ERYX BURR
Sa tanang buhay ko, naniniwala ako sa isang pangako at pag-ibig na wagas. Nagsimula akong magtiwala sa dalawang salitang iyon noong makilala ko si Liwanag.
Madilim ang buhay ko nu'ng nakilala ko siya. Simula noon, naniwala na ako sa pangako ng pag-asang may mabuting patutunguhan ang aming pagkakaibigan. Matapos ang pangakong iyon, lubusan na siyang hinimig ng puso ko.
Maraming beses na niya akong iniwan pero naniniwala ako sa madalas niyang pangako na hinding-hindi ako iiwan. Sana ngayong kaluluwa na lamang ako, magkatotoo ang paniniwala kong iyon sa kanyang pangako.
Chanel, Liwanag ko, hihintayin kita, hanggang sa labi ng langit.
Nasa kalagitnaan ako ng pag-iisip sa maraming bagay nang biglang sumagi sa aking diwa si Aki. Ilang araw na ba siyang hindi nagpapakita sa amin? Sa tatlong araw na hindi siya nagbalik, hinanap niya kaya si Chanel? Tumupad kaya siya sa aming kasunduan dahil ako'y tumutupad. Hindi ko pa lang mabibigay sa kanya ang kasagutan. Kaunting kilos pa, bago ko iyon mapagtagumpayan.
Aki. Aki. Isang magandang pangalan na pag-aari naman talaga ng napakagandang binibini.
Hindi ko ikinukumpara ang taglay niyang kagandahan kay Chanel, sadyang iyon lang ang totoo base sa nakita ko.
Ang mukha niya'y hinugis sa perpektong anggulo. Mahaba ang pilantik ng mga pilikmata, ang kulay ng mga mata ay pinaghalong itim at kayumanggi, matangos ang pinong ilong, mga labi'y manipis ngunit malambot at mapula. Ang kabuuan ng ganda niya para sa akin ay nasa porsyento ng isandaang tumpak.
No'ng una ko siyang makita ay may kaagad akong naramdaman na hindi ko mawari kung ano. Ngayong nakikita ko siyang muli ay ganoon pa rin. Bakit kaya?
Kahit noong nakikita ko lang siya sa may bintana ng bahay ni Aling Marga at noong nagkausap sila ni Mang Gusting ay may dalang epekto ang presensya niya sa akin. Siguro'y dala lamang iyon ng naging koneksyon ko sa kanyang Lola.
Si Aling Marga ay matagal na naming kapitbahay at minsan ay naging malapit na kaibigan ng aking Ina. Noong pitong taong gulang ako, doon na lumabo ang pagkakaibigan nila ng Ina ko sa dahilang hindi ko nalaman. Subalit, nanatili siya sa pagiging kapitbahay namin. Matapos iyon ay wala na akong narinig o nalaman tungkol kay Aling Marga o sino pang iba niyang mga kapamilya.
May isa pa akong tiyak noon, may lihim silang pagtingin ni Mang Gusting sa isa't isa! Hindi ko lang alam kung naging sila ba.
Madalas kasi noong bukambibig ni Mang Gusting si Aling Marga at may kilig sa bawat pagbigkas niya sa pangalan ni Aling Marga.
Muling nasundan ang koneksyon ko kay Aling Marga nang mismong siya ang lumapit sa akin para tulungan ako.
Ngayo'y muli kong binalikan ang nangyari labing-isang taon na ang nakararaan at labing-apat ang aking gulang...........
"Mang Gusting, apat na taon na akong mag-isa simula no'ng pumanaw ang mga magulang ko. Maari mo ba akong tulungang mahanap ang babaeng matagal ko nang iniibig? Ikaw ang maging mga mata ko, Mang Gusting," pagmamakaawa ko kay Mang Gusting habang umiiyak.
"Iho, anong aking maitutulong?" kaagad na wika ni Mang Gusting.
"Libutin mo ang baryo o kahit saang lugar at ipagtanong ang babaeng Liwanag ang aking palayaw sa kanya. Subukan mong ipaliwanag na siya'y pinahahanap ni Sikat. Sa mga tawagan naming iyon, tiyak kong maaalala niya ako.... Pakiusap, Mang Gusting..."
BINABASA MO ANG
Ghosting
Mystery / ThrillerTakot ka bang ma-ghosting, lalo na ng taong pinangakuan ka ng kasiguraduhan? Kinaiinisan ni Aki ang mga taong nanggo-ghosting sa kanya. Akala niya, wala nang taong mananatili sa buhay niya. Nang mamatay ang Lola niya ay umuwi siya sa lugar nito kung...