ANG sabi ko sa matanda ay ikukuha ko ito ng inumin ngunit nagulat na lang ako nang makita ito sa loob ng aking bahay."Hikhikhik! Ikaw lang ba ang mag-isang nakatira dito, binibining pangit? Este... binibining mabait?" tanong nito habang pinag-aaralan ang kabuo-an ng sala.
Humagikhik ako bago tumugon. "Naku hindi po, Lola. Fufufu! Kasama kong naninirahan dito ang guwapo kong asawa at ang aming anak. Sa katunayan ay parating na sila galing sa trabaho."
Kasinungalingan iyon ngunit hindi talaga maganda ang pakiramdam ko sa matanda. Isa pa, ang sabi ng aking namayapang Lola ay hindi daw ako dapat magtiwala sa kung sino dahil noong kabataan nito ay marami itong naging kaaway. Nakapagtataka man dahil ubod ng bait ng aking abuela para magkaroon ng mga kagalit ay iba pa rin ang nag-iingat.
Bumaling sa akin ang matanda at tiningnan ako ng tila hindi ito naniniwala.
Lihim akong napangiwi dahil kahit na hindi nito isaboses, alam kong hindi ganoon kagandahan ang aking mukha upang kombinsehin ito na mayroon nga akong guwapong asawa.
"Fufufu! Saglit lang at ikukuha muna kita ng inumin, Lola!" mabilis kong paalam dito bago dumiretso sa kusina.
Kumuha ako ng malinis na baso at nilagyan iyon ng tubig mula sa gripo at agad na binalikan ang aking hindi kilalang panauhin.
Nakita ko itong naka-upo sa sofa habang hawak pa rin ang walis na may kawayang hawakan.
"Fufufu! Heto na po, Lola. Tiyak napagod kayo sa in'yong paglalakad." Inabot ko rito ang baso ng tubig na mabilis nitong tinanggap at ininom. Sinamantala ko iyon upang magtanong dito. "Fufufu! Kung hindi n'yo mamasamain, maaari ko bang malaman kung taga-saan kayo? Ngayon ko lang kasi kayo nakita dito sa bayan ng Lilipun, Lola."
Inilapag ng matanda ang baso sa katabi nito bago ngumis sa akin at tumugon. "Isa lamang akong manlalakbay, binibini. Nagkataon na napadaan ako dito sa in'yong lugar at nakatagpo ng mabait na gaya mo kaya naman bilang pasasalamat, nais kong bigyan ka ng isang regalo." Isinuksok nito ang kamay sa bulsa ng kulay putik na roba at inilabas roon ang isang pulang-pulang mansanas. "Heto, binibini, kainin mo! Masarap 'yan!"
Napa-atras ako sabay hagikhik at iling ng ulo. "Naku, pasensya na Lola ngunit hindi ako ganoong klaseng tao. Sapat na po sa akin ang makatulong kaya baunin n'yo na lang ang mansanas sa in'yong paglalakbay," tanggi ko.
"Hikhikhik! Huwag mo akong alalahanin, binibini! Marami pa akong mansanas na maaaring makita sa daan." Sa gulat ko ay tumayo ito at binitawan ang walis.
Napa-atras ako sabay lunok ngunit humakbang ang matanda at dinukwang ang aking kamay upang sapilitang ilagay roon ang mansanas.
"Hikhikhik! Huwag mo sanang tanggihan ang regalo ng isang matanda ng tulad ko. Sige na at tikman mo, binibini. Tiyak na hindi ka magsisisi!" ngumisi ito na at lumantad sa akin ang kulang-kulang at madilaw nitong ipin.
Gumapang ang kilabot sa aking katawan. Maliban sa aking sarili ay wala ng ibang nilalang ang nakapagbigay sa akin ng takot kundi ito lamang ngunit hindi ko maintindihan kung bakit tila may kung anong kapangyarihan ang salita nito upang matukso nga akong tikman ang prutas na aking hawak.
"Sige, tikman mo! Isang kagat lang binibini at tiyak na hahanap hanapin mo ang tamis nito..." muling wika ng matanda.
Sa pagkakataong iyon ay hindi na ako nakatanggi. Dahan-dahang tumaas ang aking kamay at itinapat sa aking bibig ang mansanas.
"Sige, gan'yan nga! Gan'yan nga, binibini! Kagat lang... Kagat lang!"
Tila wala sa sariling bumuka ang aking mga labi at akmang titikman ko na ang mapulang prutas gaya nga ng pag-uudyok nito ngunit bigla akong nahinto nang may tumapik sa aking kamay dahilan upang mahulog ang mansanas sa sahig na ikinagulat ko at ng matanda sa aking harapan.
"Binibini! Anong ginagawa mo? Kanina pa kami naghihintay. Naiinip na si Kuya Legion, kailangan na nating magmadali!" si Apache na biglang lumitaw sa aking tagiliran bago ito bumaling sa matanda na biglang umatras at tumalikod. "Pasensya na Lola ngunit wala nang oras upang kumain ang binibini."
"Hikhikhik! O-okay lang, bata," tila nautal na tugon ng matanda at dinampot ang mansanas at ang walis nito. "Ang mabuti pa ay mauna na ako. Bibigyan na lang kita ng mansanas sa muli nating pagkikita, binibini! Salamat!"
Iyon lang at may pagmamadaling lumabas ito ng bahay at walang lingon likod na tumalilis palayo.
Kunot-noong sinundan ito ng tingin ni Apache bago bumaling sa akin. "Sino ang isang iyon?"
Inayos ko ang bandana sa aking ulo sabay kibit-balikat. "Fufufu! Isang matandang manlalakbay na binigyan ko ng maiinom?"
Napa-iling ang binatilyo. "Masama ang kutob ko sa kan'ya. Sa susunod huwag kang basta basta magpapapasok ng kung sino sa bahay mo at magtitiwala sa kung sino, binibini."
Fufufu!
Teka nga, bakit pakiramdam ko eh pinagagalitan ako nito?
Napabuntong-hininga ako sabay nguso. "Oo na..."
Sabagay, tama naman ito at pareho kami ng nararamdaman sa matandang iyon. Hindi ko mawari ngunit napakalakas ng negatibong awra na nangmumula dito at isa pa, sa hindi ko maintindihang dahilan ay bakit tila pinipilit nitong ipakain ang mansanas sa akin?
Masarap ba talaga iyon? Seedless? O baka naman gusto lang nitong magpromote ng produkto at sa susunod ay pagbentahan ako?
Fufufu!
Baka nga iyon ang totoong dahilan ngunit sakali mang iyon nga ay tiyak na mabibigo ito dahil wala akong pera.
Isa lamang akong pobreng nilalang na may pobreng pagmumukha! Wala itong mapapala sa akin kaya sana ay huwag na itong bumalik.
Fufufu!
Minabuti kong alisin na ang isip sa matanda at binilisan ang pagkilos dahil sabi nga ni Apache ay naghihintay na ang masungit nitong kapatid. Humakbang ako papasok sa aking silid at hinanap ang aking pakay at agad naman iyong nakita.
"Fufufu! Tayo na!" maya-maya ay lumabas na ako ng silid sukbit ang isang bag na kinalalagyan ng libro at ng ilan kong mga damit dahil tiyak ilang araw pa akong mananatili sa bayan ng mga asong lobo.
Tumango si Apache at akmang lalabas na kami ngunit sabay din kaming napahinto sa hamba ng pinto nang makita ang aking mga kapitbahay na naghihintay sa labas ng aking bakuran.
"Totoo ngang bumalik na ang mangkukulam!" si Mrs.Dennis na nasa unahan ng mga ito at mukhang galit na galit.
Nais ko sanang itanong kung ano na namang ipinaglalaban nito nang mapansin ko sa likuran ng ginang ang mga batang nakita ko sa daan.
"Tita, s'ya! S'ya ang mangkukulam na gustong kumain sa amin!" anang isa sa mga paslit na ikina-ungol ng lahat.
Isang hagikhik ang aking pinakawalan bago matalim na pinukol ng tingin ang munting nilalang na pamangkin pala ng numero unong chismosa kong kapitbahay.
"Fufufu! Sinungaling ka, bata. Gusto mong kainin kita!"
BINABASA MO ANG
The Witch Doctor
WerewolfThey called me a witch'. An ugly creature scaring every single soul in Lilipun away. One day, I accidentaly landed in the wolf-shifters territory. Read and enjoy. Date Started: 12/ 25/ 2017