13

21 5 1
                                    

GRANDFATHER'S LOVE

NAPUNO ng katahimikan ang sasakyan. Hindi ko makuha ang tiyempo upang simulan ang usapan . Pero sa puntong ito, alam kong may kutob na si Allestair sa nalalaman ko. Nang makapag-ipon ako ng sapat na lakas ng loob para i-open up ang tungkol sa nangyari sa kaniya, sinimulan ko ang pagsasalita. Walang ano-ano'y biglang nagsalita si Allestair.

"Naabuso ako noon," aniya, nakatulala.

Hindi naiwasan ni Jiovanni na mapalingon saglit sa kaniya dahil sa narinig.

Napatingin ako sa mga kamay kong hanggang ngayon ay nanginginig pa rin. Napansin kong unti-unting namumutla ang aking mga palad kasabay ng pagtulo ng aking pawis kahit na napakalamig naman sa loob ng sasakyan. Nakikiramdam din si Jiovanni kung sino ang tutugon, pero walang nakapagsalita sa aming dalawa.

"Inabuso ako ng sarili kong mga magulang," nakangiting sambit ni Allestair habang nakatulala pa rin.

Dahan-dahan kong ibinalik ang tingin ko sa kaniya at nakita ko ang batang Allestair-ang batang halos mabawian ng buhay dahil sa karahasan. Napasandal ako nang makita ang bata, pero nang tanawin ko siya sa rearview mirror ng sasakyan ay si Allestair sa kasalukuyan ang aking nakita. Siguro sign na 'to na tama nga ang pagkakaintindi ko sa aking panaginip-iisa silang dalawa. Ito na ba ang umpisa ng mabibigat na misyon sa adventure na 'to?

"Dalawang taon. Dalawang mapapait na taon na ang agahan ko ay mga latay ng latigo sa katawan. Walang ibang maihain sa hapag-kainan sa tanghalian kung hindi ang sariling kagutuman mismo. Pagsapit ng dilim, nakatali na ang mga paa ko, tila isang hayop kung ituring nila. Nasanay na lang din ako... Nasanay na akong patayin araw-araw. Suwerte lang siguro ako..." Natawa siya nang bahagya. "...hindi ako natuluyan. Kaya wala akong choice, kailangan kong lumaban para sa buhay ko. Wala akong kakampi, walang mahingan ng tulong dahil lahat ng tao sa paligid ko, may banta na mula sa mga magulang ko."

Napalunok si Jiovanni nang marinig ang sinabi ni Allestair dahil sa aming tatlo ay siya na lang ang hindi nakaaalam sa bagay na iyon. Napatingin siya sa akin kaya sumenyas ako sa kaniya na hayaan na munang magsalita si Allestair.

"October 2, 2009, birthday namin ng kakambal ko. Paggising ko, narinig ko siyang umiiyak. Sumisigaw siya at tinatawag ang pangalan ko. Nagmadali akong bumaba pero nakita kong papasok na sila sa sasakyan. Sinubukan kong habulin ang kotse habang isinisigaw ang kaniyang pangalan pero biglang may dumakip sa akin. Binuhat niya ako at tumakbo palayo. Hindi ako makasigaw dahil may malaking panyo na nakatakip sa bibig ko." Panandalian siyang napahinto.

"Sa gilid ng isang bahay ay ibinaba niya ako at sinabing 'wag akong magsasalita. Pagtingin ko sa kaniya ay bumungad ang isang anghel na nagligtas sa akin-ang aking lolo. Nang makita ko siya ay hindi ko na napigilang umiyak. Niyakap ko siya nang mahigpit kasabay ng paghagulhol ko. Pagkatapos ko siyang yakapin ay ipinasan niya ako sa kaniyang likod at tumakbo palayo. Nakarating kami sa isang bahay-kubo at sinalubong kami ng isang lalaki na kasamahan ni Lolo sa pagtatanim ng tabako." Napapunas na lang siya ng luha at saka bahagyang lumingon patalikod sa amin.

"Namamaga, namumula at dumudugo ang katawan ko dahil sa ginawa sa akin ng mga magulang ko. Pero hindi ko muna inisip iyon. Napangiti ako habang pinagmamasdan ang loob ng simpleng bahay-kubo. Limang minuto matapos naming pumasok sa bahay ay ipinagtimpla niya ako ng gatas. Pagkatapos, pinaliguan niya ako at naglagay ng mga panlunas sa mga sugat sa katawan ko. 'Lolo, bakit po gano'n sila sa akin?' tanong ko sa kaniya.

"Ngumiti siya at tinapik ang balikat ko. 'Apo, maging si Lolo ay hindi alam kung bakit sila naging malupit sa 'yo. Nakalulungkot dahil si Lolo ang tatay ng iyong nanay pero ganiyan ka niyang pinalaki. Noong mga bata sila, hindi ko sila magawang paluin. Ang lola mo lang ang pumapalo sa kanila. Patawad, apo. Hindi kaagad nalaman ni Lolo na ganiyan pala ang dinaranas mo. Sana'y mas maaga kitang nailayo sa kanila,' paliwanag ni Lolo habang tumutulo ang luha ng isang amang nasasaktan para sa kaniyang anak at para sa kaniyang apo. Niyakap niya ako nang mahigpit na mahigpit sabay sabing, 'Hindi ka na masasaktan, apo ko. Basta nandito ka kay Lolo, wala nang makakapanakit sa 'yo, pangako 'yan.'

The Night We Met in IntramurosTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon