[Kabanata 5]
TULALANG pinagmamasdan ni Alfredo si Agnes habang pinupunasan ni Manang Oriana ang mga butil ng pawis sa noo at pisngi nito. Inaapoy ng lagnat si Agnes, dalawang beses nang nagdala ng tapayan ng tubig at suka si Ana. Patuloy pa rin ang pagbagsak ng malakas na ulan.
"Ikaw ba ay may nakaligtaan, Señor?" tanong ni Manang Oriana ng wala sa loob. Hindi niya lang maatim na kanina pa ito nakatayo sa tapat ng pintuan. Natuyo na lang ang suot na damit ni Alfredo, ni hindi pa niya nagagawang magpalit matapos dalhin si Agnes pabalik sa kanilang tahanan.
Kakaalis lang din ng doktor na sumuri sa kalagayan ni Agnes. Sinabi nitong puno ng alalahanin si Agnes kung kaya't madaling nanghina ang katawan nito. Hindi nakasagot si Alfredo, ang totoo ay bumalik siya nang mapagtanto na hindi niya dapat iwan ang asawa ng ganoon. Bumalik siya upang makausap ito nang maayos.
Napatigil si Manang Oriana sa kaniyang ginagawa saka napatingin kay Alfredo. "Ipagpaumanhin niyo Señor Alfredo kung tahasan kong sasabihin ngayon ang aking nasa isipan. Ito ang una at huling beses na ipagbibigay ko ang aking saloobin tungkol sa inyong dalawa. Hindi ko ibig manghimasok ngunit hindi ko na kayang manahimik pa" saad ng matanda.
Napayuko si Alfredo saka humakbang papasok sa silid at dahan-dahang isinara ang pinto sa kaniyang likuran upang walang ibang makarinig ng kanilang pag-uusapan. "Aking hindi maunawaan kung bakit naging ganito ang inyong pagsasama. Ngunit nag-ugat ito sa kung paano mo pakitunguhan ang iyong asawa. Aming nababatid na matindi ang iyong galit kay Don Tomas ngunit ilugar mo sana Señor ang iyong galit"
"Walang kasalanan si Agnes. Hindi niya kasalanan na apo siya ng taong iyong kinamumuhian. Nawa'y tularan mo ang kaniyang puso, ibig niyang kupkupin ang..." napatigil si Manang Oriana, nagdadalawang-isip kung dapat bang sabihin kay Alfredo ang ipinagtapat ni Ana na natuklasan nila ni Agnes sa Bulakan.
Napahinga nang malalim si Manang Oriana saka muling pinunasan ang noo at pisngi ng alaga. "Sa katunayan ay ibig akuin ni Agnes ang batang dinadala ng iyong kalaguyo dahil naniniwala siya na walang kasalanan ang batang iyon. Hindi nararapat na pagbayaran niya ang inyong kasalanan" batid ni Manang Oriana na napalabis ang paggamit niya ng mga salita. Ngunit wala na siyang pakialam, mahalaga sa kaniya si Agnes. Hindi ito ang tamang panahon para isipin niya kung masasaktan din ba si Alfredo sa mga salitang bibitawan niya.
Nanatiling tahimik at tulala si Alfredo. Ang totoo ay pinagsisisihan niya kung bakit naging padalos-dalos ang pagpaparatang niya kay Agnes kanina. Nakapagbitiw siya ng masasakit na salita na hindi na niya ngayon mabawi.
NAALIMPUNGATAN si Agnes nang buksan ni Ana ang mga bintana. Napatingin siya sa pamilyar na kisame at dingding ng silid. Narinig niya ang pagbukas ng pinto, pumasok si Manang Oriana at inilapag sa tabing mesa ang pinakuluang dahon ng lagundi.
Nagulat si Manang Oriana nang makitang gising na si Agnes, agad niya itong inalalayan maupo. Hindi na rin natapos ni Ana ang pagbubukas ng mga bintana nang marinig na gising na si Agnes.
"Kumusta ang iyong pakiramdam? Inumin mo muna ito, hija" wika ni Manang Oriana saka inabot ang tasa. Tumingin siya kay Ana, "Ipatawag mo si Doktor Galvez" utos nito kay Ana. Tumango si Ana at akmang aalis na ngunit pinigilan siya ni Agnes.
"Huwag na. Mabuti-buti na ang aking pakiramdam. Huwag na natin gambalain si Doktor Galvez" pakiusap ni Agnes, namumutla ang buong mukha nito at ang labi ay namamalat.
"Nagpadala na ako ng mensahe sa iyong mga magulang at kapatid. Tiyak na patungo na sila rito. Hindi ko na lang sasabihin na sumugod ka sa ulan kagabi" wika ni Manang Oriana. Napangiti nang marahan si Agnes. Ang huli niyang naalala ay muntik na siyang mabangga ng kalesa ngunit saktong tumigil ito sa kaniyang tapat.
BINABASA MO ANG
Lo Siento, Te Amo (To be Published under Taralikha)
Fiksi Sejarah"Wattys 2021 Winner in Historical Fiction Category" Si Agnes Salazar y Romero ay ikinasal sa lalaking malabong masuklian ang kaniyang pagmamahal dahil sa matinding galit nito sa pamilyang kaniyang kinabibilangan. Ang kanilang pagsasama ay puno ng l...