[Kabanata 14]
NAPATINGIN si Alfredo sa pintuan nang bumukas ang pinto at pumasok si Fernando. "Gising ka na, Alfredo" bati nito sabay ngiti nang bahagya. Kung tutuusin ay dapat itong mabigla ngunit bahagi ng pagiging manggagamot ang hindi magpakita ng matinding emosyon upang masiguro na hindi iyon makakaapekto sa reaksyon ng pasyente. Agad niyang sinuri ang kalagayan ni Alfredo. Malayo silang mag-pinsan at hindi rin sila malapit sa isa't isa.
Sinuri ni Fernando ang pakiramdam ni Alfredo upang masiguro na nagagamit pa nito ang iba pang bahagi ng kanyang katawan. Nang masiguro niya na maayos ang lagay ni Alfredo ay nagdagdag siya ng mga gamot na makakatulong upang mapabilis ang paggaling nito. Laking pagtataka rin niya kung bakit mabilis ang pagbuti ng kalagayan ni Alfredo.
Agad nakarating kay Emma at sa mag-asawang Salazar ang balitang gising na si Alfredo. Naabutan nilang nakaupo na si Alfredo sa kama habang tinutulungan ni Mang Lucio sa pagkain. "Anak ko!" sigaw ni Doña Helen sabay halik sa ulo ni Alfredo. Napatakip si Emma sa kanyang bibig habang maluha-luha ang kanyang mga mata. Samantala, si Don Asuncion ay nakatitig sa anak at nakangiti nang bahagya.
Ngayon lang nakita ni Alfredo ang mainit na pagsalubong ng kanyang mga magulang sa kanya. Totoo nga ang kasabihan na malalaman mo lang ang halaga ng isang tao kapag nalagay ito sa panganib o naglaho na ito.
"Kumusta ang iyong pakiramdam? May masakit ba sa iyo?" paniniguro ni Doña Helen, nagpatawag pa ito ng doktor upang suriin muli si Alfredo. Hindi sinasadyang masanggi ni Doña Helen si Emma dahilan upang mapahakbang ito paatras.
"Maghunos dili ka, Helen" awat ni Don Asuncion sa asawa na animo'y nais maging bahagi ng dulaan. Tumingin si Don Asuncion kay Alfredo, "Labis mo kaming pinag-alala, ngunit ngayong nagkamalay ka na ay higit mong pagbutihin ang iyong paggaling. Ang nangyari sa 'yo ay isang banta sa ating pamilya na hinding-hindi ko palalagpasin" wika ni Don Asuncion saka tinapik nang marahan ang balikat ng anak.
Hindi nakapagsalita si Alfredo. Sa bilis ng pangyayari ay hindi niya namalayan na halos dalawang linggo na pala ang lumipas mula nang may magtangka sa kanyang buhay. Higit sa lahat ay kailanman hindi sumagi sa kanyang isipan na matutunghayan niya ang matinding pag-aalala ng kanyang ama at ina. Kahit pa sabihing hindi gaano totoo o ramdam ay hindi niya matukoy kung ano ba ang totoo.
Napatingin si Alfredo kay Emma na nanatiling nasa likod ni Doña Helen. "Paumanhin kung nabigyan ko kayo ng matinding alalahanin" wika ni Alfredo.
"Sapat na sa akin na nakaligtas ka sa kapahamakan. Ako'y lubos na nagpapasalamat dahil hindi mo kami iniwan" wika ni Emma sabay hawi ng luha sa kanyang mga mata. Tiningnan siya ni Doña Helen na animo'y hindi ito natutuwa dahil mas maganda si Emma sa pagluha kaysa sa kanya.
"Kumusta si Carlos?" tanong ni Alfredo.
"Mabuti naman. Aking nararamdaman na hinahanap ka na rin niya sapagkat matagal ka ring nawala mula nang magtungo ka sa Bataan" napatigil si Alfredo, naalala niya ang babaeng kahawig ni Agnes.
Batid niyang mali ang kanyang ginawang paniniguro kung si Agnes ba iyon ngunit sa huli ay napagpasiyahan niya na huwag na itong iugnay sa dating asawa. Ang mga sinabi rin nito tungkol sa pag-abuso ng mga may kapangyarihan sa pagsamsam ng lupain ay nakapagpamulat sa kanya.
Kinagabihan, si Mang Lucio ang nagbantay kay Alfredo dahil hindi na maiwan ni Emma si Carlos. Sina Doña Helen at Don Asuncion naman ay hindi sanay na matulog sa ospital kung kaya't lagi silang umuuwi ng bahay matapos dalawin ng ilang oras ang anak.
Abala si Mang Lucio sa pag-aayos ng mga prutas sa mesa na ang karamihan ay malapit ng mabulok dahil wala namang kumakain nito, hindi rin ito maaaring kainin pa ni Alfredo at ayaw ipamigay ng mag-asawang Salazar. Hindi makatulog si Alfredo kung kaya't pinili niyang maupo. Makirot pa ang kanyang sugat ngunit kaya naman niya itong tiisin.
BINABASA MO ANG
Lo Siento, Te Amo (Self-Published under Taralikha)
Historical Fiction"Wattys 2021 Winner in Historical Fiction Category" Si Agnes Salazar y Romero ay ikinasal sa lalaking malabong masuklian ang kaniyang pagmamahal dahil sa matinding galit nito sa pamilyang kaniyang kinabibilangan. Ang kanilang pagsasama ay puno ng l...