Kabanata 7 - Sapantaha

95K 5.7K 8.9K
                                    

[Kabanata 7]

MAGANDA ang sikat ng araw. Sariwa ang ihip ng hangin na sumasalubong sa kalesang sinasakyan ni Alfredo. Pagkadaong ng barko patungo sa Bataan ay madali niyang natunton ang tahanan ng gobernorcillo sa tulong ng inupahang kalesa.

Ang hacienda ay matatagpuan malapit sa dagat. Matataas na puno ng acacia ang nakapaligid sa kalsadang lupa. "Tumabi kayo!" wika ng kutsero. Napatingin si Alfredo sa daan kung saan may isang binibining nakasuot ng puting baro at asul na saya. Nakaupo ito sa lupa malapit sa tarangkahan ng hacienda.

Napahawak si Alfredo sa kaniyang sentido. Sumasakit ang kaniyang ulo at tila lumulutang pa ito. Ilang alak ang kaniyang naubos habang nakasakay sa barko. Sa tuwing wala siyang ginagawa, serbesa ang kaniyang kasangga.

Agad tumayo ang babae saka tumindig sa gilid at yumukod. Maalikabok ang daan dahil sa paparating na kalesa. Napasulyap si Alfredo sa babaeng nakatayo sa tabi at nakayuko. Kailanman ay hindi siya tumingin sa estado ng pamumuhay ng isang tao hindi gaya ng kaniyang mga magulang. Wala siyang pakialam sa antas ng buhay ng bawat tao.

Ang tanging natanim sa kaniyang isipan habang siya ay lumalaki ay palaguin ang kanilang ari-arian dahil siya na lang ang inaasahan ng kanilang pamilya mula nang mamatay ang kaniyang nakatatandang kapatid na lalaki.

Ilang sandali pa ay narating na nila ang mansyon ng mag-asawang Don Dario at Doña Lara. Sandaling pinagmasdan ni Alfredo ang malaking mansyon na napapaligiran ng bulaklak ng adelpa. May malawak na hardin din silang nadaanan na puno ng adelpa.

Ang halimuyak at hitsura ng paligid ay tila nagbabalik sa dating hitsura ng hacienda Salazar noong nabubuhay pa si Agnes. Napatulala si Alfredo sa lupa kung saan maging ito ay pinong-pino at malinis tulad ng kanilang tahanan noon.

"Señor, kanina pa po kayo hinihintay ng kasambahay sa pintuan" natauhan si Alfredo nang bumulong ang kutsero. Batid ng kutsero na nakainom si Alfredo dahil wala ito sa sarili at panay ang hawak sa ulo mula pa kanina. Natanaw nito ang kasambahay na agad nagbigay-galang sa kaniya. Naglakad si Alfredo papalapit saka itinapat sa dibdib ang suot na sumbrero.

"Magandang hapon. Ano po ang aming maipaglilingkod Señor?"

"Maaari ko bang makausap si Don Dario?"

"Kasalukuyan pong nasa kabilang bayan si Don Dario. Si Doña Lara lang po ang naririto"

"Maaari ko bang makausap si Doña Lara?"

"Ano po pala ang inyong ngalan, Señor?"

"Juan Alfredo Salazar. Ako ay mula pa sa Maynila"

Tumango ang kasambahay saka naglakad patungo sa hardin kung saan naroon ang Doña. Inasikaso si Alfredo ng isa pang kasambahay, pinaupo siya nito ngunit nanatiling nakatayo si Alfredo dahil mas lalo siyang nahihilo kapag nakaupo. Pinagmasdan niya ang malaking larawan sa oleo ng mag-asawa at ang apat nitong anak na lalaki.

Larawan ng isang masaya at buong pamilya ang mag-asawang Saavedra. Ilang sandali pa ay dumating na ang isang babae na nasa edad limampu pataas. Mas bata ito tingnan kumpara sa kaniyang edad. "Magandang hapon, Señor Alfredo. Kami ay nagagalak sa inyong pagdalaw. Kung hindi ako nagkakamali ay ngayon lang tayo nagkadaupang-palad" magiliw na bati ng Doña.

Yumuko si Alfredo habang nakatapat pa rin ang sumbrero sa kaniyang dibdib. "Opo, Doña Lara. Nagagalak din akong makilala kayo at ang inyong pamilya" tugon ni Alfredo. Hindi mawala ang ngiti ni Doña Lara, naalala niya ang kaniyang bunsong anak na lalaki na halos kaedad ni Alfredo. May asawa na ito at sariling pamilya sa Europa.

Bukod doon ay sadyang magiliw si Doña Lara sa mga lalaking matikas at may magandang tindig. "Siya nga pala, ano ang maitutulong namin sa 'yo, Ginoo?"

Lo Siento, Te Amo (To be Published under Taralikha)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon