11

12 5 0
                                    

THE MAP OWNER

"BUMANGON ka na riyan, kakain na tayo." Naaninag ko sa pintuan si Allestair nang nagmulat ako.

Tumango lang ako sa kaniya saka nag-inat ng mga braso at mga binti. "Sige, susunod na ako. Kumain na kayo, 'wag niyo na akong hintayin."

"Bilisan mo kasing kumilos." Sumilip si Jiovanni mula sa maliit na awang ng pintuan.

Maaliwalas ang umaga. Paglabas ko ng kuwarto, nag-toothbrush ako at naghilamos. Sa hindi malamang dahilan, nakalimutan ko ang dahilan kung bakit ako bumangon-at iyon ay para kumain. Pagkatapos kong maghilamos, naglakad ako palabas ng bahay.

"Sa'n ka pupunta? Kakain na, bakit aalis ka pa?" sita ni Jiovanni sa 'kin habang nakahalukipkip at seryosong nakatingin sa akin.

Hindi ko siya pinansin at mag-isa akong naglakad papuntang kalsada na ni isang sasakyan ay wala pa akong nakikitang dumaan mula nang dumating kami rito. Ramdam ko pa ang lamig ng kalsada dahil sa hamog. Mamasa-masa pa ang mga damo at dahon ng mga puno.

Para akong timang na naglalakad sa gitna ng daan. Hanggang sa isang piraso ng papel ang nakita kong inilipad ng hangin at bumagsak sa harapan ko. Tila isang love letter ito na halos kalahati ng papel ay sunog. Marahan kong kinuha ang papel mula sa kalsada saka ito pinagmasdan. Malabong-malabo na ang mga letrang nakasulat, dahilan upang hindi ko na ito halos mabasa. Ngunit sa lahat ng nakasulat sa papel, tatlong letra ang nangibabaw sa lahat: L.V.J.

Napaisip ako saglit. Hanggang sa maalala ko ang panyong ipinakita ni Allestair na galing sa lolo niya. May L.V. J. din na nakaburda roon. Isa na ba itong clue?

Napailing ako at pilit na kinumbinsi ang aking sarili na wala itong ibig sabihin. Paglingon ko sa letter ay tila tuluyan na itong nasunog sa aking kamay pero hindi ko ramdam ang init ng nag-aapoy na papel. Itinaas ko ang aking tingin sa mahaba at mahamog na daan kaya hindi ko makita ang malayong bahagi ng kalsada. May nakaputing dalaga na tumatakbo nang nakapaa. Nakasunod sa kaniya ang isang lalaki na sa palagay ko ay kasintahan niya. Nang mag-abot ang kanilang mga kamay ay niyakap nila ang isa't isa saka hinalikan ng binata ang kamay ng dalaga. Masaya silang nagsayaw.

Humakbang ako palapit sa kanila at nakita kong masaya't tumatawa silang dalawa pero hindi ko iyon naririnig. Limang metro na lamang ang layo ko sa kanila. Laking gulat ko nang isa pang hakbang ay bigla na lang silang naglaho na parang usok.

Biglang nagdilim ang paligid kaya pinilit kong tumakbo pabalik sa bahay ni Allestair pero bigla akong dumilat. Hindi ko pala talaga nakikita iyon.

Hawak-hawak ako ni Jiovanni sa balikat habang niyuyugyog ako. "Okay ka lang ba? Ano'ng nangyayari sa 'yo?" nag-aalala niyang tanong sa akin.

Lumingon ako at nakitang nasa likuran ko si Allestair. Napakabigat ng pakiramdam ko. Hindi ako makahinga at nahihilo ako. Para akong tutumba. Pagkatapos, hinawakan ako ni Allestair sa balikat at inalalayan ako pabalik sa loob.

Ipinagtitimpla ako ni Jiovanni ng kape sabay tanong ng, "Ano'ng nangyari sa 'yo? Alam mo bang ten minutes kang nakatayo sa gitna ng kalsada habang nakapikit? 'Tapos hindi ka gumagalaw at ayaw mo ring dumilat kahit niyuyugyog na kita nang malakas," aniya.

"Nakatatlong sampal nga pala ako sa 'yo, kaso hindi ka nagising," biglang sabi ni Allestair.

"Ten minutes?" Tumingin lang ako sa kanila, naguguluhan.

"Ten minutes and forty-nine seconds, to be exact," sagot ni Jiovanni.

Napangisi ako sa sobrang pagkamangha at pagtataka. "Wala akong naramdaman. Gising ang diwa ko pero hindi ko alam na nakapikit pala ako. Imagination. Panibagong imahinasyon ko na naman 'yon," paliwanag ko at mukhang naniniwala naman sila sa akin.

The Night We Met in IntramurosTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon