CHAPTER 31 - S.O.S

458 44 0
                                    


CHAPTER 31

S.O.S

THIRD PERSON’S POV

IPINARADA ni Aayi ang kotse sa hindi kalayuang parking lot. Kalapit nito ang walking distance lamang na grocery store. Napalingon si Aryang sa labas ng bintana at sumilip-silip. Itinago pa niya ang nanginginig na mga kamay nang lingunin na siya ni Aayi at hawakan sa magkabilang balikat.

“Sundin mo ang inutos ko at huwag kang gagawa ng kahit na anong bagay na ikakagalit ko, Esther. Bumalik ka sa takdang oras na sinabi ko sa ‘yo. Maliwanag?” Otomatikong tumango na parang robot ang dalaga at isinuot ang hoodie niyang kulay puti pati na rin ang isang facemask.

“Ito ang mga dapat mong bilhin. Bilisan mo ang kilos. Ayoko nang babagal-bagal.” Iniabot ni Aayi sa kanya ang listahan ng mga dapat bilhin sa store upang hindi na siya malito kung anong dapat kuhanin.  Muli siyang tumango na tila naiintindihan ang mga ibinilin sa kanya. Tuluyan na siyang lumabas ng kotse. Ngunit bago siya tumawid sa pedestrian lane, lumingon muna siya kay Aayi na nakatanaw sa kanya sa loob ng sasakyan. Napalunok-laway siya.

Hindi ito ang unang beses na lumabas siya ng bahay at mamili ng mga stocks ngunit sa pagkakataong ito ay halos kumabog ang puso niya dahil sa kaba. Nanginginig rin ang kalamnan niya sa pagtawid pa lamang dahil panay ang busina sa kanya ng mga sasakyan.

Matagumpay siyang nakatawid sa kabilang kalsada. Muli siyang lumingon para tingnan kung nakamasid pa ba sa kanya si Aayi. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang sarado na ang bintana ng kotse. Sigurado siyang umidlip ito dahil kanina pa ito hikab nang hikab sa biyahe. Mababagal ang hakbang niya palapit sa store ngunit napatda siya sa kinatatayuan nang mapasulyap sa pinakamalapit na police station. Napalunok-laway siya. Halos hindi na niya mabuksan ang sliding door ng grocery store kung saan siya dapat pumasok. May pag-aalinlangang napasulyap siya sa sasakyan ni Aayi. Kumabog nang sobra ang puso niya.

Ngayon ay desidido na siya. Bahala na kung anong kahantungan niya oras na gawin niya ang tama. Hindi lang ito para sa kanya kundi para na rin sa ikakabuti ng kanyang mga kasama sa loob ng bahay.

Otomatikong humakbang siya paatras, patungo sa direksyon ng pinakamalapit na estasyon ng pulis. Hanggang sa ang normal niyang hakbang ay naging takbo na at pilit kumatok sa nakasaradong pintuan nito. Bumukas ang pintuan at bumungad ang antok na antok na pagmumukha ni Lavape. Nakakunot-noo ito na parang naistorbo sa pagtulog.

“Ano pong kailangan? Nawawalang aso? Alaga? Bata? Nanakawan? Maingay? Curfew? Ano?” Inilabas ni Lavape ang notepad habang tinatanong siya.

“Kami ang nawawala. May dumukot sa amin,” aligagang sambit ni Aryang at panay ang lingon sa pinanggalingan sa takot na mapansin siya ni Aayi. Nagsalubong ang kilay ni Lavape dahil sa narinig.

“Ano?”

“N-nawawala kami. Pakiusap tulungan n’yo kami. Hawak niya kaming lahat. Papatayin niya kami. Baliw siya. Baliw!”

“Wait, Miss. Kalma lang muna. Sino bang tinutukoy mo?” naguguluhan pa nitong tanong sa dalaga pero hindi na makapagsalita si Aryang nang tumunog ang suot niyang wristwatch senyales na may ilang minuto na lamang siya para makapamili ng groceries. Bago tuluyang tumakbo palayo sa police station, hinawakan niya nang mahigpit ang palapulsuhan ni Lavape at kinagat iyon. Agad napasigaw sa sakit ang binata.

“SOS! Casa de Montes! Casa de Montes!” paulit-ulit na sigaw ni Aryang at tumakbo na palayo para pumasok naman sa grocery store.




AGAD kumatok sa nakasaradong bintana ng kotse si Aryang habang bitbit ang ilang grocery bags. Ang ilan ay ibinaba muna niya sa sahig dahil nanginginig pa rin siya. Ipinagdarasal na lamang niyang hindi nakita ni Aayi ang ginawa niya kanina. Kundi, katapusan na niya. Dahan-dahang bumaba ang salamin at bumukas ang kotse. Pumasok na siya sa loob bitbit ang pinamili. Hindi siya diretsong makatingin kay Aayi. Namumutla na rin siya.

“Late ka ng ilang minuto,” bungad sa kanya ni Aayi at pinaandar na ang makina. Napatungo siya.

“M-Marami pong tao sa store, A-Aayi,” sagot na lamang niya at napabuntong-hininga. Buong biyahe pabalik ng bahay ay tahimik lamang silang dalawa. Halos hindi na makahinga si Aryang dahil sa nararamdamang kaba. Pinagpapawisan na siya. Sana naman ay na-gets ng pulis na iyon ang ibig niyang ipahiwatig.

“Nabili mo ba lahat ng nasa listahan?” Tumango si Aayi at naging mailap ang tingin.

“Wala ka bang nakalimutan?”

“W-Wala po.”

Lumiko ang kotseng sinasakyan nila sa pinakaliblib na parte ng Pinecrest na kung tawagin ay Wildewood. Kahit papaano’y kumalma na ang pakiramdam ni Aryang lalo na nang tumigil ang kotse sa mismong tapat ng Casa de Montes. Mukha lang sagrado ang hitsura sa labas ngunit impyerno sa loob. Akma nang bubuksan ni Aryang ang pintuan ngunit naka-lock pa rin ito. Waring ayaw pa siyang palabasin ni Aayi.

“Ano ang ginawa mo kanina?” tanong nito sa kanya. Nahihintakutang napalingon siya kay Aayi na nanlilisik na ang mga mata. Umawang ang kanyang bibig upang magsalita ngunit walang boses ang lumabas. Wala siyang maisagot. Tanging luha lamang ang kumawala sa kanyang mga mata.

“Ano ang ginawa mo?!” sigaw ni Aayi sa kanya kaya tuluyan na siyang napaiyak. Sa puntong iyon ay hinigit na ni Aayi ang kanyang buhok na naging dahilan upang mapadaing na siya sa sobrang sakit. Parang binabalatan ang kanyang anit. Napasigaw na rin siya kahit alam niyang walang makakarinig sa kanyang pagmamakaawa. Napakalayo ng iba niyang mga kasamahan kung hihingi pa siya tulong.

Hindi pa nakontento ang nanggagalaiting si Aayi at inihampas na sa bintana ng kotse ang ulo ni Aryang. Paulit-ulit. Halos marinig na ang pag-crack ng bungo nito. Nagpumiglas si Aryang ngunit mas malakas si Aayi. Makailang beses pa siyang inumpog sa bintana ng kotse. Palakas nang palakas hanggang sa mangisay na lamang ang kaawa-awang dalaga. Sumirit ang dugo mula sa nabasag nitong bungo. Ayaw pa ring tigilan ni Aayi ang hampas rito at paghampas roon. Lupaypay na bumulagta si Aryang na wala nang buhay.

Nagulat si Aayi sa napagtanto at halos maiyak na hinaplos ang duguang pisngi ng dalaga. Umiyak siya na parang wala sa katinuan.

“E-Esther? Esther, anak ko!” Isang hagulhol ang pinakawalan niya ngunit hindi na maibabalik ang buhay ni Aryang na ngayon ay hindi na humihinga. Mas kumalat ang dugo sa loob ng kotse.

“Esther...” sambit pa niya. Puno na ng dugo ang kanyang mga kamay habang pinagmamasdan si Aryang. Duguan na ang dalaga at basag na ang bungo.

Napabuntong-hininga si Aayi at ngumiti nang tipid. Sa isang iglap, binuksan niya ang pintuan at pilit hinatak ang bangkay ng dalaga palabas. Luminga-linga muna siya sa paligid upang masiguro na walang makakakita sa gagawin niya.

“Itatago na lang kita sa bodega, Esther. Tutal, wala ka nang pakinabang ngayon,” sambit niya sa sarili at pilit kinaladkad ang duguang bangkay ng itinuring niyang anak sa loob ng sampung taon.

No Body, No Crime | Published under TDP Publishing HouseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon