I: HOME

94 11 0
                                    

***

Seph

Unknown

Nagmistulang tilaok ng tandang ang hampas ng mga alon. Isang ingay na siyang gumising sa akin mula sa mahimbing kong pagkakatulog. Hinimas din ako ng malamig at mamasa-masang hangin, na hula ko ay mula sa karagatan. Nagtataka sa lokasiyon na kinaroroonan ko, dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko. Pero agad ko din itong ipinikit dala ng sakit ng sinag ng araw.

Nagpatuloy ako. Ngayon, may tulong na ng kamay ko bilang panangga sa nakakasilaw na sinag ng araw. Panay pa rin ang pagbuka-sarado ng takipmata ko, dahil masyado pa ring maliwanag ang paligid para sa bagong gising kong paningin. Pero hindi rin ito nagtagal, at kalaunan ay nagawa ko nang imulat ito nang hindi naaapektuhan ng liwanag.

Unang sumalubong sa akin ang maaliwalas na kalangitan — bughawing kalawakan, abuhing mga ulap, at gintuing araw. Sunod kong tiningnan ang magkabilang gilid ko, na napag-alaman kong mga pinong buhangin. Ngayon ko lang napagtanto na nakahiga ako sa buhanginan. Umupo na ako, bago pa kumati ang likod ko.

Nang makaupo ako, bumungad sa akin ang asul na karagatan. Kalmado ito at kumikinang dala ng sikat ng araw. Malinaw din ito na halos makita ko na ang mga isdang lumalangoy dito kahit sa malayuan. Parang gusto kong maligo, para matanggal ang buhangin na nakakapit sa katawan ko.

Pero biglang may sumagi sa utak ko, dahilan para lingunin ko ang kabuuan ng lugar. Hinagilap ko ang bawat sulok at bawat distansiya na abot ng paningin ko. Maigi kong inobserbahan ang mga anino na likha ng mga kahoy at mga halaman mula sa gubat na nasa likod ko. Pero wala. Wala akong makitang ibang tao, maliban sa sarili ko.

Hindi kaya— Hind ko na tinuloy ang ideya na ‘yon dahil hindi kaya ng konsensiya ko. Panay pa naman ang pagdilang-anghel ko, baka magkatotoo pa. Tama. Hindi ito totoo. Panaginip lang ‘to. Panaginip lang ‘to. Paulit-ulit kong binulong ang mga katagang iyon sa kukuti ko, para kombinsihin ito na ang nangyayari ngayon ay likha lang ng natutulog kong kamalayan.

Tumayo na ako, habang binubulong pa rin ang parehong kataga na kanina ko pa inulit-ulit sa utak ko. Panay ang pagbuntong-hininga ko, para pakalmahin ang sarili na hindi ko alam kung bakit natataranta. Siguro dahil ramdam ko na hindi magiging maganda ang panaginip na ‘to? Ewan, pero hindi ito nagugustuhan ng katawan ko.

Muli kong tiningnan ang lugar kung nasaan ako ngayon, at nalaman kong nasa Eden pala ako. Kaya pamilyar sa akin ang ayos ng lugar at ang gubat na nasa likod ko, dahil dito ako mismo bumagsak pagkatapos mahiwalay sa mga kaibigan ko nang atakehin kami ng mga anathemas. Dito rin ako tinira ni Ahro ng blow dart na may lason, dahilan para mawalan ako ng malay.

Panaginip lang ba talaga ‘to? Baka ito ang reyalidad at ‘yong nangyari — pagkabilanggo ko sa Eden, si Ms. Uriel, sina Ahro, Eman, at Gregor, ang pagtulong ko kay Feles, ang paglalakbay namin papunta sa Nath, ang Gabi ng Buhay sa Acifra, ang pagligtas ko sa mga kaibigan ko, ang pag-atake ng Retrieval Tropes, ang pagsulong namin sa pugad ng kalaban, ang Moderators. Hindi kaya, panaginip lang iyon? Si Ri—

“Seph!” tawag sa akin ng isang pamilyar na boses, na kasin-bilis ng kidlat kong nilingon. Halos mawalan ako ng lakas dala ng tuwa nang makita ko ang maaliwalas na mukha ni Ria habang kumakaway sa akin, ilang metro mula sa kinatatayuan ko. Mas lumapad pa ang ngiti niya, habang inuugay ng hangin ang buhok at damit niya.

Mabilis ko siyang nilapitan para alamin kung totoo ba siya o isang kal…kal…kaluluwa nalang. Pero masyadong totoo ang nangyayari, kaya imposibleng likha lang ito ng mapaglaro kong utak. Nagpatuloy ako sa paglalakad, at bawat hakbang ay ang pagbilis ng kilos ko. Mas bumilis pa ito, hanggang sa mapatakbo na ako. Ramdam ko ang paglubog ng paa ko sa buhangin sa tuwing tinatapakan ko ang mga ito. Muntik na nga akong mawalan ng balanse, pero nakuha ko rin ito agad.

The Terminus of the League (BL Fantasy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon