AKI
Maaliwalas ang aking pagsalubong sa bagong umaga sapagkat pagkarating ko kahapon dito sa bahay ni Lola, kaagad na akong nakatulog.
Ang maganda pang balita ay hindi ako dinalaw ng masamang panaginip. Naisip ko tuloy na baka kapag narito ako, hindi ako dadalawin ng masamang panaginip. Kapag malayo naman ako rito, dinadalaw ako ng panaginip na iyon at mga kababalaghang nakikita ko.
Bumangon na ako dahil balak ko nga palang maglinis. Pansamantala muna akong mananatili rito sa bahay ni Lola. Kahapon nga'y nagulat ang ilang mga tao nang makita ako at nag-alalang baka raw may masamang mangyari sa'kin. Ngunit alam ko sa puso ko na hindi ako pababayaan ng Diyos at ni Lola. Saka lang ako mapapanatag kapag nakuha ko na ang mga kailangan kong kasagutan.
Una kong inayos ang buong ikalawang palapag, lalo na rito sa kwarto ni Lola. Ang mga naiwan niyang gamit tulad ng damit ay inilagay ko sa sako at itinago sa ilalim ng kama. May isa pang kwarto rito sa itaas at iyon ang sunod kong pinasok.
Napansin kong puro mga matatandang kagamitan ang narito sa kwarto at maging ang mga kagamitan ni Lola sa panghuhula ay narito.
Pinulot ko ang mga balat ng kendi ng Snow Bear at inilagay sa trashbin. Nakita ko rin ang bolang crystal ni Lola kaya tinakpan ko iyon ng puting tela.
Winalisan ko ang sahig at sa ilalim ng lamesita kung saan nakapatong ang bolang crystal, may nakita akong kumpol-kumpol na mga papel. Pinulot ko ang tatlong papel saka ko pinasyahang basahin iyon.
Ang unang papel ay may nakalagay na petsang Marso disiotso ngayong taon. Ayon sa sulat ni Lola, "Ang pahiwatig ng pagsapit ng unang taon niyang pagkawala ay maaring katapusan ko o panunumbalik ng pinutol na sumpa."
Napakunot-noo ako sa nabasa. Ano kayang ibig sabihin ng naputol na sumpa? At kung Marso disiotso ng nakaraang taon iyong pagkawala ng taong tinutukoy ni Lola, ibig sabihin, iyon din ang simula ng pagkakaroon ko ng masamang panaginip kasama ang batang lalaki.
Hindi kaya alam ni Lola ang tungkol sa panaginip ko? Pero, hindi na niya ako matutulungan.
"Lola, tulungan niyo po ako," mahina kong wika.
Ang pangalawang papel ay naglalaman ng sulat tungkol sa trabaho ni Lola. Ayon sa kanya, hindi raw madali ang panghuhula pero malaki ang pasasalamat niya sa trabahong iyon dahil natulungan siyang makita ang hinaharap at nailigtas ako.
Teka? Ako? Nailigtas ako ni Lola sa ano, saan, mula kanino?
Muli akong napaisip sa panaginip ko kahapon at naalala iyong nabanggit ni Lola na itim na sumpa.
Hindi kaya ang itim na sumpa na binanggit ni Lola noon ay konektado sa liham niyang tungkol sa naputol na sumpa? Baka, kilala ni Lola ang lalaki sa panaginip ko!
Diyos ko, lalo akong naguguluhan!
Ang huling papel ay naglalaman ng sulat tungkol sa pangungulila niya sa amin ni Mama.
Nalungkot ako sa nabasa subalit napaisip ako kung bakit tiniis ni Lola ang pangungulila sa'min sa halip na papuntahin na lang kami rito noon? Tiyak ko tuloy na may itinatagong liham si Lola. Sana'y makakita pa ako ng mga papel na may sulat niya nang makatulong iyon sa hinaharap kong misteryo.
Namataan ko na rin ang kabang may tali na kulay pula. Ang kaban ay nakapatong sa de-kahoy na upuan at malapit sa bintana.
Binuksan ko na muna ang bintana at nasilaw pa ako sa sikat ng araw.
'Liwanag!'
Nagulat ako nang may naulinigang boses na Liwanag ang inusal. Subalit wala namang ibang tao.
BINABASA MO ANG
Ghosting
Misterio / SuspensoTakot ka bang ma-ghosting, lalo na ng taong pinangakuan ka ng kasiguraduhan? Kinaiinisan ni Aki ang mga taong nanggo-ghosting sa kanya. Akala niya, wala nang taong mananatili sa buhay niya. Nang mamatay ang Lola niya ay umuwi siya sa lugar nito kung...