Kabanata 25 - Hangganan

75.4K 3.8K 6.2K
                                    

[Kabanata 25]

NI minsan ay hindi sumagi sa isipan ni Mateo na darating ang araw na ito. Animo'y panaginip lang sa kaniya ang kasal kahapon. Sa isip niya ay ito ang pangalawang pagkakataon na ibinigay sa kaniya ng tadhana, na maging matapang at ipaglaban ang kaniyang nararamdaman.

Mula nang ikasal sa iba si Agnes ay inilayo niya ang sarili. Nang dahil sa kahinaan ng kaniyang loob ay hindi niya nagawang ipagtapat ang kaniyang damdamin noong mga panahong wala pa si Alfredo sa buhay nila. Kung hindi lang siya natakot sa posibleng mangyari, kung hindi lang siya nangamba na baka magbago ang pakikitungo sa kaniya ni Agnes sa oras na malaman nito ang kaniyang pagsinta, maaaring hindi na naging bahagi si Alfredo ng buhay ni Agnes.

Tulala si Mateo sa bintana ng kaniyang silid habang bumubuhos ang malakas na ulan. Maaga siyang bumangon pagkatapos ng kasal kahapon. Hindi niya namalayan ang paglapit ni Mang Pretonio. Tumayo ito sa tabi saka pinagmasdan ang maninipis na hibla ng tubig ulan.

"Ilang araw akong mawawala. Kailangan kong asikasuhin ang mga papeles na kakailanganin natin upang ganap nang manatili si Agnes bilang aking anak. Kailangan din natin ayusin iyon bago tayo magtungo sa ibang bansa" panimula ni Mang Pretonio. Tumingin si Mateo sa matanda, bakas sa mukha nito na handa na siya sa bagong simula ng kanilang buhay.

Muling tumingin si Mateo sa bintana, "Hindi ko na ngayon alam kung paano haharapin si Teodoro. Ang pamilya ni Agnes ang higit na may karapatan sa kaniya. Kailangan nilang malaman na buhay siya. Ako'y nag-aalala rin sa kalagayan ni Doña Vera" saad ni Mateo, kung nakakapagsalita lang ang tubig ulan ay tiyak na inuudyukan na rin siya nito kung ano ba ang dapat niyang gawin.

Sandaling tiningnan ni Mang Pretonio si Mateo. Nauunawaan niya ang pinagdadaanan nito ngayon. Hindi nga naman ganoon kadali ang maglihim sa taong malapit sa iyo. Sa tuwing nakikita niya si Agnes ay naroon din ang lungkot na kaniyang nararamdaman dahil hindi niya magawang sabihin ang totoo.

"May mga kailangan tayong bitiwan upang maisakatuparan ang higit na mas mahalaga. Sinong makapagsasabi kung ano ba ang mas matimbang at mas mahalaga? Ang katotohanan o ang kaligtasan? Ang totoo o ang buhay? Sa oras na malaman ni Agnes ang totoo, hahanapin niya ang totoo niyang pamilya. At hindi magtatagal ay malalaman iyon ng pamilya Salazar" saad ni Mang Pretonio, hindi nakakibo si Mateo. Iyon ang nag-udyok sa kaniya upang ilihim ang totoo.

"Kailangan ko rin magsakripisyo. Kailangan kong burahin ang bakas ng aking anak upang ipagkaloob ang kaniyang pangalan at katauhan kay Agnes. Masakit din sa aking isipin na nahihimlay siya sa puntod na hindi niya pag-aari, maging ang kaniyang pangalan ay hindi nakalagay doon. Tanging ako at si Selio lang ang nakakaalala sa kaniya" napayuko si Mang Pretonio saka mabilis na hinawi ang luhang namumuo sa kaniyang mga mata.

Anong sakit sa isang magulang ang ibaon sa limot ang anak. Hindi niya ito magawang bisitahin sa libingan. Ang pagtirik ng kandila at kausapin ito sa kawalan ang tangi niyang nagagawa.

"Masakit man sa akin ngunit wala na akong magagawa. Sino bang makikinig sa hinaing ng isang maralita? Ako'y nakatitiyak na ito rin ang nais mangyari ni Liliana, sa tulong niya ay magagawa nating mapanatiling ligtas si Agnes sa mga taong nagtangka sa kaniyang buhay" patuloy ni Mang Pretonio, batid niya na hindi pa buo ang isipan ni Mateo na ilihim ang lahat at umalis sila sa lugar na ito.

Tumingin si Mateo sa matandang manggagamot, hindi tamang sabihin niya na nauunawaan niya ang nararamdaman ng isang magulang dahil hindi pa naman niya nararanasan iyon. "Ngunit sa aking palagay ay hindi naman magiging hadlang kung malalaman ng pamilya Romero na buhay siya" giit ni Mateo, sandali siyang tinitigan ni Mang Pretonio. Nararamdaman niya na mas matimbang din ang pag-aalala ni Mateo sa kalagayan ng pamilya ni Agnes.

Lo Siento, Te Amo (To be Published under Taralikha)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon