Chapter 4 - Bahay na Pinagmumultuhan

19 4 0
                                    

BINATA

Gaano ba kasarap ang mabuhay? Ano ang katiwasayang dulot ng pakikipagniig sa kalikasan? Gaano nga ba kaganda ang mundo?

Sa umaga ba ay nakakasilaw ang sikat ng araw? Sa gabi ba ay lulan ng buwan ang kariktang simbolo ng kalangitan tulad ng mga tala?

Bawat segundo ba'y tanaw dapat ang mga mukhang hinulma sa iba-ibang wangis?

Ano ang ligayang dulot ng buhay na mga matang bukas ang daan upang matunghayan ang mga iyon?

Buong buhay ko ay bilanggo ako ng kadiliman. Pasan ko ang mga hanging aking naging saklay sa paglalakad. Bawat kapa ko sa kawalang hindi malirip, wala akong maramdaman. Wala akong nakikita dahil ako ay bulag.

Bitbit ko sa bawat paksa ng aking buhay ang mga katanungang hindi ko masagutan. Kung gaano kadilim ang aking mundo, gano'n kalungkot ang aking buhay.

Noon pa ako bilanggo nitong bahay na sa katandaan ay nagmistula nang kakila-kilabot sa paningin ng iba. Kahit pa man may tagapangalaga itong bahay, tiyak kong luma na ito. Hindi ko kailanman nasilayan ang kabuuan ng bahay ngunit ayon sa malapit kong tagapagbantay, maganda ito at maalwan sa pakiramdam.

Kung sa labas daw tatanawin, mukha itong pag-aari ng mga kinakatakutang nilalang. Napakalaki ng kabuuan at nahati sa tatlong bahagi ang bawat espasyo ng palapag at mayro'n itong sekretong attic at silong. Ang mga bintana ay gawa sa kahoy ngunit matibay. Ang mga pinto naman ay gawa sa metal, maliban sa pinto sa likod ng kusina na gawa sa plywood at sira na nga yata. Bawat pakiramdam ko sa bahay ay gawa lamang ng maghapon kong pagkapa sa bahagi nito.

Sinabi rin ni Mang Gusting na sa labas ay may mga bulaklak pa naman at ang bakod na gawa sa semento ay nilumot na.

Ngayong natatanaw ko na ang lahat, wala na iyong halaga sa akin. Huli na ang lahat para sa akin dahil ang lahat ay kinuha na sa akin.

Lahat ng ligaya, pag-ibig, pag-asa, at sarili, wala na. Ano pa ang saysay ng mga nakikita ko ngayon?

Sapat na ba ang mga magagandang alaala noon upang manatili ako rito sa bahay o kailangan ko nang lumabas at harapin ang tadhana ko?

Kapag nanatili ba ako rito, babalik pa kaya siya? Babalik pa kaya ang babaeng lubusan kong minahal at ngayon ay ninanais makita bago matapos ang lahat?

Kung lumabas ba ako'y anong panibagong tadhana ang tatahakin ko?

Masalimuot ang takbo ng aking buhay pero ang alaala kung paano kami nagtagpo ni Liwanag ay klarung-klaro sa aking isipan.

Ang bakod ang nagsilbi naming pagitan noon. Lumikha ako noon ng butas sa ibabang bahagi ng bakod dahil umaasa akong may gagagap sa aking palad.

Nangyari nga ang inaasahan ko. Biglang may dalawang kamay ang humawak sa akin at nadama ko ang init na hatid niyon.

Simula nu'n ay nagkalapit na kami at siya ang naging pag-asa ko. Bawat araw-araw ay kapa ko ang damuhan o kaya'y giya ako ni Mang Gusting para makarating sa bakod. Araw-araw din siyang naroon at pinapaligaya ako.

Nang mga panahong iyon, hindi ko nakikita ang ganda niya pero dama ko ang busilak niyang puso.

Ako rin ang palaging nagbabahagi noon kung saan ako nakatira. Ayoko kasing itago ang katotohanang sa kinakatakutang bahay ako nakatira. Siya naman ay walang binabahagi kaya nahirapan ako noong ipahanap siya.

Lumipas mang bigla siyang nawala ay muli ko rin naman siyang nahanap. Nang ako ay iwan ng aking mga magulang, siya ang kapalit. Siya ang pumuno ng mga pagkukulang sa aking buhay.

Diniligan niya ng pag-ibig ang aking puso. Ang mga paningin niya ang siyang naging aking gabay.

Pinaligaya niya ako at naramdaman ko ang sarap ng buhay.

Subalit tila may katapusan ang lahat dahil muli niya akong iniwan. Gayunpaman, lagi ko pa ring hiling na muli siyang makita. Nakasama ko siya sa maraming taon at alam kong babalikan niya ako.

Habang hinihintay ko siya ay nakikisalamuha na muna ako sa mga kaluluwang narito sa bahay at hindi pa handang lumabas.

Masaya ako at hindi pa rin nag-iisa kahit lumayo na si Liwanag.

Ang desisyon ko ay manatili muna rito sa bahay at hihintayin si Liwanag.

Kahit bilanggo pa rin ako ng bahay, mula sa bintana naman ay tanaw ko ang nasa labas. Nakikita ko na ang mga bulaklak na unti-unti nang namamatay.

Noong nagdaang dalawang araw nga ay natanaw ko ang mga taong nagluluksa dahil sa pagkamatay ng matanda sa katabing bahay. Kilala ko sa pangalan ang matanda at malungkot ako sa pagkawala niya dahil may malaki rin siyang naitulong sa paghahanap ko kay Liwanag noon.

Nu'ng araw ng pagkawala ni Aling Marga ay nakakita ako ng babaeng ubod ng ganda. Inaamin kong maganda ang babae pero sa puso ko'y si Liwanag lamang ang pinakamaganda. Kahit sa larawan ko lang nakita ang mukha ni Liwanag, tiyak kong maganda siya sa maikling buhok. Ngayon ay nais kong makita si Liwanag nang harap-harapan.

Ang babae nu'ng araw na 'yun ay may kakaibang hatid na hiwaga sa aking pakiramdam.

Sigurado akong natitigan ko siya sa mga mata at tila nagkasalubong pa ang aming mga tingin. Subalit, imposible niya akong makita.

Naging palaisipan man sa'kin ang hatid na hiwaga ng babaeng iyon ay kinaligtaan ko na lang dahil higit kong dapat isipin si Liwanag. Iniisip ko ring baka may kinalaman si Liwanag tungkol sa kwadernong pag-aari ni Ina.

Maya-maya'y bumukas ang pinto at pumasok si Mang Gusting. Hanggang ngayon pala ay pinangangalagaan niya ang bahay kahit wala nang nag-uutos sa kanya.

Napansin kong tinungo niya ang kusina at kinuha ang mga kutsilyo saka iyon inilagay sa sako.

Aanhin niya kaya ang mga iyon?

Kasabay ng paglibot ni Mang Gusting sa bahay, nasa paligid din ang mga kaluluwa. Ang mga espirito rito sa bahay ay hindi masasama. Huwag lang nilang subukang lumabas ng bahay.

Nilinis din ni Mang Gusting ang kabahayan. Napakabait niya talaga at hindi siya sumira sa pangako sa mga magulang kong pangangalagaan ang bahay.

Masaya ako at nakikita ko na ang itsura niya. No'ng una ko siyang makita ay isang taon pa iyon. Ngayon lang siya muling bumalik kaya medyo nadagdagan ang kulubot sa kanyang katawan. Dapat nga ay pinabayaan na niya itong bahay lalo pa at wala nang titira. Mapapagod lamang siya kakalinis ng makakapal na alikabok at malalagkit na supot ng gagamba.

Nang matapos siya ay gabi na kaya umuwi na rin siya. Sana ay bumisita pa rin siya dahil nasanay na akong lagi siyang narito. Hindi ko pa rin pala kaya ang mag-isa.

Hindi pala ako mag-isa dahil may mga espirito akong kasama. Minsan ay nakakausap ko sila pero hindi iyon sapat.

Kailangan ko si Liwanag, makita ko pa kaya siyang muli? Gayunpaman, nais ko talaga siyang makita.

Ang huli kong kahilingan ay muli kaming magkita ni Liwanag, bago ko harapin ang katotohanan.

Hindi ko rin lubos maipaliwanag kung anong hiwaga ang bumabalot sa bahay na ito. Naalala ko lang nang minsang nabahagi ni Ina ang bato ng asul na kwentas na nakabaon sa bahay na ito. Ang bagay raw na iyon ang paraan upang maaring manatili ang mga kaluluwang hindi pa handang maglakbay. Naalala ko rin ang kanyang sinabi tungkol sa kwadernong sasagot tungkol sa mga katanungan ko. Nasa'n na kaya ang kwadernong iyon?

Ano kaya ang bato na iyon? Saang bahagi ng lupa ng bahay iyon nakabaon? Totoo nga kaya ang tungkol sa bato ng kwentas?

....................

GhostingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon