[Kabanata 20]
Dalawang araw bago ang kasal...
MAINGAT na inaayos ni Agnes ang mga damit sa kanilang tampipi. Ang mga natuyo ng damit ay ibinabalik niya sa dating kinalalagyan nito. Oras ng siyesta ngunit pinili niyang maging abala dahil sa tuwing wala siyang ginagawa ay gumugulo lang sa isipan niya ang sitwasyon nila ngayon. Napatingin siya sa pinto nang bumukas iyon, diretsong humiga si Selio sa kama.
"Bakit ganiyan ang iyong hitsura?" tanong ni Agnes nang mapansin na balisa ang kapatid.
"Wala akong magawa rito" muling tiningnan ni Agnes si Selio, sa laki ng kama ay hindi naman magugulo ni Selio ang mga damit na tinutupi niya.
"Hindi ka sumama kay itay?" tanong ni Agnes. Maging siya ay walang ideya kung saan nagtungo ngayon si Mang Pretonio. Tumagilid si Selio at humarap sa kanyang ate.
"Ang sabi ni itay, ikakasal ka na raw kay Señor Mateo" hindi nakasagot si Agnes, animo'y wala siyang narinig. Sandaling pinagmasdan ni Selio si Agnes, kung nabubuhay lang ang totoo niyang kapatid ay siguradong imposible na maikasal ito sa isang mayaman at may pinag-aralan.
"Wala pa akong ibinibigay na tugon" saad ni Agnes nang mapansing hindi siya titigilan ni Selio sa pagtatanong. Isinara na ni Agnes ang isang tampipi at binuksan naman ang isa upang ayusin ang mga damit doon.
"Kung ako ang tatanungin, ikaw dapat ang masunod ate. Kung hindi ka pa handa, iyong ipagtapat kay itay at kay Señor Mateo. Hindi mo siya dapat pakasalan dahil lang sa utang na loob" saad ni Selio, napatigil si Agnes at napatitig sa kamiso ng kanyang itay.
"Ako ay nahihiya na rin kay Señor Mateo, ang dami na niyang nagawang tulong para sa amin ni itay. Kung hindi dahil sa kanya ay marahil wala na rin kami ngayon dito" patuloy ni Selio, napatingin si Agnes sa kapatid. Hindi niya maunawaan ang sinabi nito.
"Wala na ngayon dito? Kilala niyo na si Señor Mateo noon pa man?" nagtatakang tanong ni Agnes. Tumango si Selio. "Muntik na kaming mapahamak noon ni itay, mabuti na lang dahil tinulungan kami ni Señor Mateo at iniligtas niya kami laban sa mga masasamang loob"
Napaisip si Agnes, wala siyang maalala na may nabanggit sila na muntik na silang malagay sa kapahamakan noon. "Ngunit hindi namin nababatid ang kanyang pangalan. Hindi namin siya kilala sa kanyang pangalan kundi sa kanyang hitsura lamang"
Naalala ni Agnes nang tanungin niya ang kanyang itay kung paano nito nakilala si Mateo. Napagtanto niya na kaya pala nagawa silang anyayahan ni Mateo sa tahanan nito dahil minsan na rin silang tinulungan nito noon.
Hindi na nagsalita si Agnes, nagpatuloy na lang siya sa kanyang pagtutupi. Tumihaya si Selio at napatitig sa kisame. Maging ang kisame ay makintab at may mga detalye na sinasabing makakatulong daw upang hindi pasukin ng malas ang bahay.
"Noong nanatili ako sa seminaryo, tinanong ako ng isang prayle kung ibig kong mag-aral. Maraming opisyal at mananampalataya raw ang nagpapaaral sa mga nais maglingkod sa simbahan. Ibig ko sana ngunit aking naalala na babalikan tayo ni itay at aalis din tayo rito"
"Hindi na raw tayo babalik sa Bataan. Wala rin akong ideya kung saan tayo maninirahan ngayon" saad ni Agnes, hindi naman nagulat si Selio, nabanggit na rin sa kanya ng kanilang ama na hindi na sila babalik sa dati nilang tirahan. Sinubukan niyang alamin ngunit batid niyang magagalit lang ang kanilang ama.
Huminga nang malalim si Selio habang nakatitig pa rin sa kisame. "Ako ay sanay na palipat-lipat tayo ng tahanan. Kung minsan ay ilang buwan lang tayo nanatili sa isang bayan" napabuntong-hininga na lang din si Agnes. Kung nakakaalala lang sana siya ay mas madali niya rin matatanggap ang paglisan sa isang lugar.
BINABASA MO ANG
Lo Siento, Te Amo (Self-Published under Taralikha)
Historical Fiction"Wattys 2021 Winner in Historical Fiction Category" Si Agnes Salazar y Romero ay ikinasal sa lalaking malabong masuklian ang kaniyang pagmamahal dahil sa matinding galit nito sa pamilyang kaniyang kinabibilangan. Ang kanilang pagsasama ay puno ng l...