangon at labas para sagutin ang tawag. Hindi na ito nag-abalang maghilamos at nagtuloy-tuloy na kung nasaan ang telepono.
“Yes, lola?” sagot ni Malou. Humikab pa nga ito pero tinakpan nito ang receiver para hindi marinig ng kanilang abuela.
“Marilou, bakit ngayon ka lang nagising?” istriktang tanong ni Lola Fidela sa kanya.
“Eh lola, maaga pa naman eh. Tinapos ko pa ang pagcocompute ng grades ng mga estudyante ko kaninang madaling-araw.”
“Kahit na! Tanghali ka na namang gumising. Wala ka nang nasalong grasya dahil sa kakatulog mo!”
Pasimpleng umirap si Malou dahil sa sinabi ng abuela. Teacher kasi siya sa Our Lady of Grace School at pasahan na naman ng report cards kaya nagpuyat siya.
“Lola, anong oras na ba diyan at parang hindi pa kayo inaantok?” Nasa Honolulu ang kanilang nag-iisang abuela at nakatira sa bunsong anak nito na kapatid naman ng kanyang ina.
“It’s just five in the afternoon here. Huwag mong ibahin ang usapan magaling na babae dahil ilang beses na akong tumawag diyan para gisingin ka. Nakausap ko na si Rhea, si MJ at Jheymie pero ikaw, tulog ka pa rin!” reklamo na naman nito.
“Eh kasi…”
“Don’t eh kasi me!”
“Anong gusto ninyong gawin ko aber?” Kung hindi lang mahal na mahal ni Malou ang kanyang Lola Fidela siguro ay nagtampo na siya dito. Sa lahat kasi ng mga apo nito ay sa kanya ito pinakamahigpit.
BINABASA MO ANG
It Was You After All
RomanceLou is a funny yet reserved type of person and being a teacher who loves sleep and lives with her three cousins, she's not bound to anything, even LOVE. But things changed when her close friend Jastine came back, she was hoping that they could start...