[Kabanata 13]
NANG buksan ni Mateo ang silid kung saan namamalagi ang mga doktor ay naabutan niya roon si Teodoro. Nakaharap ito sa salamin habang inaayos ang suot niyang tsaleko. "Wala pala ako sa Lunes, uuwi ako ng Kawit ngayon. Sa Lunes ng hapon pa ang aking balik" wika ni Teodoro saka sandaling sinulyapan ang kaibigan.
Kinuha ni Teodoro ang kanyang sumbrero na nakapatong sa mesa, isinuot iyon at muling humarap sa salamin. "Maaaring sa aking pagbabalik ay may binibini na akong ipapakilala sa inyo ni Fernando. Sadyang mapilit si ama na ako ay mag-asawa na, may anak na dalaga ang kanyang dating kaibigan na nasa Kawit ngayon" patuloy ni Teodoro habang abala pa rin sa pagtingin sa salamin.
Nang makuntento na siya sa kanyang bihis ay kinuha na ang kanyang maleta at naglakad patungo sa pintuan ngunit napatigil siya nang mapansing tulala si Mateo, bahagyang nakayuko ito. Lumapit siya sa kaibigan saka pinagmasdan nang mabuti ang hitsura nito. "Masama ba ang iyong pakiramdam?" tanong ni Teodoro.
Hindi umimik si Mateo. Nagugulumihanan siya kung dapat ba niyang sabihin kay Teodoro na kasama niya ngayon ang babaeng kahawig ni Agnes. Ano kaya ang magiging reaksyon nito sa oras na makita ang babae? Tulad niya ay magbabalik din ba muli ang masasasakit na alaala ng trahedya na nangyari kay Agnes?
Sinubukang magsalita ni Mateo ngunit tinapik siya ni Teodoro sa balikat. "Iyo nang tigilan ang pag-inom ng mga pampatulog. Ikaw ay masasanay ay dedepende sa mga gamot na iyan"
"Sa oras na ako'y mag-asawa na, tiyak na ikaw na ang susunod na hahanapan ng magiging kabiyak. Kapag may nakilala ka ng babae na magiging kapalagayan mo ng loob ay ipaalam mo na agad sa iyong mga magulang sapagkat nasasayang ang panahon" patuloy ni Teodoro saka ngumiti nang bahagya sa kaibigan. Tinapik niya muli ang balikat nito at binuksan ang pinto.
Akmang lalabas na si Teodoro ngunit napatigil siya nang magsalita si Mateo, "Paano... Paano kung mayroon na akong napupusuang babae?" tanong ni Mateo, lumingon sa kanya si Teodoro saka ngumiti nang malaki.
"Ikaw ay walang ibinabahagi sa amin ni Fernando, sadyang malihim ka ngang tunay" ngisi nito saka tinuro ang kaibigan, "Bueno, ipakilala mo siya sa amin pagkabalik ko sa Lunes" ngiti nito bago tuluyang umalis.
Sumunod si Mateo sa labas ng silid-tanggapan ngunit napatigil siya nang matanaw si Agnes na nakasuot ng pulang balabal, nakatayo sa tanggapan habang kausap ang isang nangangasiwa roon. Matapos ang ilang tango ay yumukod ito sa kausap bago umakyat sa ikalawang palapag ng ospital.
Sinundan ni mateo ng tingin si Agnes at nag-desisyon na susundan niya ito sa itaas. Paakyat na siya ng hagdan nang makasabay si Emma. Napatigil si Emma at tumingin sa kanya, may suot itong puting balabal. Yumukod upang magbigay-galang sa kakilala.
Akmang hahakbang na sa baytang si Emma ngunit nagsalita si Mateo, "Ano ang iyong layunin? Bakit mo binasa ang mga liham ni Agnes?" ilang segundo ang lumipas bago lumingon sa kanya si Emma. Kumpara noong nagkausap sila ay wala ng bakas ng pagkagulat sa mukha ni Emma ngayon.
"Gaya nga ng aking sinabi ay hindi ko sinasadyang matagpuan ang mga liham na iyon sa kanyang silid" paliwanag ni Emma, matamlay at tila wala itong gana makipag-usap kaninuman.
Magsasalita pa sana si Mateo ngunit nagpatuloy si Emma, "Kung wala naman kayong tinatago ay hindi kayo dapat mangamba" napakunot ang noo ni Mateo sa sinabi ni Emma, hindi siya makapaniwala na kay Emma pa manggagaling ang salitang iyon.
"Tila ikaw ay nakaranas ng matinding pangamba noong naglilihim kayo ni Alfredo" bulalas ni Mateo, hindi nagsalita si Emma, animo'y sanay na siyang marinig ang mga salitang iyon. Hindi na bago sa kanya ang mga pasaring, tingin at bulungan ng mga tao sa tuwing nakikita siya.
BINABASA MO ANG
Lo Siento, Te Amo (Self-Published under Taralikha)
Historical Fiction"Wattys 2021 Winner in Historical Fiction Category" Si Agnes Salazar y Romero ay ikinasal sa lalaking malabong masuklian ang kaniyang pagmamahal dahil sa matinding galit nito sa pamilyang kaniyang kinabibilangan. Ang kanilang pagsasama ay puno ng l...