Chapter 18 - Kasinungalingan

7 0 0
                                    

AKI

Kinaladkad ako palabas ng bahay ng babaeng may maikling buhok. Sa pagkakaalala ko'y si Chanel ito, ang Liwanag ni Eryx. Minsan ko nang nakita ang mukha niya sa litratong ipinakita sa akin noon ni Eryx.

Ano kayang dahilan ng kanyang pagbabalik? Mabuti na ring narito siya para matupad ang isa sa mga kahilingan ni Eryx; maisuot niya ang kwentas at muli silang magkausap.

Nalungkot ang bahagi ng aking puso ngunit wala akong karapatan.

Ang totoo ay malapit na ang loob ko kay Eryx kahit noon pa man. Ang kaso lang sa ngayon ay may iba na iyong kahulugan para sa akin.

"Anong binabalak mong gawin sa loob? Magnanakaw ka ba? Hindi pa ba sapat ang pananakot ko sa'yo? Paano mo nabuksan ang silid na iyon? Ano bang pakay mo at narito ka pa rin?" sunod-sunod niyang tanong matapos bitiwan ang kamay kong hawak kanina.

Hindi ko madalumat ang mga tanong niya ngunit kailangan niyang malaman ang totoong pakay ko.

"Chanel, tama? Unang-una, hindi ako magnanakaw. Alam kong hindi mo ako paniniwalaan sakaling sabihin ko sa'yo na kilala ko si Eryx, na nakakausap at nakikita ko ang kaluluwa niya....."

Saglit natigilan si Chanel. Marahil ay nagulat na rin sa narinig.

Sa kalituhan ko ay nagawa pa niyang tumawa.

"Baliw ka ba talaga? Bakit ko paniniwalaan ang isang tulad mo?"

"Nagsasabi ako ng totoo, Chanel. Alam ko ikaw ang Liwanag ni Eryx, diba?"

"Mabuti pa ay lisanin mo na ang lugar na ito..."

"Ngunit totoong narito pa rin si Eryx at hinihintay ka niya," pangungulit ko.

Malakas siyang natawa.

Nagtaka naman ako kung bakit ganu'n ang reaksyon niya. Para bang kahit ni katiting ay walang halaga ang buhay ni Eryx sa kanya. Hindi nga siguro siya ang Liwanag ng binata.

Nilapitan niya ako. "Alam mo kung anong totoo? Una, matagal na kitang sinusubaybayan. Pangalawa, ako ang may pakana ng pananakot sa'yo. Iyong kutsilyong nakatarak sa lamesa at pusang itim na patay, ako ang may gawa nu'n," medyo nanlaki na rin ang mga mata niya.

Natakot ako sa narinig. Naalala ko ang takot na dulot ng mga iyon. Napayakap ako sa sarili at sinalubong ang mga tingin niya.

"B-Bakit? Hindi ba't mabuti kang tao?"

"Mabuti? Sinong may sabi? Baka nga mapatay rin kita ngayon...."

Nagimbal ako sa kanyang tinuran. Ano ba itong kaharap ko? Tao ba 'to o demonyo?

"Ikaw rin bang pumatay kay Eryx?"

Lumihis siya ng tingin. "Paano kung ako nga?"

Napamulagat ako sa narinig at kusang umibis ang mga luha sa mata. Kung bakit ay dahil siguro naaawa ako kay Eryx na niloko lang siya ng babaeng ito.

"Hindi ka nagsasabi ng totoo, Chanel...." Pinipilit kong hindi maniwala sa kanya kasi imposibleng ganu'n kadali umamin ng kasalanan lalo at ganu'n kabigat.

"Pinatay ko siya dahil gusto kong mapasakin ang yaman niya." Muli siyang humarap sa akin. "Umalis ka na rito kung pinapahalagahan mo pa ang buhay mo."

Tumalikod na si Chanel pero hinabol ko pa rin siya at kumapit sa kanyang bisig. Hindi ko dapat sayangin ang pagkakataong narito ang dalaga para matulungan si Eryx.

"Chanel, please..... magsabi ka ng totoo... Kailangan ka ni Eryx."

Tinabig niya ang kamay ko. "Binalaan na kita, babae. Ano mang mangyari sa'yo, pinili mo 'yun. Pakisabi na rin sa Eryx na iyon na hindi ko siya kilala."

GhostingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon