1st

27.6K 1K 197
                                    

Dilaw



"Highest mark, Sadava." nilahad ng Propesor sa ere ang papel ko.


Tumayo ako at nagtungo sa unahan para kunin ang ginuhit. May pulang tintang nakamarka sa taas. 94. Iyon ang nakalagay at nakabilog sa kanang sulok.


"Paghandaan ang reporting para sa susunod na meeting. Class dismissed," lumikha pa ng tunog ang makapal na rim ng papel na dinampot niya sa lamesa bago umalis.


Mabilis na nagtayuan ang mga kaklase ko. Pinasok ko sa tote bag ang ilang gamit sa desk bago sinukbit sa balikat. Hawak ko pa rin ang sinauling output habang naglalakad palabas ng silid.


Prayoridad ko ang major subjects sa Nursing pero kahit GE lamang ang PhilArts ay malaking bagay pa rin ang mataas na marka. 3 units din kasi kaya't malakas din ang hatak.


Binabasa ko ang kumento ng guro sa drawing ko nang may biglang humablot ng papel.


Umangat ang tingin ko at naabutan ang isang pamilyar na babae. Nakilala ko siya bilang kaklase ko sa subject na 'to. Namumukhaan ko ngunit hindi ko alam ang pangalan. Hindi naman kasi ako nakikihalubilo sa mga kamag-aral. Wala rin akong panahon para tandaan ang mga pangalan nila tuwing tinatawag ng guro. Bukod sa walang oras para makipagkaibigan ay iba rin ang lebel sakin ng mga estudyante rito.


Ang tanging naaalala ko lang sa kanya ay ang kanyang aktibong partisipasyon sa klase. Madalas sumagot at makakuha ng pinakamataas na puntos.


Umarko ang kilay niya habang pinagkukumpara ang gawa namin.


"Mas maganda yung akin," anas niya.


Lumibot sa kaniya ang tingin ko. Halatang mamahalin ang suot na clip sa buhok. Maganda at makinis ang kutis. Mayaman. Nasanay na kong obserbahan ang estado sa lipunan ng bawat taong nakakaharap ko. Sa dami ng mga nakakasalamuha ay matagal ko nang napagtanto na una pa lang ay mahalaga nang malaman at ihanda ang sarili sa kung gaano sila kataas.


Lumipat sakin ang mata niya.


"What Uni Pin did you use?" tinapunan niya ko ng tingin.


Ikalawang linggo pa lang sa second sem ng unang taon ko sa kolehiyo ay may ganitong engkwentro na agad. Huli sa mga nais ko ang pag-initan ng isang anak mayaman.


Pinanatili kong tuwid ang pag-iisip.


"Lapis lang ang ginamit ko," saad ko.


Kumunot ang noo niya.


"Which brand?"


Bumaling ako sa bag at binuka iyon para dukutin ang kulay dilaw na panulat sa loob.


"Ito," lahad ko sa kaniya.


Bumagsak ang tingin niya roon at agad na lumukot ang mukha. Bakas ang animo'y disgusto sa ekspresyon.


Binalik niya sakin ang papel ko.


"Nevermind," aniya at tila nandidiring pumihit para iwan ako.


Nakahinga ako nang maluwag. Gumaan ang loob dahil nakaligtas sa anumang hidwaan.


Nang sumapit ang break ay sa grove ako kumain. Mahal ang mga pagkain sa cafeteria ng eskwelahang ito kaya't ang dalawang itlog na nilaga ko sa bahay ang pinagtiyagaan ko sa ilalim ng lilim ng puno.


EternityTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon