AKI
Ang mga sandaling narito ako sa bahay ni Lola ay pinagkaabalahan ang pag-intindi sa mga talaarawan niya. Mga babala. Mga alaala. Mga sekreto.
Binalikan kong muli ang mga panahon ng aking kabataan kung saan unang nakilala si Sikat. Akala ko noon, wala iyong halaga sa akin. Iyong tawagan naming Sikat at Liwanag ay katumbas pala ng pag-asa at lunas sa madilim na yugto sa aming buhay. Iyong butas sa bakod na aming tagpuan ay daan upang iparamdam sa isa't isa ang magkalubid naming tadhana. Iyong asul na bato ay aming gabay tungo sa katotohanan at maari ding sa kamatayan.
Ngayon ay naiintindihan ko na ang mga sulat na iniwan ni Lola para sa akin. Nagsimula ang itim na sumpa nang minsan ay ninakaw niya ang isang bagay na may hiwagang taglay. Sa halip na siya ang direktang parusahan ay sa akin iyon napunta, kung saan mamamatay ako sakaling magkaisa ang mga puso namin ni Eryx.
Iyon ang bagay na iniwasan ni Lola na mangyari sa akin kaya niya binago ang aking kapalaran. Inilayo niya ako kay Eryx na kahit ano pang nangyari at mangyayari ay mauuwi pa rin sa kapalarang siya'y aking iibigin.
Kung gayon, hindi nagtagumpay si Lola sa pagputol ng sumpa.
Ang hindi ko lang maintindihan ay bakit namatay si Eryx? Paano ko siya mamahalin kung isa na lamang siyang kaluluwa?
Marahil ay may bagay pang hindi nalalaman si Lola. Isang bagay na maaring pumutol sa sumpa. Kung ano iyon ay dapat naming malaman ni Eryx. Hahanapin ko rin ang kalahati ng kwentas upang muling mabuhay si Eryx.
Hindi ko hahayaang mauwi sa wala ang sinakripisyo ni Lola para sa akin. Dapat ay matalo ko ang sumpang iyon.
Huli kong tiningnan ang litratong kuha noong bata pa kami at nasa bakuran kung saan may isa pang batang nahagilap ng litrato. Ang litratong ito na noo'y akala kong kami ni Ahmik ang pangunahing tauhan at si Eryx ang ekstra. Ang totoo pala'y ako iyon at si Eryx, si Ahmik ang ekstra. Si Ahmik ang tinutukoy ni Lola sa babala na dapat kong iwasan dahil ang kalooban nito'y masama at puno ng galit ang puso.
Mabuti na lang at hindi pa siya bumabalik. Natatakot na akong muling makaharap ang Ahmik na 'yun.
Matapos ang lahat ay nagpadala ako ng sulat kay Mama na ako'y babalik sa makalawa. Pinaalalahanan ko rin siyang dapat mag-ingat at iwasan si Ahmik, lalo pa't alam na nito kung saan kami nakatira.
Narito na ako ngayon sa bintana at nakatanaw sa lumang bahay. Nag-aalangan pa rin akong kausapin si Eryx dahil iniisip kong nagluluksa pa rin siya sa pagkawala ni Chanel. Kahit pa ako ang tunay niyang Liwanag ay si Chanel naman ang kinilala niyang Liwanag sa mahabang panahon. Kahit ako ang Liwanag niya, hindi niya ako mahal.
'Hindi ba?'
Ngunit hindi ko natiis ang sariling hindi siya harapin. Kailangan ay maging klaro ang lahat sa amin. Nais ko ring malaman kung anong nararamdaman niya. Kung natuwa ba siya o nadismaya sa katotohanan.
Bago ako lumabas ng bahay ay sinuring maigi ang sarili sa harap ng salamin. Inayos ko ang buhok at naglagay ng kaunting palamuti sa katawan. Ang soot ko ay kaswal na kulay pula. Hapit iyon sa aking katawan. Suot ko na rin ang kwentas.
'Tama. Handa na ako.'
Kabadong-kabado ako. Para bang ako'y papunta sa isang date at first time ko. Malalim akong humugot ng hininga saka lumapit sa pinto ng lumang bahay.
Nanatili muna akong nakatayo na malapit sa pinto at iniisip kung anong unang sasabihin. Nasa kamay ko ang susi at napapikit nang buksan iyon.
Isang maalwang sala ang tumambad sa akin at wala kahit na isang kaluluwa akong namataan.
BINABASA MO ANG
Ghosting
Mystery / ThrillerTakot ka bang ma-ghosting, lalo na ng taong pinangakuan ka ng kasiguraduhan? Kinaiinisan ni Aki ang mga taong nanggo-ghosting sa kanya. Akala niya, wala nang taong mananatili sa buhay niya. Nang mamatay ang Lola niya ay umuwi siya sa lugar nito kung...