[Kabanata 15]
MARAHANG pinupunasan ni Mang Pretonio ang kanyang baril na isang Remington P.43 Spanish Rolling Black Rifle 104.3 cm. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagkakaroon ng baril kung kaya't itinatago niya ito sa ilalim ng lupa ng kanilang imbakan ng bigas.
Matagal nang nabili ni Mang Pretonio ang baril. Bagama't ilang dekada na rin ang lumipas mula nang huli siyang makahawak nito ay tiwala siya sa sarili na madali sa kanya ang tumudla. Ang kanyang ama ay mangangaso, habang ang kanyang ina ang nangangasiwa ng mga gawaing bahay. Siya lang ang nag-iisang anak dahil ilang beses nakunan ang kanyang ina.
Nang siya ay labing-isang taong gulang, namatay ang kanyang ama nang matuklaw ito ng ahas sa gubat. Ang kanyang ina naman ay namatay sa malaria. Nang dahil sa karanasang iyon ay sinikap ni Pretonio na magsaliksik at magtuklas ng mga lunas sa mga sakit. Nanilbihan siya sa isang pari na nagturo sa kanyang bumasa at sumulat.
Sa loob ng ilang taon ay naging katuwang siya sa butikaryo ng simbahan. Nang mamatay ang prayle na kanyang tinuring na ama ay naghanap na siya ng ibang mapapasukan. Natagpuan niya ang bagong butikaryong pagmamay-ari ni Don Asuncion. Namasukan siya roon ngunit ang tanging kailangan ni Don Asuncion ay guardia.
Kung kaya't nanilbihan siyang isa sa mga guardia personal ni Don Asuncion na nagbabantay sa imbakan nito at sa butikaryo. Hindi nagtagal ay nakapasok din siya na katulong sa butikaryo ngunit ilang buwan lang iyon dahil sa isang pangyayari na naging dahilan ng kanyang pagtakas.
Muling pinunasan ni Mang Pretonio ang baril bago niya ito ilagay sa lagayan. Hindi mawala sa kanyang isipan ang natunghayan kanina nang makita niyang sinabayan ni Alfredo pauwi sina Agnes at Selio.
"Itay" wika ni Selio sabay bukas ng pinto. Agad isinara ni Mang Pretonio ang lagayan ng baril. "Hindi ba't ilang beses na kitang pinaaalalahanan na kumatok ka muna" seryosong saad ni Mang Pretonio sa anak. Nag-aalala siya na baka nakita nito ang baril ngunit base sa mukha ni Selio ay hindi nito nalalaman kung ano ang nasa loob ng parisukat na lagayan.
Napakamot sa ulo si Selio, "Patawad po, itay" wika nito sabay tingin sa lagayan. "Nakahain na po ang pagkain" patuloy niya, nakaramdam siya ng kuryosidad kung ano ang kahoy na parisukat na iyon na ngayon niya lang nakita.
"O'siya, susunod na ako" tugon ni Mang Pretonio. Akmang isasara na ni Selio ang pinto ngunit napatigil ito nang magsalita muli si Mang Pretonio. "Siya nga pala... Bakit kasama niyo kanina si Señor Alfredo?"
Napakibit-balikat si Selio, "Nagtataka rin po ako, ama. Sa katunayan ay inalok niya pa kami na ihahatid niya kami lulan ng kanyang kalesa" pinagmasdang mabuti ni Mang Pretonio ang anak, bakas sa mukha nito ang walang kamuwangan at paghihinala.
"Marahil ay nais niya pong pakitaan kami ng kabutihan upang hindi sumama ang loob namin ni ate Liliana kung ipagbibili niyo ang lupang ito" dagdag ni Selio na tila may iniisip pang malalim. Tumingin muna siya sa kusina kung saan naroon si Agnes na abala sa pagsasalin ng tubig sa mga baso.
Muling ibinaling ni Selio ang paningin sa ama saka mahinang nagsalita, "May kakaiba rin po pala sa kilos ni Señor Alfredo, ama" hindi malaman ni Mang Pretonio kung bakit siya kinabahan. "Tinanong po ni Señor Alfredo si ate Liliana kung nakagawian na namin maglakad lagi pauwi mula pagkabata" hindi nakapagsalita si Mang Pretonio. Batid niyang imposibleng makalimutan nga ni Alfredo ang dating asawa. Hindi magtatagal ay malalaman nitong walang alaala si Agnes sa kanyang pagkabata.
Kinabukasan, hindi pa sumisikat ang araw ay nagtungo na si Mang Pretonio sa bayan bitbit ang sisidlan ng kanyang baril. Dala rin niya ang kontrata na kanyang nilagdaan upang ipagbili na ang kanilang lupain. Ipinahanda na rin ni Mang Pretonio ang lahat ng kanilang kagamitan kay Selio. Mamayang tanghali ay babyahe na sila patungo sa Siam.
BINABASA MO ANG
Lo Siento, Te Amo (To be Published under Taralikha)
Ficción histórica"Wattys 2021 Winner in Historical Fiction Category" Si Agnes Salazar y Romero ay ikinasal sa lalaking malabong masuklian ang kaniyang pagmamahal dahil sa matinding galit nito sa pamilyang kaniyang kinabibilangan. Ang kanilang pagsasama ay puno ng l...