MALUTONG na halakhak ang kumawala sa lalamunan ni Perusha habang mabilis na tumatakbo palayo sa lumang kuweba na naging tahanan n'ya sa loob ng napakahabang panahon. Hindi n'ya inaakala na mabilis s'yang matutunton ng mga asong lobo ng WarLord. Marahil ay maagang nakapagsumbong sa mga ito ang babaeng taga-Lilipun.
"Hikhikhik! Akala ba ng mga hangal na iyon ay ganoon lang kadaling madakip si Perusha! Hindi ang mga nilalang sa mundong ito ang tatapos sa akin!" Muli itong humalakhak at binilisan pa ang pagtakbo.
Dahil sa biglaang pagdating ng mga asong lobo, hindi na n'ya nadala pa ang kan'yang mga gamit maging ang kan'yang mahiwagang walis ngunit sinigurado naman n'ya na mabibitbit ang kan'yang lumang aklat.
Doon nakasalalay ang lahat. Sa pamamagitan niyon ay magagawa n'yang bawiin sa mga asong lobo ang kan'yang lupain na inari ng mga ito. At ang babaeng pangit na nasa pangangalaga ng mga asong-lobo, titiyakin n'yang sa susunod ay mawawala na ito sa kan'yang landas.
Ang lumang tore. Tama!
Oras na makahanap s'ya ng pagkakataon ay doon n'ya ito dadalhin at ikukulong upang walang kahit sinoman ang makatutunton at makapagliligtas pa dito.
Sinuwerte ito nang makaligtas sa mansanas ng kamatayan ngunit sisiguraduhin n'yang hindi na ito makatatakas pa sa susunod.
"Hikhikhik! Hindi pa tapos ang lahat, babaeng pangit! Hintayin mo ang pagbabalik ni Perusha!"
__________
SAMANTALA nang mga sandaling iyon, nadiskobre na ng mga packwarriors ang lumang kuweba kung saan naglungga si Perusha ngunit sa pagkadismaya ng lahat ay hindi na naabutan pa roon ang nilalang na nagpalaganap ng mahiwagang sakit sa buong Lilipun.
Naningkit ang mga mata at nagtagis ang bagang ni Lux. "Suyurin ang buong teritoryo! Huwag hayaan na makatakas ang mangkukulam!"
Umangil ang mga pack warriors at agad na tumalima sa mahigpit na utos ng Alpha.
Malaki ang atraso ng mangkukulam na iyon sa kanilang lahi. Maraming buhay ang nawala dahil sa pandemya at marami pa rin ang nasa bingit ng panganib sa mga oras na iyon dahil wala pa ang lunas.
Kailangan nilang madakip ang salarin upang pagbayarin sa kasalanang nagawa nito.
"Si Erika?" Baling ni Lux kay Aztec na nagpa-iwan upang halughogin ang kuweba. Tiyak na may mga naiwang gamit ang mangkukulam doon na maaaring magbigay ng impormasyon sa kanila tungkol sa pagkakakilanlan nito.
"Sinamahan s'ya ni Beta Legion upang kumuha ng mahiwagang kabute, Alpha," tugon ng tinanong.
Napatango ang Pinuno ng WarLord. Si Erika ang pag-asa nila upang malunasan ang Moon Coronapest. Malaki ang tiwala ng Alpha na sa pagkakataong iyon ay magtagumpay na ang dalaga na makuha ang lihim na sangkap na s'yang susugpo sa mahiwagang karamdaman.
___________
[Erika's Pov]
NANG mga sandaling iyon naman, hindi kalayuan sa kuweba ni Perusha...
Hindi ko napigilan ang mapasinghap nang sa wakas ay mahanap namin ni Ginoong Lumot ang aking pakay sa kagubatang iyon. Ang mahiwagang kabute na ayon sa aklat ng aking lola ay nagmula pa sa buwan. Mula sa aming kinatatayuan ay tila gintong kumikinang sa gitna nang malawak na kaparangan ang mga iyon.
"Fufufu!" Napuno ang aking dibdib nang katuwaan at dahil doon ay napahagikhik ako sabay akmang yayakapin ang ginoo sa aking tabi ngunit naging maaga ito. Agad na hinawakan nito ang aking noo upang pigilan ako.
"Ano sapalagay mo ang gagawin mo, babaeng paniki?" kunot-noong asik nito.
Napasimangot na pinalis ko ang kamay nito sabay layo dito. "Fufufu! Ang kj mo kahit kailan, ginoo. Hindi ka ba masaya na sa wakas ay nakita na natin ang mahalagang sangkap para sa lunas?"
Binigyan ako nito nang blangkong tingin bago nagparungit. "Magiging masaya lang ako kung bibilisan mo na ang pagkuha sa mga kabute at magawa ang misyon mo. Tandaan mo na iyon lang ang dahilan kaya ka naririto sa WarLord. Oras na matapos na ang lunas ay babalik kang muli sa Lilipun dahil doon ka nababagay, hindi dito."
Sa narinig ay napanguso ako sa hantarang pagtataboy nito sa akin. "Huwag kang mag-alala, ginoo dahil wala akong balak na magtagal pa sa lugar na ito at makasama ang ubod sungit at ubod antipatikong lalakeng tulad mo! Hindi ko ipagpipilitan ang sarili ko sa mga nilalang na ayaw sa akin," puno nang hinanakit na wika ko dito dahil sapalagay ko ay sumosobra na ito.
Naranasan ko na noon na hindi tanggapin. Akala ko, kahit paano ay mag-iiba ang sitwasyon ko sa WarLord ngunit nagkamali ako. Tulad ng mga kapit-bahay ko sa Lilipun ay hindi rin pala ako nababagay sa lupain ng mga asong lobo kahit malaki na ang pagbabago ng aking pisikal na kaanyuan.
Napa-iling sa dismaya na tinalikuran ko si Ginoong Lumot at humakbang patungo sa mga mahiwagang kabute na tila mga munting sulo sa ilalim ng sinag ng buwan at nababalutan ng mga nagliliparang mga alitaptap ngunit sa aking pagkagulat ay pinigilan ako sa braso ni Ginoong Lumot.
Akmang pipiglas ako ngunit hindi ko nagawa iyon nang higitin ako nito pabalik at ipihit paharap dito.
"Erika," bigkas nito sa aking pangalan na aking ikinagulat.
Hindi dahil sa biglang naging malumanay ang boses nito kundi dahil iyon ang unang beses na tinawag ako nito sa aking pangalan.
Maging ito ay tila nasorpresa rin. Saglit na may dumaang pagkalito sa mga mata nito na tila naguluhan sa sarili pagkatapos ay binitawan ang aking braso ngunit upang sapuin lang ang aking mga pisngi.
"Fuck, woman! What are you doing to me?" angil nito na inilapit pang lalo mukha sa akin na halos malanghap ko na ang mabangong hininga nito.
Nagpalunok na tumingala ako dito.
Sa unang pagkakataon ay matapang kong sinalubong ang titig nitong puno ng magkahalong emosyon. "Ginoo-" nais ko sanang itanong kung ano bang ginagawa nito ngunit hindi ko pa natatapos ang pagsasalita nang bigla nitong tawirin ang pagitan namin at siilin ako ng halik sa mga labi.
Nanlaki ang aking mga mata at napigil ko ang aking paghinga sa pagkabigla.
Weytaminet!
'Fufufu! Nananaginip ba ako?'
Na hinahalikan ako sa sandaling iyon ng ginoong simula't sapul ay lantaran ang matinding pag-ayaw sa akin. Na ang mga bisig nito ay hinapit ang aking katawan palapit dito na tila ba may aagaw sa akin. Na tila ba ayaw ako nitong pakawalan.
Na tila ba inaari ako.
'Fufufu! Pero bakit?'
Napuno ng pagkalito ang aking isipan.
Anong sumapi kay Ginoong Lumot upang gawin ang bagay na iyon? May sakit ba ito? May dinaramdam?
At bakit? Bakit imbes na itulak ito palayo ay kusang nangunyapit ang aking mga braso sa balikat nito? Bakit ako umungol at ibinuka ang aking bibig upang tugonin ang halik nito?
Fufufu!
Ano bang nangyayari?
Hindi ba at hindi ko rin ito gusto? Para sa akin ay ito ang kahuli-hulihang nilalang na gugustohin kong makasama.
Si Ginoong Nakasisislaw. Ito ang talagang hinahangaan ko, hindi ba?
Kaya ano ito?
Anong kahangalan itong ginagawa ko?
'Fufufu!" hagikhik ko sa aking isip. 'Ngayon ko lang nalaman. MARUPOK din pala ako.'
"
BINABASA MO ANG
The Witch Doctor
WerewolfThey called me a witch'. An ugly creature scaring every single soul in Lilipun away. One day, I accidentaly landed in the wolf-shifters territory. Read and enjoy. Date Started: 12/ 25/ 2017