***
Seph
Jerus, Somewhere inside an unknown forest
Hindi ko inasahan ang paglipat namin dito sa isang di-kilalang gubat. Palaisipan sa akin ang salarin na may gawa ng paglilipat sa amin ni Death. Gayunpaman, wala na kaming oras para alamin pa iyon. Malalaman lang namin ito, kapag isa sa amin ang maiiwang panalo.
Tahimik na kalaban si Death. Kaparehas niya ang personalidad ni Sirsa — walang emosiyong makikita sa mukha na parang isang baluting walang laman. Pero kung gaano kakalmado at payapa ang tindig ni Death, ganoon din kabagsik at nakakatakot ang mga opensa niya. Hanggang ngayon, parehong galamay pa rin ang pinapadala niya sa akin. At sa ilang beses na ginamit niya ito, nagawa ko itong pag-aralan at suriin.
Una, lahat ng nahahawakan o natatamaan ng dalawang abuhing galamay niya ay agad namamatay. Sa loob lamang ng ilang segundo, babawian ang isang nilalang, katulad nalang sa mga insekto na walang buhay nang nakahandusay malapit sa kinaroroonan niya. Pagkalanta, at pagkatuyo naman ang natanggap ng mga halaman, na aksidenteng natatamaan ng galamay niya.
Pangalawa, naglalaho lang ito kapag sinalubong ng mahika o pinigilan gamit ang isang panangga.
At pangatlo, lumilitaw lang muli sila, kapag silang dalawa mismo ang naglaho. Sa ibang salita, mananatili mag-isa ang galamay kapag nagawang kalabanin ang isa. Maghihintay muna si Death na mawala ang dalawa, bago siya makapagpalabas ulit.
Pero sa kabila ng natutunan ko mula sa galamay niya, bigo ko pa rin siyang masaktan o mataan. Dahil hindi lang ang galamay ang ipinagmamalaki niya, kundi pati rin ang kanyang angking galing sa paggamit ng kanyang sandata. Sa sobrag bihasa niya dito, ay nagmistula itong parte ng katawan niya.
Sa kanilang apat, kay Death ako mas nag-aalala. Kanina lang ay napadasal ako na sana hindi siya ang nakalaban ko. Pero napagtanto ko na naaayon sa plano ang lahat. Dahil maliban sa katotohanan na may koneksiyon kami ni Death sa isa’t-isa, partikular sa kamatayan, ay may nararamdaman akong kumpyansa na lamang ako sa kanya. Kailangan ko lang maging maingat at matinik, para maisahan siya.
Napahinto ako sa pagmuni-muni nang mahagip ng mga mata ko ang dalawang abuhing galamay na unti-unting lumaki sa likuran ni Death. Bitbit pa rin nito ang pakiramdaman na nagpadala sa akin ng kilabot at takot. Ganitong-ganito ang nararamdaman ko sa tuwing nilalabas muli ni Death ang mga ito. Pakiramdam ko kasi hindi ko na ito maiiwasan.
Narating ng mga galamay ang hangganang laki nito. Lampas ulo ni Death ang haba nito, habang magkasintaba ang mga ito sa hita ko. Matulis ang dulo nito, na hula ko ay kayang tumagos sa katawan ko, kapag ginusto niya — isang atake na muntik ko nang matanggap kanina.
Hinanda ko na ang sarili ko, sa hindi mabilang na pagkakataon. Alam kong lagi akong handa, pero sa tuwing galamay na niya ang pinag-uusapan mas napapahanda ako. Kailangan ko itong ilagan kahit anong mangyari. Kahit daplis ay dapat walang mangyari, dahil sigurado akong magiging dambuhala ang epekto nito.
Nangyari nga ang inasahan ko. Unang lumusob ang kanang-galamay na nagmistulang ahas sa paningin ko. Aktong tutuklawin na sana niya ako, nang magawa kong makailag. Agad ko itong pinatamaan ng mahika, na siyang nagpalaho dito. Pero hindi pa ito ang katapusan dahil may isa pa.
Sumunod ang kaliwang-galamay na sumulong sa akin na parang isang gutom na sawa. Dahil nag-iisa lang siya, mas lumiksi ang kilos niya. Isa din ito sa natutunan ko: lumiliksi ang kilos ng natira, dahil napupunta na sa kanya ang lahat ng atensiyon at enerhiya ni Death. Dahil dito, hindi ako nakatiyempong patamaan ito, kaya nagmistulang patintero ang laban.
BINABASA MO ANG
The Terminus of the League (BL Fantasy)
FantasíaAbout the Book Tagumpay mang mailigtas ang Rebellion mula sa pagkukulong, bigo namang mailigtas ni Seph ang kaibigan niyang si Ria. Nagising mula sa pagkakatulog ng isang buwan, inakala ni Seph na panaginip lang ang lahat. Hindi inakala ni Seph na m...