[Kabanata 10]
MALALIM ang isip ni Alfredo habang nakasakay sa kalesa pabalik sa bahay-panuluyan na kanyang tinutuluyan. Kakagaling lang niya sa lupang nais bilhin ng kanyang ama at nakausap niya ang may ari nito na si Mang Pretonio.
Naglalaro sa kanyang isipan ang katotohanang anak ng manggagamot na iyon ang babaeng kahawig ni Agnes. Naalala niya ang pangalang sinabi nito nang una silang magkita. Tumingin si Alfredo sa kutsero na nasa unahan ng kalesa. "Mang Lucio, dumaan ho tayo sa munisipyo" wika ni Alfredo na agad tinanguan ng kutsero.
Ang ayuntamiento ay matatagpuan sa bayan. Ito ay malapit sa simbahan at liwasan. Inilibot ni Alfredo ang kanyang paningin sa loob ng munispiyo. Tahimik ang paligid, abala ang lahat sa kani-kanilang trabaho.
Natanaw ni Alfredo ang ilang mga kalalakihan at kababaihan na pababa sa hagdan. Nakilala niya si Doña Lara na isa sa mga babae habang kasabay nitong bumaba ang isang lalaki na may edad na at panot ang ulo.
Napangiti si Doña Lara nang makita si Alfredo, may ibinulong ito sa lalaking kasama dahilan upang mapatingin ito sa kanya. Agad nagbigay-galang si Alfredo gaya ng ibang mga empleyado na naroon na bumati sa gobernadorcillo.
"Magandang umaga, nagagalak akong makilala ka, Alfredo. Naikwento sa akin ni Lara na bumisita ka raw sa aming tahanan upang makausap ang aking pamangkin. Ipagpaumanhin mo sapagkat nakaalis na si Mateo patungo sa Maynila sa kadahilanang may kailangan daw siyang bisitahin doon" wika ni Don Dario habang nakangiti.
"Sa Maynila ko na lang ho kakausapin ang inyong pamangkin. Maraming salamat ho sa inyong mainit na pagtanggap" tugon ni Alfredo saka yumukod muli habang nakatapat ang sumbrero sa kanyang dibdib.
"Aking hindi akalain na kay gandang lalaki pala ng panganay ni Asuncion. Marahil ay hindi niyo na naaalala ngunit dati kong kasamahan ang iyong ama sa lupon ng minahan. Madalas kang isama noon ng iyong ama sa mga pagtitipon" paliwanag ng gobernadorcillo. Sandaling hindi nakasagot si Alfredo, ang alaala ni Gabriel at ang pagkamatay nito ay sumusugat pa sa kanyang puso. Sa kaniyang isip ay marahil si Gabriel din ang nasilayan nito noon.
"Tiyak na hindi na ako maaalala ni Asuncion sa oras na magkita kami muli, dalawang beses lang kami nagkasama sa pulong at pagtitipon noon" dagdag ni Don Dario sabay tawa. "Siya nga pala, ano ang maitutulong namin sa 'yo, hijo?" tanong ni Doña Lara nang mapansin na napatulala lang sa sahig si Alfredo.
Natauhan si Alfredo sa tanong ng Doña, "Nais ko pong makausap kayo Don Dario ukol sa isang bagay" nagkatinginan ang mag-asawa. Naunawaan naman ni Doña Lara na may nais sabihin si Alfredo sa kanyang asawa kung kaya't ngumiti na lang siya at nagpaalam na sa kanila. Ngunit bago siya lumabas ay muli niyang nilingon si Alfredo, nangangamba siya na napagtanto na nito na nagsinunggaling siya tungkol sa nangyari sa hardin kasama ang paborito niyang si Agnes.
Dinala ni Don Dario si Alfredo sa kanyang opisina. Hinandugan niya rin ito ng kape. "Ano ang maitutulong ko sa iyo, hijo?" panimula ng Don habang komportable nakaupo sa kanyang malambot na silya.
"Nais ko sanang humingi ng pabor. Ibig ko pong mahingi ang impormasyon ng pagkakakilanlan ng pamilyang kasalukuyang nagmamay-ari ng lupang nais bilhin ni ama"
"Ibig magtayo ng negosyo ng iyong ama dito sa aming bayan? Aba! Magandang balita iyan" ngiti ng Don sabay inom ng kape. Ang pagpasok ng mga kalakal at pagtatayo ng mga negosyo ay kanyang sinusportahan dahil isa iyon sa mga senyales na umuunlad na ang isang bayan.
"O'siya, ipagbibigay-alam ko sa aking sekretarya ang iyong kahilingan. Huwag nga lang makalabas sa iba na makukuha mo ang impormasyon ng pagkakakilanlan ng mga mamamayan dito. Aking nauunawaan ang iyong pakay lalo pa't matigas ang ulo ng ibang mga may ari ng lupa rito. Ngunit kung sa ikauunlad naman ng bayan, ako'y nagagalak na maging kaisa ang inyong mga kabuhayan dito sa amin" ngiti ng gobernadorcillo sabay tawa.
BINABASA MO ANG
Lo Siento, Te Amo (To be Published under Taralikha)
Historical Fiction"Wattys 2021 Winner in Historical Fiction Category" Si Agnes Salazar y Romero ay ikinasal sa lalaking malabong masuklian ang kaniyang pagmamahal dahil sa matinding galit nito sa pamilyang kaniyang kinabibilangan. Ang kanilang pagsasama ay puno ng l...