Kabanata 30 - Ang Ikinukubli ng Alaala

61.1K 3.3K 5.1K
                                    

[Kabanata 30]

WALANG sinayang na oras si Emma. Nang malaman niya kung saan dinala ni Alfredo ang itim na baul na naglalaman ng mga liham ni Agnes ay agad niyang ipinahanda ang kalesa at nagtungo sa gumagawa ng mga kandado at susi.

Hindi nagtagal ay narating na nila ang maliit na tirahan ng liyabero. Naunang bumaba si Alma sa kalesa at inalalayan si Emma. Pinagmasdan ni Emma ang maputik na bakuran ng bahay na kanilang pupuntahan. Nag-aalaga ng itik ang libayero na siyang isa sa pinagkukunan nito ng kita.

Naalala ni Emma ang tahanang kaniyang kinalakihan. Pinagtagpi-tagping kawayan at pawid na sa tuwing umuulan ng malakas kahit walang bagyo ay nasisira. Ang kanilang bakuran din noon ay maputik at puno ng ipot ng mga itik at manok na inaalagaan ng kaniyang itay.

Natauhan si Emma nang magsalita si Alma, "Señora, may tao po sa loob" wika nito sabay turo sa bukas na bintana kung saan ay may mahinang usok na lumalabas doon. Inalalayan ni Alma ang dulo ng saya ni Emma upang hindi ito marumihan ng putik.

Isang payat na matandang lalaki ang tumambad sa kanila nang buksan nito ang pinto. Gulat na napatingin ang matanda kay Emma, maging si Emma ay hindi makapaniwala sa taong kaharap ngayon.

"Magandang umaga po. Ako po ay tagapagsilbi sa pamilya Salazar. Kasama ko po ngayon ang asawa ni Señor Alfredo. Nais po sana naming kunin ang dinala niya pong itim na baul dito" saad ni Alma saka tumingin kay Emma na halos walang kurap na nakatingin sa matanda.

Nang tumingin si Alma sa matandang libayero ay nagtaka siya sa halos mangiyak-ngiyak na hitsura nito habang nakatingin kay Emma.

Animo'y nabalot ng lamig ang buong katawan ni Emma. Nanunumbalik ang lahat ng masasamang alaala niya sa kaniyang kabataan. Matagal na niyang ibinaon sa limot ang nakaraang buhay. At ngayon ay tila bulalakaw na wala itong pasabi kung kailan magpapakita at babagsak sa kaniyang buhay.

"A-anak..." maluha-luhang wika ng matanda at sinubukan niyang hawakan si Emma ngunit agad nitong hinawi ang kamay ng matanda.

Umiwas ng tingin si Emma, at napahawak sa kaniyang dibdib na unti-unting naninikip. Ilang taon na ang lumipas mula nang huli niyang makita ang sariling ama na matagal na niyang isinumpa.

Napangiti ang matandang libayero at pinagmasdan ang anak na ngayon ay hindi na rin niya makilala dahil sa karangyaang tindig nito. Malayong-malayo sa luma, kupas at pinagtagpi-tagping tela na mga kasuotan nito noon.

"M-matagal na kitang hinihintay..." hindi na natapos ng matanda ang sasabihin nang tingnan siya ni Emma habang nanlilisik ang mga mata nito.

"Hindi ba't sinabi kong mawala ka na? Ano pang ginagawa mo rito? Bakit buhay ka pa?!" sigaw ni Emma habang pilit na pinipigilan ang pagbagsak ng kaniyang luha dahil sa matinding galit. Hindi na niya napigilan ang sarili. Animo'y namamanhid ang kaniyang kalamnan at nanginginig ang kaniyang katawan.

Napatulala si Alma at napatingin sa matandang libayero. Sinubukang lumapit muli ng matandang lalaki kay Emma ngunit humakbang ito paatras. "Hanggang kailan mo ba guguluhin ang buhay namin?! Sinadya mo bang lumapit kay Alfredo para takutin ako?!" sigaw ni Emma na namumula na ang mga mata at mukha sa galit.

Hinawakan ni Alma ang braso ni Emma upang pakalmahin ito. Umiiyak na ang matandang lalaki ngunit walang boses o hikbi na lumalabas sa bibig nito. Napatingin si Alma sa kalagayan ng tinitirhan ng ama ni Emma, halos walang gamit at nagkalat ang mga balahibo ng itik.

Nilalangaw na rin ang bahaw na kanin sa luma at maruming palayok. Tanging asin lang ang inuulam ng matandang libayero. "Iyong tandaan, wala ka ng pamilya. Matagal ka na naming binura sa aming buhay! At huwag mo subukang guluhin muli ang aking buhay dahil kalilimutan kong magkadugo tayo!" sumpa ni Emma at naglakad na pabalik sa kaniyang kalesa.

Lo Siento, Te Amo (Self-Published under Taralikha)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon