[Kabanata 24]
ILANG oras na pinagmamasdan ni Alfredo ang certifico ng kanilang kasal ni Agnes. Naroon ang pirma ni Agnes na ikinumpara niya sa ilang sulat ni Liliana. Nakuha niya ang mga liham na iyon kay Nenita.
Ayon kay Nenita, si Liliana raw ang nagturo sa kaniya magbasa at magsulat. Hindi pa siya ganoon kabihasa ngunit kaya na niyang magbasa ng ilang mga salita. Pinagkumpara ni Alfredo ang sulat-kamay nina Agnes at Liliana.
Bagama't pangalan at pirma lang ang hawak niyang basehan ngayon sa sulat-kamay ng dating asawa ay malaki ang pagkakahawig nito sa kung paano isulat ni Liliana ang mga letra sa alpabeto.
Ipinakuha ni Alfredo sa isang katiwala ang mga gamit ni Agnes sa silid-imbakan ng hacienda Salazar ngunit ibinalita nito na wala na roon ang ilan sa mga gamit ni Agnes. Naalala ni Alfredo na ibinalik nila ang mga gamit ni Agnes sa pamilya Romero ngunit may mga naiwan pa sa silid-imbakan. Hindi niya lubos maisip kung paano nawala ang ibang gamit ni Agnes at kung sino ang magtatangkang kumuha niyon bukod sa pamilya nito.
Naalala ni Alfredo si Teodoro, hindi na siya magtataka kung kinuha iyon lahat ng nakatatandang kapatid ni Agnes. Ngayon ay wala rin siyang lakas ng loob magtungo sa tahanan ng pamilya Romero upang humingi ng ilang dokumento o kasulatan na kakikitaan niya ng sulat-kamay nito.
Napatingin si Alfredo sa bintana kung saan papasikat na ang araw. Sa lalong madaling panahon ay nais niyang maging malinaw ang lahat ng kaniyang paghihinala kay Liliana. Ngunit napatigil siya nang maisip kung ano ang kaniyang gagawin sa oras na mapatunayan nga niya na si Agnes at Liliana ay iisa.
Muli siyang napatingin sa dalawang papel na nasa kaniyang harapan. May pagkakataon siyang pumili sa kung anong dapat niyang gawin. Alamin ang totoo at maging handa sa lahat ng kaniyang malalaman. Kailangan niya rin maglaan ng maraming oras, salapi at pagod. Kahit pa isipin ng lahat na mali ang kaniyang ginagawa at hindi ito nakakabuti para sa kanila.
Maaari rin niyang piliin na magpanggap na walang nalalaman tungkol sa pagkawala ng bangkay ni Agnes at isiping matagal na itong patay tulad ng pagkakaalam ng lahat.
Kinuha ni Alfredo ang dalawang papel at agad lumabas sa kaniyang silid. Agad niyang ipinahanda kay Mang Lucio ang kalesa. Patuloy pa ring bumubuhos ang ulan ngunit hindi iyon hadlang upang balewalain ang katotohanan.
Nakatayo si Emma sa bintana at sinundan ng tingin ang kalesang sinakyan ni Alfredo. Nitong mga huling araw ay napapansin niyang lagi itong umaalis nang maaga. Bakas din sa mukha nito na may malalim itong iniisip.
"Señora," natauhan si Emma nang marinig ang boses ni Alma, kumatok ito at pumasok sa silid nang hindi niya namamalayan habang tinatanaw ang kalesa hanggang sa maglaho ito sa gitna ng ulan.
Tumingin si Alma kay Carlos na mahimbing na natutulog, dalawang kumot ang ipinatong ni Emma sa anak dahil sa lamig ng panahon. Isinara na ni Emma ang bintana at tumingin kay Alma, "Nakausap mo na ang inutusan ni Alfredo?" tanong ni Emma saka kinuha ang lampara sa tabing-mesa at pinatay ang sindi niyon dahil maliwanag na.
Tumango si Alma, "Ipinakuha raw po ni Señor Alfredo ang mga naiwang gamit ni Señora Agnes sa silid-imbakan ng mansyon" napatigil si Emma at marahang ibinalik sa mesa ang lamparang walang sindi.
"Nasabi raw ba ni Alfredo kung ano ang gagawin niya sa mga gamit ni Agnes?" nagtatakang tanong ni Emma, higit limang taon na ang lumipas nang mamayapa si Agnes.
Ang mga gamit nito ay ibinalik nila sa pamilya Romero, ngunit may iba na naiwan sa silid-imbakan ngunit ipinadala na rin iyon ni Emma sa pamilya Romero, ang tanging itinara niya lang ay ang itim na baul na naglalaman ng mga liham ni Agnes. Sinunog niya ang ibang liham ni Agnes at itinira ang mga palitan nito ng sulat kay Mateo.
BINABASA MO ANG
Lo Siento, Te Amo (To be Published under Taralikha)
Historical Fiction"Wattys 2021 Winner in Historical Fiction Category" Si Agnes Salazar y Romero ay ikinasal sa lalaking malabong masuklian ang kaniyang pagmamahal dahil sa matinding galit nito sa pamilyang kaniyang kinabibilangan. Ang kanilang pagsasama ay puno ng l...