II: THE ALPHA OF THE OMEGA

80 10 0
                                    

***

Seph

Sacred Cross Academy, Ward, Kitchen

Hindi ko akalain na masasaksihan ko ulit ang tanawing ito — mga abalang tao na suot ang iba’t-ibang klase ng ngiti habang ginagawa ang mga trabaho nila. Wala nang pag-aaalala sa mga mukha nila. Walang kaba o takot para sa hinaharap. Dahil tapos na ang lahat. Tapos na ang masalimuot at masasamang araw ng Moderators. Wala nang magpapahamak sa buong Thera, at tuluyan nang babalik sa dating ayos ang lahat.

“Pakikuha ng asin, mahal,” pakiusap ni Serio sa asawa, habang nakatuon pa rin ang sarili sa hinahalo niyang pagkain. Mabilis namang kinuha ni Tesa ang isang mangkok ng asin, at saka inilahad sa abala niyang asawa. “Salamat.” Binudburan ni Serio ang niluluto niya ng asin, at saka muling hinalo.

Nagmistulang pabango ang amoy ng putahe. Isang amoy na isang buwan kong hindi nalanghap dahil sa kawalan ng malay dala ng sobrang paggamit ko sa mahika. Musika naman ang nilikha ng mga nagsasalpukang kutsilyo sa tadtaran, kalaskas ng sandok sa kawali, at mga nagkekwentuhan at nagtatawanang mga boses. Hindi rin nagpahuli ang paglalaro ni Lilie at Holi.

Naghahanda ang lahat para sa nalalapit na piging — isang pagdiriwang para sa paggising ko mula sa pagkakatulog nang isang buwan, at para sa pagkatalo ng Moderators. Pero kahit anong kumbinsi ko na ayos na ang lahat, bigo ko pa ring tanggalin ang pangungulila at pagluluksa para kay Ria, at dahil dito, medyo nainis ako para sa piging. Pero hindi ko naman sila mapipigilan at masisisi. Magkahalong saya at lungkot ang paikot-ikot sa loob ng katawan ko, na siyang nagpahilo sa akin.

“Ayos ka lang, Seph?” tanong ni Mama na napatigil mula sa paghihiwa ng mga gulay. “Masama ba ang pakiramdam mo?” Napansin niya siguro ang kondisiyon ko.

Napailing ako. “Ayos lang. Medyo nahilo lang,” pagtatapat ko na ikinabahala ni Mama.

“Ako na dito,” mungkahi niya. “Maupo ka muna doon at magpahinga.”

Napailing ulit ako. “Ayos lang talaga ako, Ma. Nawala naman agad,” ngiting kumbinsi ko at saka nagpatuloy sa paghihiwa. Nakatitig pa rin sa akin si Mama, at kahit hindi ko kita ang mukha niya, alam kong nag-aalala siya.

Hanggang ngayon palaisipan pa rin sa akin ang dahilan kung bakit nanatili sila Mama na alagaan ako, sa kabila ng pinakita ko sa kanila noon sa hermitage at sa pagkakakilanlan ko. Noong una hinala ko na nagpapanggap lang sila na malapit sa akin, pero habang tumatagal, napapansin ko na totoo ang pinapakita nila — na hindi sila takot sa kung ano at sino man ako. Na para bang gusto nilang sabihin na kahit sino o ano pa man ako, ako pa rin ang anak nila at aalagaan ako habang nabubuhay pa sila.

Kausap ngayon ni Papa sina Dr. Sympha, Dr. Cunnie, at Dr. Owle. Nalaman na din ng tatlo ang totoong pagkatao ni Dr— ni Gabriel na bahagya nilang ikinagulat. May hinala na rin daw kasi sila na naiiba si Gabriel sa kanila, lalo na pagdating sa pagpapalabas ng mahika. Kagaya ko, napapansin din raw nila na hindi nagta-transcribe si Gabriel. Alam din nila na isa ako sa Divine Creatures na siyang ikinamangha at ikinasabik ni Dr. Owle. Akala niya raw kasi isang alamat lang ang tungkol sa amin.

Ayon sa alamat na ibinahagi ni Dr. Owle, pinaniniwalaan na ang mga Divine Creature ay may kakayahang wasakin ang Thera ayon sa gusto nila…namin. Isang nakakatakot na impormasiyon, pero magandang balita din. Dahil kung kaya naming wasakin ang isang mundo, ibig sabihin kaya rin naming iligtas ang Thera. Pero para magawa ang napakalakas na mahika na ‘yon, kailangan naming pagsamahin ang mga lakas namin. Pinaniwalaan ni Dr. Owle na isa itong ritwal na kami lang ang may kayang gumawa.

Kasalukuyan namang hinahanda at inaayos nina Amer, Nyra, at Sirsa ang mesa. Masasabi kong magiging marami ang bisita dahil sa dami ng kubyertos na nakahanda dito. Nagtaka ako kung sino-sino ang mga inimbita, pero sumuko na rin ako nang wala akong maisip na pangalan. Ang tanging sumagi lang sa isip ko ay si Tofer.

The Terminus of the League (BL Fantasy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon