AKI
Minsan ko nang winika ang halaga ng buhay maging ng kamatayan. Sa tagpong iyon ay tagapakinig ko si Maya. Ngunit ngayon ay wala na siya. Wala na ang matalik kong kaibigan. Hanggang ngayon ay putok pa rin ang dibdib ko dahil sa nangyari.
Muli kong isinubsob sa unan ang mukha nang ulit uli'y tutulo ang aking mga luha. Palaging umuukilkil sa'king isipan ang maamong mukha ni Maya, ang aming pinagsamahan, at mga pangako sa isa't isa.
Nais kong magalit dahit sa nangyari. Una, kinuha sa amin si Lola Marga, si Mang Gusting, at ngayo'y si Maya. Huli, hindi ko alam kung sino ang walang-awang taong gumawa ng krimen. Paano ko pa haharapin ang panibagong bukas kung palagi kong sisisihin ang sarili sa sinapit ng aking kaibigan?
Bakit ganito ang kinahantungan ng lahat?! Bakit?!
Alam kong dinig na dinig nina Mama ang pagtangis ko at hinahayaan lamang siguro ako hanggang sa makahupa ang damdamin.
Dapat ko pa bang ituloy ang lahat? Nangangamba ako sa maaring mangyari. Hindi ko sigurado kung saan at kailan kami ligtas ni Mama. Nakakapanindig balahibo ang mga isiping iyon kaya iwinaglit ko na lamang at nagdasal. 'Diyos ko, ingatan Niyo po kami.'
Pasinghot-singhot akong bumangon at humarap sa salamin. Pinunasan ko ng face napkin ang mga luha sa'king mukha at mata. Napansin kong magang maga iyon ngunit anong magagawa ko?
Pababa na ako ng hagdan nang marinig ang usapan nina Mama at Ahmik. Hindi pa pala siya bumalik sa probinsya. Dapat ay umuwi na siya dahil hindi na ako babalik pa roon. 'Hindi na nga ba? Paano si Eryx? Paano sila?' sunod-sunod kong isip.
Ipinilig ko ang ulo at marahang dumikit sa dingding ng hagdan at nakinig sa kanilang usapan.
"Huwag po kayong mag-alala. Iaalay ko po ang aking buhay matiyak lang na ligtas po si Aki."
Iyon ang narinig kong sabi ni Ahmik. Kahit noon pa man ay sinisigurado niyang ligtas ako. Ngunit dapat ba talaga siyang pagkatiwalaan? Bukod sa inamin niyang siya si Sikat ay wala na akong alam tungkol sa kanya.
"Salamat, iho. Mahal na mahal ko ang aking anak dahil dalawa na lamang kaming magkaramay sa lahat," sagot naman ni Mama.
"Kung pwede po, huwag niyo na pong pabalikin sa probinsya si Aki dahil delikado po. Hindi po natin alam kung ano ang maaring mangyari. Mas ligtas po siya rito," wika ng binata.
Napakunot-noo ako. Base sa dikta ng tono ng pananalita ni Ahmik ay bahid iyon ng pangungutya at pag-aangkin.
Dahil sa sinabing iyon ni Ahmik, nabuhay muli ang nais kong tulungan si Eryx , mahanapan ng hustisya si Maya, at masagot ang mga suliranin ko.
Hindi ko na pinansin sina Mama at Ahmik. Lumabas na ako na sa likod dumaan dahil pupunta akong A&C Broadcasting Company.
Tinahak ko ang daan papunta sa pinagtatrabahuan ko. Tiyak kong hindi kaaya-aya ang ekspresyon ng mukha pero hindi na iyon inalintana. Dire-diretso ako sa opisina at nagulat pa sila nang makita ako.
"Aki? Totoo bang patay na 'yung kaibigan mo?" walang alinlangang tanong ng isa kong katrabaho.
Matalim na tingin ang ipinukol ko sa kanya. Napansin niya yata iyon kaya inilayo na lang ang tingin sa akin. Napapailing pa ako sa isiping 'Talaga ngang may pakpak ang balita at tenga ang lupa.'
Kaagad ko na lang pinuntahan si Ninang at napansin niya rin ako. Napatayo silang bigla at inutusan ang ibang taong naroon na lumabas muna.
"Aki. . . . . . Kumusta na?" tanong niya nang kami nalang ang naririto. Niyakap niya ako. "Na-miss kita, na-miss ka ng kamera mo. Balik ka na, huh?" at kumalas na sa yakap.
BINABASA MO ANG
Ghosting
Misterio / SuspensoTakot ka bang ma-ghosting, lalo na ng taong pinangakuan ka ng kasiguraduhan? Kinaiinisan ni Aki ang mga taong nanggo-ghosting sa kanya. Akala niya, wala nang taong mananatili sa buhay niya. Nang mamatay ang Lola niya ay umuwi siya sa lugar nito kung...